Ipinapaabot ng NDF-Laguna, sampu ng mamamayan sa buong lalawigan ang mahigpit na pakikiisa sa buong sambayanang Pilipino sa paggunita ng ika-54 taon ng deklarasyon ng Batas Militar. Katulad ng diktadurang Marcos Sr., ang “demokrasya” sa ilalim ni Marcos Jr. ay isa lamang mumurahing dekorasyon sa kanyang kapangyarihang walang kinikilalang hangganan. Sa harap ng walang pakundangang korapsyon at pagpapaka-tuta ng gobyerno ni Ferdinand Marcos Jr sa Imperyalismong Estados Unidos—abot-langit ang pagdurusa ng sambayanan.
Malaki ang pananagutan ng pamilyang Marcos sa lahat ng biktima ng Batas Militar. Sa kasaysayan, ang lalawigan ng Laguna ang isa sa naging sentro ng terorismo ng pasistang estado ng mga Marcos. Ang Camp Vicente Lim, na matatagpuan sa Canlubang, syudad ng Calamba ay nagsilbi bilang Regional Command for Detainees II (RECAD II). Maraming aktibista, kabataan-estudyante, at organisador, maging karaniwang mamamayan na pinaghihinalaang rebelde o hindi sumasang-ayon sa gobyernong Marcos ang isinailalim sa interogasyon, matinding tortyur, at iligal na detensyon nang walang opisyal na kaso. Sa pangunguna ng Philippine Constabulary (PC) at Philippine Army, marami sa kanila ang hindi na nakalabas nang buhay at patagong inilibing sa loob ng kampo.
Sa parehong syudad, matagal nang nakakulong sa kahirapan ang mamamayan dahil sa paghahari ng ganid na panginoong maylupang pamilyang Yulo ng Canlubang Sugar Estate (CSE)—ang isa sa pinakamalaking prodyuser ng asukal sa Luzon. Bilang pagpabor ni Marcos sa galamay nitong si Yulo, mula 1972 naitatag ang unang Integrated Industrial Park sa labas ng Metro Manila na nagmarka ng pagsisimula ng lupaing saklaw ng CSE sa pagbabago tungong Industrial Zone. Hindi na ito sinaklaw ng Presidential Decree No. 27 na repormang panglupa. Sa halip na ipamahagi ang lupa sa mga magsasaka, nakipagsabwatan ang mga Yulo sa mga proyektong imprastraktura ng rehimen at parse-parselang kinumbert ang mga sakahan, hindi lamang sa Calamba, pati na rin sa iba’t ibang bayan ng Laguna patungong mga parkeng industriyal, high-end subdivision, malls at golf course. Limpak-limpak na salapi ang kinita at kinulimbat ng sabwatang Yulo at Marcos kapalit ang kabuhayan at kinabukasan ng mga anak, apo, at kaapo-apuhan ng mga magsasaka, manggaggawang-bukid, at manggagawa sa kiskisan ng asukal. Sapilitan nitong pinalayas ang mga magsasaka sa kanilang sakahan, habang libo-libong manggagawa ang nawalan ng hanapbuhay dahil sa tuluyang pagsara ng sugar mill bago matapos ang taong 1996.
Sa ilalim ng slogan na “Bagong Lipunan” ng matandang Marcos, ginamit naman ang lawa para sa malalaking proyekto ng gobyero at ng mga kroni nito ang pagtatayo sa Napindan Hydraulic Control Structure, na naghiwalay sa Pasig River at Laguna de Bay at nagharang sa likas na sirkulasyon ng tubig-tabang at tubig-alat, na lubhang nakaapekto sa dami ng huli ng isda at nagbago sa balanseng ekolohiya ng lawa. Kasabay nito ang pagdagsa ng malalaking Commercial Fish Pen na pagmamay-ari ng mayayaman at opisyal ng militar na siyang naglimita sa kabuhayan ng maliliit na lokal na mangingisda. Sa ngayon, ipinauubaya ng Marcos Jr. ang lawa ng Laguna sa mga dayuhang kapitalista at burgesya kumprador na matayuan ang tabing lawa ng mapanirang proyektong Laguna Lakeshore Road Network (LLRN), at ang laot nito ng 2,000 ektaryang Floating Solar Panel Farm
Tulad ng kanyang tatay na haling sa pagsira ng kalikasan, sa bahaging District 3 at 4, pinangangambahan ng mga residente ang pagtatayo ng Pakil Pumped Storage Hydroelectric Project (Ahunan Dam), Kalayaan-Pagsanjan Wind Projects at iba pang Renewable Energy projects na syang puputol sa libo-libong mga puno sa kabundukan na magre-resulta ng pagguho ng lupa sa mga komunidad, paglala ng baha, at ang tiyak na pagkalbo sa higit 300 ektaryang Sierra Madre Rainforest na sakop ng Laguna.
