Hindi bababa sa 85 pangulo ng 113 mga state university and college (SUC) sa buong bansa ang nakaisa ng Kabataan Party-list (KPL) at Koalisyong Makabayan para manindigan sa mas mataas at sapat na badyet sa sektor ng edukasyon. Ayon sa anunsyo ng KPL, pumirma ang mga pangulo ng SUC sa isang nagkakaisang pahayag matapos ang mga konsultasyon.
Sa pahayag, nanawagan ang mga pangulo para ibalik ang tinanggal na badyet sa mga SUC at maglaan ng mas malaki at sapat na pondo sa edukasyon. Sa panukalang badyet ni Marcos na 2027 National Expenditure Program (NEP), mas mababa nang ₱3.34 bilyon ang panukalang badyet sa mga SUC kumpara sa inilaan ngayong taon. Higit pang mas malayo ito sa kailangang badyet ng mga unibersidad at kolehiyo sa bansa.
Sa 113 SUC sa bansa, 49 ang dadanas ng direktang kaltas sa pondo habang pito ang makatatanggap ng dagdag-badyet na mas mababa pa sa 1%. Pinakamalaki ang kaltas-pondo sa University of the Philippines (UP) System na aabot sa ₱2.95 bilyon. Lubhang maaapektuhan nito ang pondo para sa UP Philippine General Hospital (PGH).
Sa Philippine Normal University (PNU), magkakaroon ng kaltas na ₱394.9-million at ₱291.8 milyong kaltas sa Polytechnic University of the Philippines (PUP). Malalaking kaltas rin ang dadanasin ng Mariano Marcos State University (-₱506.3M), Isabela State University (-₱229.3M), Biliran Province State University (-₱210.9M), at Leyte Normal University (-₱160.4M).
Kolektibong nanawagan ang 85 pangulo ng SUC sa Kongreso na ibalik ang ₱7.7 bilyon na ibinawas sa 49 SUC. Hiningi rin nila sa mga mambabatas na maglaan ng dagdag na pondo sa mga SUC sa buong bansa kabilang ang pagbabayad sa ₱5.2 bilyong depisito sa Free Higher Education (FHE) para sa taong 2025-2027, pag-apdeyt at pagsasaayos sa badyet batay sa tunay na halaga alinsunod sa bilang ng mga estudyante at pagbibigay ng ₱11.51 bilyon na pondo para sa capital outlay (para sa mga gusali, imprastruktura, makina at iba).
Nanawagan din sila sa mga mambabatas na ilipat ang pondong ₱107.39 bilyon mula sa ngayo’y kwestyunable pa ring mga proyektong flood control tungo sa edukasyon at iba pang serbisyong panlipunan. Nakakaisa nilang tindig: “Pondo sa Edukasyon, Hindi sa Korapsyon!”
Pinasalamatan ni Kabataan Rep. Atty. Co ang mga pangulo ng SUC na tumindig para sa edukasyon bilang isang batayang karapatang-tao na dapat suportahan at pondohan ng gubyerno. “Salamat sa lahat ng mga kasama natin sa laban!” aniya.
Ang kaisahang ito umano ay bahagi ng pagkakamit sa isang tunay na libre, de-kalidad, at abot-kamay na edukasyon. “At para maisabuhay ng mga Iskolar ng Bayan ang tungkulin nitong paglingkuran ang sambayanan,” aniya.
The post 85 sa 113 SUC sa bansa, nanindigan para sa mas mataas at sapat na badyet sa edukasyon appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

