Nagprotesta sa harap ng House of Representatives sa Batasan Hills, Quezon City ang mga pambansa-demokratikong organisasyong masa sa pangunguna ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) kasabay ng pagdinig sa badyet ng Office of the President (OP) noong Setyembre 23. Nakiisa sa protesta ang mga partido sa ilalim ng Koalisyong Makabayan, na mayroong kasalukuyang tatlong kinatawan sa Kongreso.
Iniratsada ng Kongreso ni Marcos ang deliberasyon sa plenaryo ng badyet ng OP para sa 2027 na nagkakahalaga ng ₱10.16 bilyon. Ang ₱4.58 bilyon o halos kalahati ng buong badyet ay nakalaan para sa kanyang confidential and intelligence fund (CIF). Ang badyet ni Marcos para sa CIF ay 42% ng kabuuang inilaang badyet para sa CIF sa lahat ng mga ahensya.
Ayon sa Bayan, ang pagratsada sa badyet ng OP ay nagpapakita ng malisyosong sabwatan ng Malacañang at Kongreso sa pagsasalpak ng pork barrel at iba pang kwestyonableng aytem sa 2027 General Appropriations Bill. Halos kalahati ng badyet ng pangulo ay nakalaan para sa mga confidential at intelligence fund kaya dapat lamang itong masusing suriin, anang grupo.
Habang nagkakaroon ng protesta sa labas ng Kongreso, inurirat ng mga kinatawan ng partido sa ilalim ng Koalisyong Makabayan ang mga isponsor ng badyet ng OP. Tinawag ng koalisyon na “hindi normal,” dahil halos kalahati nito ay hindi isinasiwalat sa publiko. “Nakatalukbong, nagtatago sa likod ng national security,” pahayag ni ACT Teachers Party-list Rep. Antonio Tinio.
Iginiit ni Tinio na dahil confidential ang nasabing pondo, wala itong regular na pagsisiyasat at hindi sakop ng normal na procurement laws at procedures, kabilang ang bidding. Ipinagtanggol ng isponsor ng badyet na si Rep. Albert Garcia ang CIF sa pagbanggit na nabigyan ang upisina ng “unmodified opinion” ng Commission on Audit (COA).
Binatikos ito ni Tinio laluna at ito rin ang naging palusot ng Office of the Vice President (OVP) sa nilustay na confidential funds. “Yung Office of the Vice President, yan din ang sinabi. And yet, nakita naman natin na apparently that’s meaningless when it comes to the actual use of confidential funds,” ayon kay Tinio. Sa huli, hindi pa rin naipaliwanag kung saan ginagamit ang confidential at intelligence funds ng OP.
Sa pagratsada sa 2027 badyet, sinabi ng Bayan na malinaw na patunay ito na ang kampanya kontra korapsyon ni Marcos sa nagdaang taon ay huwad. Anang grupo, napakalaki ng badyet ng rehimen sa pagbabayad-utang at kwestyunableng mga aytem at proyekto ngunit lubhang kulang ang subsidyo at inilalaan para sa sektor ng agrikultura, eskwelahan, ospital at iba pang serbisyong panlipunan.
Nanawagan ang Bayan sa sambayanang Pilipino ng mas mahigpit na pagbabantay at pag-usisa sa mga pagdinig kaugnay ng badyet. Hinimok nito ang mga demokratikong grupo at sektor na kumilos at magprotesta para tuluy-tuloy na batikusin ang korapsyon ng rehimeng Marcos.
The post Pagratsada sa CIF, badyet ng Office of the President, binatikos ng mga progresibong grupo appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

