Ikinagalak ng mga progresibong grupo ang pagkakalaya ni Mary Jane Veloso noong Setyembre 25 sa pamamagitan ng absolute pardon, matapos ang mahigit 16 na taong pagkakakulong.
Ayon sa Migrante International, ang pagkakalaya ni Veloso ay isang isang makasaysayang tagumpay para sa pandaigdigang kilusang masa na matagal nang nakikipaglaban para sa kanyang kalayaan at katarungan bilang biktima ng human trafficking.
Anito, matagal nang dapat nakamit ni Veloso ang kanyang kalayaan. Ipinaalala ng grupo na ipinakulong siya ni Marcos nang isang taon at siyam na buwan, kahit wala namang isinampang kaso laban sa kanya sa mga korte ng Pilipinas.
Sinang-ayunan ito ng grupong Gabriela.
“Dapat ay sinikap ni Pangulong Marcos Jr. na gamitin ang lahat ng paraan upang mapalaya si Veloso maraming taon na ang nakararaan,” ayon kay Clarise Palce, pangkalahatang kalihim ng Gabriela. Aniya, hangga’t hindi nalulutas ang problema ng sapilitang migrasyon, “patuloy na lilitaw sa iba’t ibang panig ng mundo ang mga babaeng tulad ni Mary Jane Veloso—mahihirap na babaeng ginagamit, inaabuso, at itinatakwil ng sistema.”
Ayon kay Palce, ang kwento ni Veloso ay hindi isang hiwalay na trahedya. Marami ang napipilitang maghanapbuhay sa ibang bansa, at nasasadlak sa pagsasamantala, trafficking, at kriminalisasyon. Bunga ito ng isang gubyernong paulit-ulit na bigong magpalitaw ng disenteng trabaho, makatarungang sahod, at tunay na oportunidad na makapagtrabaho.
Iginiit ng Gabriela na ang pardon kay Mary Jane ay dapat magresulta sa kanyang ganap at walang kondisyong kalayaan, nang walang natitirang mga kondisyon o pagmamatyag, at mabigyan ang kanyang pamilya ng sapat na espasyo upang maghilom at muling magsama nang mapayapa. Dagdag dito, dapat ding papanagutin ang tunay na mga human trafficker at sindikato ng droga na nananatiling malaya, at imbestigahan ang mga kawalang-katarungang sinapit ni Mary Jane sa buong panahon ng kanyang paghihirap.
Ayon kay Palce, aral ang kaso ni Veloso na kapag nagkakaisa ang mamamayan at tumatangging tumahimik, nagiging posibleng makamit ang katarungan.
The post Mary Jane Veloso, nakalaya matapos ang 16 taon appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