Noon, hanggang ngayon, ang monopolisasyon sa lupa, mababang sahod, kawalan ng benepisyo, at laganap na kahirapan ang nananatiling dahilan ng mas mahigpit na paglaban ng mga maggagawa, magsasaka, mangingisda, at iba’t ibang sektor ng lipunan. Nagbigkis ang mga manggagawa sa pagtatayo ng mga unyon, nagtayo ng samahan ang mga magsasaka na nagluwal ng mga welga at makasaysayang kilos-protesta upang ipaglaban ang tunay na reporma sa lupa. Lumahok ang mamamayan sa mga parliamentong pakikibaka, habang marami ay hindi nasapatan at tumahak sa landas ng armadong paglaban bilang mandirigma ng Bagong Hukbog Bayan. Sa ilalim ng patnubay ng Partido Komunista ng Pilipinas, lumakas at lumawak ang BHB sa lalawigan. Nakita ng masang Lagunense na sa rebolusyonaryong kilusan ang tunay na alternatibo sa bulok at diktadurang paghahari ni Marcos Sr.
Tulad ng paglaban sa pasistang diktadura—nananatiling armadong pakikibaka ang pangunahin at wastong sandata ng bayan para labanan ang terorismo ng estado, kaakibat ang lahat ng iba’t ibang anyo at paraan ng sama-samang pagkilos para labanan ang korapsyon, pasismo at pagkapapet ni Marcos Jr. Ngayon, higit kailanman, kailangan kumilos ng sambayanan upang hawiin ang karimlang inilulukob ng mga Marcos sa buong bansa—dapat bunutin at iwaksi ang takot na pilit itinatarak ng teroristang estado sa dibdib ng taumbayan.
Dapat itaguyod at yakapin ng mamamayan ang armadong rebolusyon bilang esensyal na hakbang sa pagpapalaya ng sambayanang Pilipino at Ibayong isulong ang digmang bayan na tanging solusyon sa pagwasak sa tatlong salot na siyang ugat ng kahirapan — ang imperyalismo, pyudalismo, at burukrata-kapitalismo.
Bagamat ang Laguna ay nasa tarangkahan ng Maynila na syang sentro ng reaksyunaryong kapangyarihang pampulitika, ang probisya ay tarangkahan din patungo sa mas malawak na kanayunan ng Bundok Banahaw at Sierra Madre. Bukas ang kanayunan ng probinsya para sa mga nais sumampa sa Bagong Hukbong Bayan at tumahak sa landas ng Armadong Pakikibaka.
Sa ika-54 taong mapanupil na deklarasyon ng Batas Militar, nananawagan ang National Democratic Front – Laguna sa malawak na hanay ng mamamayan na higit na magkaisa at labanan ang baha ng korapsyon, pasismo, at imperyalistang pandarambong. Dapat na magsikhay sa gawaing pagmumulat, pag-oorganisa, at pagpapakilos upang isikad ang malawakang kilusang masa na yayanig at magpapabagsak sa rehimeng US-Marcos at Duterte. Walang ibang susulingan ang mamamayang Lagunense kung hindi ang pagtahak sa rebolusyonaryong landas ng Demokratikong Rebolusyong Bayan!
The post Digmang Bayan ang sagot ng Mamamayang Lagunense laban sa Batas Militar na sumasaklot sa Bayan noon hanggang ngayon appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

