Militanteng nagmartsa mula sa Liwasang Bonifacio patungo sa Mendiola sa Maynila ang mga demokratikong sektor at grupo noong Setyembre 21 para kundenahin ang korapsyon, kahirapan, at kawalang pananagutan ng rehimeng Marcos. Pinangunahan ang pagkilos ng Kilusang Bayan Kontra Kurakot (KBKK) at Bagong Alyansang Makabayan (Bayan).

Ginunita nila sa araw na iyon ang ika-54 deklarasyon ng batas militar ng diktadurang Marcos. Inalala rin nila ang unang taon ng malaking demonstrasyong kontra-korapsyon noong 2025 kung saan naitala ang paglahok ng 100,000 katao sa protesta sa Luneta Park, Maynila.

Hinarang ng libu-libong pulis ang mga daanan at naglagay ng mga container van at steel wire para hadlangan ang mga pagkilos. Hindi bababa sa 17,000 mga pulis ang ipinakat ng rehimeng Marcos para “tiyakin ang kapayapaan at seguridad” sa Maynila kasabay ng pagkilos. Bunga nito, inilunsad ng mga grupo ang programa sa Recto Avenue.

Ayon sa Bayan, ang magkahiwalay na malalaking kilusang masa, bagaman pinaghihiwalay ng mahigit kalahating siglo ay pinagtatahi ng nagpapatuloy na pakikibaka ng sambayanan laban sa nakaugat nang kahirapan, korapsyon, panunupil at dayuhang paghahari sa Pilipinas. Dagdag ng grupo, literal na sinusundan ni Marcos Jr ang yapak ng kanyang amang diktador.

“Ang malaking iskandalo sa flood control sa ilalim ni Ferdinand Marcos Jr ay nagpapatuloy sa pamana ng kanyang ama, ang diktador na si Ferdinand Sr, kung saan ang pagpataw ng Batas Militar noong 1972 ay nag-anak ng hindi pa natutumbasang yugto ng terorismo ng estado, pagpapakatuta sa imperyalismong US, burukrata-kapitalistang pandarambong, at kroniyismo,” pahayag ng grupo.

Ganito rin ang sentimyento ng Youth Rage Against Corruption (YRAC), malapad na alyansa ng mga kabataang kumilos kontra korapsyon at lumahok sa kilusang walkout noong 2025. Ayon kay Joaquin Buenaflor, isa sa mga lider ng alyansa, kahit napatalsik ang diktador ilang dekada na ang nakalipas ay nalalabi ang mga bakas ng tiraniya, pagpatay, pagnanakaw, at kawalang pananagutan ng estado.

“Ramdam na ramdam din ang krisis sa kabuhayan: mataas ang presyo ng bilihin, mababa ang sahod, mataas ang buwis, hindi sapat ang ating kita kaya marami ang nalulunod sa utang,” ayon naman sa KBKK.

Binatikos din ng mga grupo ang walang kapantay ngayong paninikluhod ni Marcos sa imperyalismong US. Nagpapatuloy at kabi-kabila ang mga war games ng US sa bansa, pagdagsa ng mga tropa at armas pandigmang Amerikano, mga base at pasilidad militar ng US, at ang planong pagtatayo ng Pax Silica economic security zone sa bansa.

Kabilang sa mga lumahok sa demonstrasyon ay ang mga taong-simbahan mula sa ekyumenikal na network na One Faith, One Nation, One Voice. Naglunsad muna sila ng isang misa sa Roman Catholic San Agustin Church Intramuros, Maynila sa pangunguna ni Most Rev. Gerardo A. Alminaza, Bishop of San Carlos and chair of the Catholic Bishops’ Conference of the Philippines Episcopal Commission on Social Action, Justice and Peace bago nakiisa sa martsa.

Sumama rin sa pagkilos ang militanteng sentrong unyon na Kilusang Mayo Uno na nagprotesta noong umaga sa araw na iyon sa upisina ng Department of Labor and Employment sa Intramuros. Samantala, naglunsad ng mga aktibidad ang mga panrehiyong balangay ng Bayan at ibang alyadong grupo ng KBKK sa iba pang bahagi ng bansa.

Nagkaroon ng mga aktibidad at protesta sa Baguio City, Kalinga, Mt. Province, Abra, City of San Fernando sa La Union, Angeles City sa Pampanga, Tarlac City, Bacoor City sa Cavite, Lipa City, Batangas City, sa Calamba at Sta. Rosa sa Laguna, Lucena City sa Quezon, Legazpi City, Cebu City, Bacolod City, Iloilo City, Roxas City sa Capiz, Kalibo sa Aklan, Tacloban City at Davao City.

Naglunsad rin ng protesta at aktibidad bilang paggunita sa batas militar ang mga migrante grupo ng mga Pilipino sa iba’t ibang bansa kabilang ang US, Canada, Italy, Hong Kong, New Zealand, at Australia.

The post Libu-libong Pilipino, lumahok sa martsa kontra-Marcos tungong Mendiola appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.