Bumuhos ang suporta ng mga estudyante at organisasyon ng University of Eastern Philippines (UEP) sa pahayagang pangkampus nito na The Pillar kasunod ng pambubusal at panggigipit na dinanas nito mula sa administrasyon ng unibersidad. Noong Setyembre 17, tinanggal ng administrasyon ang iniladlad na malikhaing balatengga ng pahayagan na may mga kritikal na panawagang “Junk House Bill No. 9414 and 9861” at “Defend Press Freedom.”
Ang balatengga ay isa lamang sa maraming balatengga na bahagi ng aktibidad na Balik Kampus 2026. Sa kalagitnaan ng aktibidad ay biglang tinanggal ng mga gwardya ng kampus ang balatengga na utos umano ng administrasyon.
Iginiit ng pahayagan at ng University Student Council (USC) ang karapatan ng mga estudyante na ipahayag ang kanilang pananaw at saloobin sa pamamagitan ng balatengga. Sinubukan nilang pigilan ang pagtanggal sa balatengga ngunit ginitgit sila ng mga gwardya at naitulak pa ang isang estudyante. Ginamit ring pagdadahilan ang balatengga at ang insidente para tuluyang ipatigil ang buong aktibidad dahil sa mga “paglabag.”
Sa sumunod na mga araw, nagtangka ang administrasyon ng UEP na pahupain ang tensyon sa pagpapatawag sa lahat ng upisayal ng USC at The Pillar. Binoykot ng dalawang institusyon ang pulong na ipinatawag ni University President Cherry I. Ultra noong Setyembre 18. Ayon sa USC at The Pillar, habang bukas sila sa dayalogo ay kailangang ilatag ang malinaw na dahilan at layunin ng pulong.
Sa bagong memorandum, nagpatawag ang unibersidad ng konsultasyon kasama ang USC, The Pillar, mga administrador at iba pang institusyon sa Setyembre 28. Tatalakayin sa konsultasyon ang naganap noong Setyembre 17, mga usapin ng presensya ng pulis sa kampus, akademikong kalayaan, at demokratikong karapatan ng mga estudyante.
Sa pagpapakita ng pagkakaisa, naglunsad ng rali noong Setyembre 22 ang USC at mga estudyante na tinawag nitong “Batan-on San Norte Kontra Represyon.” Binatikos nila si University President Ultra sa panunupil sa mga estudyante at kanilang demokratikong karapatan. Ayon sa mga nakiisa sa protesta, sumama sila dahil naipon na ang kanilang galit sa kasalukuyang administrasyon.
Sa isang pahayag, sinuportahan ng College Editors Guild of the Philippines Eastern Visayas (CEGP-EV) ang The Pillar at ang kalayaan sa pamamahayag. Nakiisa at pumirma sa pahayag ang 22 pahayagang pangkampus sa rehiyon.
Ayon sa CEGP-EV, ang pakikibaka ng The Pillar ay hindi dapat ituring na hiwalay na usapin ng isang pahayagan lamang. “Ang mga limitasyong kinahaharap ng isang pahayagang pangkampus ay sumasalamin sa mas malawak na kalagayan ng pamamahayag sa kampus,” anito. Epekto rin umano ng pambubusal sa pahayagan ang posibleng pagkitid ng espasyo para sa paglalahad ng hinaing ng mga estudyante at pagtataguyod sa kanilang mga demokratikong karapatan.
Ano ang House Bill No. 9414 at 9861?
Ang pambubusal sa The Pillar ay kaugnay ng kanilang kritikal na panawagang ibasura ang House Bill No. 9414 at 9861. Layunin ng mga panukalang batas na baguhin ang tsarter ng UEP at gawin itong National University for Sustainability Studies. Ipinapakete ang mga ito bilang hakbang ng UEP para pataasin ang akademikong prestihiyo nito bilang sentro ng pag-aaral ng sustainability, makakuha ng mas malaking pondo, at makaabante sa pandaigdigang sukatan.
Sa kabila ng pinalalabas na mmabubuting ihahatid ng panukalang batas, nangangamba ang mga estudyante dahil maaari itong matulad sa nangyari sa University of the Philippines (UP). Noong 2008, binago ang tsarter ng UP at ginawa itong “national university.”
Binigyan ng piskal na otonomya ang UP at lalong inabandona ng estado ang pagpopondo rito. Bawat taon ay tuluy-tuloy na binawasan ang badyet, hanggang sa natulak itong magpatupad ng mga huwad na programa tulad ng STFAP para ipasa sa mga mag-aaral at sa mga komersyal na aktibidad ang pagsustento sa operasyon nito.
Marami pang ibang hakbang ng komersyalisasyon ang UP kasunod nito katulad ng pagtatayo ng malalaking pribadong negosyo at mall sa mga kampus. Nagbigay din ito ng higit na kapangyarihan sa Board of Regents (BOR), kung saan otomatikong nakaupo ang mga neoliberal na manedyer mula sa Commission on Higher Education (CHED) at kinatawan mula sa Kongreso.
Sa pananaw ng rebolusyonaryong grupo na Kabataang Makabayan (KM)-Eastern Visayas, dapat pang mas maunawaan ang isyu kung para kanino at sa anong balangkas nakaangkla ang ipinapanukalang bagong tsarter. Ayon kay Joy Marie del Sol, tagapagsalita ng grupo, “ang layon ng administrasyon ng UEP tungo sa pinatinding kolonyal, korporitisado, komersyalisado, at represibong edukasyon ay lalong tumitingkad sa mga prubisyon ng mga panukalang batas.”
Nanawawagan ang KM-Eastern Visayas sa kabataang-estudyante na ipaglaban ang isang makatarungang tsarter sa UEP na nakaangkla sa makabayan, siyentipiko, at makamasang edukasyon. Anang grupo, dapat magsilbi ang mga pampublikong unibersidad sa kolektibo at demokratikong pangangailangan ng mamamayan, hindi lamang ng mga estudyante, kundi maging ng mga guro, istap, at mga komunidad na pinagsisilbihan nito tulad ng UEP community, mga magsasaka, mangingisda, at iba pang sektor.
“Ang UEP at mga unibersidad ay dapat magsilbi sa masa at bayan, at hindi lamang maghabol sa akademikong prestihiyo at makipagkumpitensya sa neoliberal na mga suklatan. Ang makabayang edukasyon ay hindi para sa dayuhang merkado o sa negosyo; instrumento ito para sa tunay na pambansang kaunlaran at soberanya,” pahyag ni del Sol.
The post Pambubusal, panggigipit sa pahayagang pangkampus ng UEP, malawakang binatikos appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

