Maglulunsad ng dalawang araw na welgang transportasyon ang mga tsuper at opereytor ng dyip at pampublikong transportasyon sa Setyembre 29-30 dahil sa walang tigil na pagtaas ng presyo ng petrolyo sa bansa. Pangungunahan ng Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Operator Nationwide (Piston) ang malawak na pagkilos at pagbatikos sa rehimeng Marcos sa kainutilang tugunan ang krisis.

Noong Setyembre 22, inianunsyo ng Department of Energy (DOE) ang ₱8.82/litro pagtaas sa presyo ng diesel, ₱4.88/litro sa gasolina at ₱6.47/litro sa kerosene. Dagdag na naman ito sa magkasunod nang pagtaas sa nakaraang dalawang linggo na ₱9.49/litro sa diesel, 10.37/litro sa gasolina, at 10.2/litro sa kerosene.

Sa National Capital Region, pumalo na sa abereyds na ₱105.93/litro ang diesel, ₱92.43/litro ang gasolina at ₱153.12/litro ang kerosene. Mula Enero, 19 na beses nang tumaas ang diesel habang siyam na beses na bumaba; 22 beses tumaas habang anim na beses bumaba ang gasolina; at 17 beses na tumaas habang 11 beses bumaba ang kerosene. Sa kabuuan, ₱59.06/litro ang netong itinaas ng diesel, ₱54.92/litro sa gasolina at ₱51.65/litro sa kerosene.

Ayon sa Piston, dahil sa pagtaas ng presyo ng krudo ay nadagdagan nang hindi bababa sa ₱1,500 ang arawang gastos ng karaniwang tsuper na kumukonsumo ng 30 litro kada araw. Samantala, ang itinutulak ng grupo na pagtaas sa pamasahe ay mag-iisang taon nang nakabinbin at di inaaksyunan ng rehimeng Marcos.

“Nagtataasan din ang presyo ng mga bilihin at utilities tulad ng kuryente at LPG, at di na bumaba sa 6% ang inflation,” ayon sa grupo. Anito, inutil ang rehimeng Marcos sa pagbibigay ng anumang umento sa sahod sa manggagawa o dagdag-kita sa tsuper.

“Gutom ang inaabot ng mamamayan na dumadausdos ang sahod, ang tsuper na wala nang kinikita, ang maralita na di na kaya ang gastos. Ang rehimeng US-Marcos, busog sa tubo at buwis mula sa monopolyo sa langis, hayok na ginagasta ang yaman natin sa pandarambong at gera,” pahayag ng grupo. Sa harap nito iisa umano ang tugon at dapat gawin ng tsuper, operator, manggagawa, maralita, at mamamayan: “MAGWELGA!”

Inilatag ng Piston ang anim na panawagan nito sa ikakasang pambansang tigil-pasada. Isusulong nito ang pagpapatupad sa ₱1200 nakabubuhay na sahod sa mga manggagawa, ang ₱10 dagdag-pasahe sa mga tsuper ng dyip, at lahat ng dagdag pasahe sa ibang moda ng transportasyon. Panawagan rin nito na tanggalin ang VAT (value-added tax) at excise tax sa krudo at lahat ng pangunahing bilihin.

Giit nila na i-rolbak sa ₱55.00/litro ang presyo ng krudo, at itigil ang labis-labis na pagpipresyo ng mga kumpanya ng langis. Ipapanawagan rin ng welga ang pagbasura sa oil deregulation law, pagsasabansa sa industriya ng langis, pagwawakas sa gerang agresyon ng US sa buong daigdig.

Inianunsyo ng Piston ang planong welgang transportasyon sa isang protesta noong Setyembre 22 sa Quezon City.

The post Welgang transportasyon, ikakasa ng mga tsuper at opereytor kontra taas-presyo ng petrolyo appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.