Tinuligsa ng progresibong partido na Anakpawis Party-list ang anunsyo ng Pilipinas at European Union (EU) noong Setyembre 22 na napagkaisahan na ng mga ito ang isang paunang kasunduan para sa Free Trade Agreement (FTA). Ayon sa Anakpawis, ang FTA ay panibagong porma na naman ng imperyalistang pandarambong sa mga atrasadong bansa tulad ng Pilipinas sa tabing ng ng “malayang kalakalan.”

Itinutulak ito ng EU para magbukas ng bagong merkado sa harap ng umiigting na mga tensyon sa mga tradisyunal nitong kakalakalan tulad ng China, Russia, at US. Ayon sa mga upisyal ng EU, magpapatuloy ang pakikipag-usap nito sa mga upisyal ng Pilipinas hanggang sa mabuo ang isang pinal na kasunduan. Dadaan ang kasunduan sa ratipikasyon ng parlamento ng kapwa bansa para maipinal.

Agad na binati at pinuri ng Philippine Chamber of Commerce and Industry at European Chamber of Commerce sa Pilipinas ang paunang kasunduan. Itinulak ng dalawang grupo ang pagpapabilis sa negosasyon para maipinal kaagad ang kasunduan at maratipikahan ng mga mambabatas.

Ayon sa Anakpawis Party-list, kumakatawan sa mga magsasaka at mangingisdang Pilipino, higit lamang na ibubuyangyang ng FTA ang sektor ng agrikultura at kritikal na mineral ng bansa sa dayuhang mga mamumuhunan. “Hinding-hindi magkakaroon ng patas na kalakalan sa isang FTA na nasa balangkas ng neoliberal na globalisasyon,” pahayag ni Ariel Casilao, pambansang pangulo ng partido.

Dagdag niya, palaging dehado sa ganitong mga kasunduan ang lokal na produksyon sa agrikultura, likas na yaman at kritikal na mineral. Kasayasayan na rin umano ang nagpatunay dito sa halimbawa ng pagpasok ng Pilipinas sa World Trade Organization (WTO) noong 1995. “[Sa ilalim nito] nawalan ng soberanya sa lupang pang-agrikultura ang mga sektor sa kanayunan sa pagkakalantad nito sa dayuhang mamumuhunan at mandarambong,” ayon kay Casilao.

Ang inianunsyong FTA ng EU at Pilipinas ay kasunod lamang ding ng paglalabas ni Ferdinand Marcos Jr noong Agosto ng Executive Order (EO) No. 122 o ang National Policy Framework for Developing the Critical Minerals Industry. Ang EO 122 ay pansuhay sa US-Philippines Critical Minerals Memorandum of Agreement na pinirmahan noong Pebrero at sa plano ng US na itatayong Pax Silica hub sa Tarlac.

Sa EO 122, pinalakas ni Marcos ang mga mekanismong tulad ng “Virtual One-Stop Shop” at ang patakarang “Use It or Lose It” para pabilisin ang pagbibigay ng lisensya sa malakihang pagmimina. Mahigit siyam na milyong ektaryang lupain sa buong bansa ang saklaw ng EO. Inawtorisa din nito ang pagbebenta sa natitirang mga lupa at operasyon sa mina na hawak pa ng estado.

Sa nakatakdang pagsasapinal ng kasunduan, nanawagan ang Anakpawis Party-list sa iba’t ibang sektor na sama-samang tuligsain ang bagong pakana na ito ng dayuhang pandarambong.

The post PH-EU Free Trade Agreement, panibagong mukha ng ismperyalistang pandarambong—Anakpawis appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.