Mariing binatikos ng Computer Professionals’ Union (CPU) ang biglaang pagbabawal ng rehimeng Marcos sa mga social media platform na Discord at Reddit matapos bigyan ang mga ito ng 24 oras na palugit para magtayo ng upisina sa loob ng Pilipinas. Binawi ng estado ang naturang pagbabawal bunsod ng malawakang galit at batikos ng publiko. Ayon sa CPU, hayagang inilantad ng arbitraryong patakaran at pagbawi dito ang kawalan ng malinaw na direksyon at plano ng estado sa pagsugpo sa cybercrime at karahasan.

“Ang pag-ban sa mga platapormang ito ay nagiging anyo lamang ng state censorship na nakabalat-kayo bilang ‘proteksyon,’ gayong bigo naman itong tunay na sugpuin ang mararahas na insidente,” pahayag ng grupo.

Binubuo ang Discord at Reddit ng magkaibang user at mga komunidad. Ang Discord ay aktibong ginagamit ng mga kabataan sa pag-aaral, libangan, at ng mga Pilipinong nagtatrabaho bilang virtual assistant at freelancer. Samantala, ang Reddit ay nagsisilbing espasyo para sa iba’t ibang interes ng mga Pilipino. Giit ng CPU, hindi monolitiko o pawang naglalaman ng mapanganib na materyal ang mga ito, kundi mga ligtas na network ng mga Pilipino.

Inihalintulad ng grupo ang pagbabawal sa dalawang platform sa palpak na SIM Registration law kung saan ipinagkakait ng estado ang karapatan sa pribasiya at akses sa impormasyon nang walang siyentipikong batayan. Ang pagkakait sa kabataan ng malayang espasyo ay lalo lamang magtutulak sa kanila sa mas delikadong mga sulok ng internet.

“Kung seryoso ang rehimeng Marcos sa pagresolba sa krisis na ito, dapat nitong tugunan ang mismong ugat: ang kultura ng impunity at karahasan na ipinalalaganap ng estado,” diin ng CPU. Nanawagan ang grupo sa mga propesyunal sa larangan ng teknolohiya at mamamayan na labanan ang malawakang sarbeylans ng estado at ibasura ang social media ban.

The post Pagbabawal sa Discord at Reddit, di solusyon sa karahasan—CPU appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.