Nagprotesta ang demokratikong mga grupo at sektor ng La Union sa San Fernando City Plaza noong Setyembre 20 para ipanawagan ang suspensyon sa pagpapatupad ng Provincial Ordinance No. 640-2026 (River Restoration and Waterways Rehabilitation). Pinangunahan ang pagkilos ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan)-Ilocos at Defend La Union Against Destructive Dredging.
Ang ordinansa ay ipinasa ng Sangguniang Panlalawigan ng La Union sa ikalawa at ikatlong pagdinig noong Agosto. Ipinanukala at sinimulan ang talakayan at mga pampublikong pagdinig kaugnay nito noong Hulyo. Wala pang pampublikong anunsyo kung napirmahan na ng gubernador ng prubinsya ang panukalang ordinansa.
Ang ordinansa ay ibinatay sa Joint Memorandum Circular No. 01 noong 2019 na inilabas ng Department of Public Works and Highways (DPWH), Department of Environment and Natural Resources (DENR), Department of the Interior and Local Government (DILG) at Department of Transportation (DOTr). Kaugnay rin ito ng DENR Administrative Order (DAO) No. 2020-07 (Rationalizing Dredging Activities in Heavily-Silted River Channels).
Sa ilalim ng pambansang mga atas, pinahihintulutan ang dredging para sa flood control at restorasyon ng mga ilog at itinatag ang mga ekslusibong mga dredging zone sa mga ilog. Pinahintulutan nito ang prbibadong mga kontraktor na isagawa ang mga operasyon.
Ayon kay Crisanto Palabay, pangulo ng Koalisyon Isalbar ti Pintas ti La Union (KIPLU), ang lokal na ordinansa ay magpapahitulot sa komersyal at industriyal na dredging sa limang mayor na ilog ng prubinsya. “Ito ang minadali nilang isabatas. Pinahihintulutan nito ang malalaking korporasyon na mayroong ₱1 bilyong kapital para makapag-dredge sa mga ilog ng La Union,” aniya.
Nagpahayag ng pangamba si Palabay sa posibilidad na gamitin ang ordinansa para isagawa ang “ligal” na mga operasyon ng paghukay ng mineral mula sa mga ilog sa tabing ng restorasyon at rehabilitasyon. Pagdidiin niya, pinalamutian ng maka-kalikasang retorika ang ordinansa para pagtakpan ang tunay na layunin nito.
Lubha ring masasapanganib ng ordinansa ang panlipunan at ekonomikong karapatan ng mga komunidad malapit sa mga ilog laluna ang mga magsasaka at mangingisda. Ayon kay Eduardo Rimando, tagapagsalita ng Bayan-Ilocos, “bukod sa paggambala sa natural na pinagpaparamihan ng mga isda [ay] makasisira rin ito sa mga lupang nakapaligid sa ilog dahil sa pagguho ng lupa, at wawasakin din nito ang mga natural na harang sa pagitan ng mga ilog at dagat.”
Ayon sa Bayan-Ilocos, marami nang karanasan ang mamamayan ng La Union sa pahirap at masamang epekto sa buhay, kabuhayan at kalikasan ng dredging. “Kaya naman, dapat magkaisa ang mamamayan ng La Union para tutulan at labanan ang implementasyon ng ordinansa,” ayon kay Rimando.
Hinamon ng grupo ang Sangguniang Panlalawigan ng La Union na bawiin ang pagpasa nito sa minadaling ordinansa bilang kagyat na hakbang. “Malinaw na nakabalangkas [ang ordinansa] para sa ekstraktibong pagmimina, pribadong kita ng mga korporasyon, at siguradong hindi para sa rehabilitasyon ng mga ilog at daluyan ng tubig,” ayon kay Rimando.
Panawagan ng mga grupo sa protesta ang pagbibigay prayoridad sa pangangalaga sa kalikasan sa pangunguna ng mga komunidad at sektor sa halip na mga pribadong korporasyon na nakatuon sa kita.
The post Ordinansa para sa komersyal at industriyal na dredging sa La Union, binatikos appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

