Tinuligsa ng National Democratic Front (NDF)-Eastern Visayas ang presensya ng tropang Amerikano at ang inilulunsad na US Pacific Partnership (USPP) 2026 war games sa Eastern Visayas, partikular sa Tacloban City. Ang war games ay nagsimula noong Setyembre 18 at nakatakdang magtapos sa Setyembre 29.
Ang USPP 2026 ay ang ikatlong pagkakataong inilunsad ito sa Tacloban City at ika-14 sa Pilipinas. Ito ang ika-22 pagkakataong inilunsad ang ganitong klase ng war games sa mundo. Partikular na tinitiyak ng war games ang “malaya at bukas na Indo-Pacific.”
Pinakikilos dito ng US ang US 7th Fleet ng Navy. Maliban sa tropa ng US at Pilipinas, kalahok dito ang mga sundalo at upisyal ng Canada, Germany, Japan, New Zealand, at United Kingdom. Halos 1,000 tropa at upisyal ang kalahok sa war games.
Katulad ng iba pang war games, pinalalabas na ang pagsasanay na ito para sa “seguridad ng rehiyon” at “pagtugon sa mga sakuna.” Tinatabingan ng katawagang “interoperability” ang katotohanang pagsasanay ito ng US kung papaanong madaling mamanduhan ang tropa ng Pilipinas sakaling kailanganin.
Inihalintulad pa ng kumander ng USPP 2026 na si US Navy Capt. Robert Reyes na ang muling pagbabalik ng tropang Amerikano sa Tacloban City ay katulad ng pagbabalik ni Gen. Douglas MacArthur na kanyang idineklara. Si MacArthur ay tumalilis at iniwan ang Pilipinas nang sinakop ng kolonyalistang Japan ang Pilipinas. Bumalik lamang ang mga Amerikano nang unti-unti nang nagapi ng rebolusyonaryong pwersang Pilipino ang pwersang Japan.
Ayon kay Ka Celine Manlimbasog, tagapagsalita ng NDF-Eastern Visayas, ang USPP 2026 war games ay naglilingkod lamang sa interes ng US at layunin nitong pahigpitin ang kapit sa Asia-Pacific. Babala niya, higit din nitong kakaladkarin sa bingit ng gera ang Pilipnas.
Tinuligsa rin ni Manlimbasog ang palabas na programa ng USPP 2026 na pagkukumpuni at pagtatayo ng mga klasrum, serbisyo medikal, at makataong tulong sa mga komunidad ng Tacloban City. Sa kabila ng mga pampabangong programang ito, sinabi niyang hindi nalilimutan ng masang Taclobanon ang pagsasapanganib sa kanila ng sikretong pagpapalipad ng US at Armed Forces of the Philippines ng Tomahawk misayl mula sa sibilyang paliparan sa syudad papuntang Nueva Ecija.
“Milyun-milyong Pilipino sa hindi bababa tatlong rehiyon ang nalagay sa panganib dahil sa 48 minutong low-skimming na paglipad ng misayl sa layong 640 kilometro,” ayon kay Manlimbasog. Tinanggalan rin nito ng kabuhayan ang mga mangingisda ng Tacloban City sa loob ng ilang araw nang pagbawalang maglayag para bigyang daan ang pagpapasabog ng misayl.
Nanawagan si Manlimbasog sa mamamayan ng rehiyon na magkaisa at ilantad ang kabalintunaan ng mga war games na ito at presensya ng tropang Amerikano sa Pilipinas. “Dapat nilang isapuso ang diwa ng kanilang mga ninuno: si Agustin Sumuroy ng Palapag, ang mga mamamayan ng Catubig, Balangiga, at ang mahabang hanay ng mga Samareño at Leyteño na nag-alsa laban sa mga mananakop at mapang-aping Amerikano para sa kalayaan at demokrasya,” hamon niya.
The post Presensya ng tropa ng Kano, US Pacific Partnership war games sa Eastern Visayas, kinundena appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

