Sa Ika-54 taon ng pagdedeklara ng batas militar—kaisa ng buong sambayanang Pilipino ang Revolutionary Council of Trade Unions – Laguna sa paggunita sa madilim at marahas na kasaysayan ng pagdedeklara at pagpapatupad ng batas militar ni Ferdinand Marcos Sr. Gugunitain natin ang kasaysayan ng matinding panunupil, pang-aabuso at pagsasamantala sa mga manggagawa at sa buong sambayanan. Isang yugto ng kasaysayan ng ating bansa na tumagal ng labing apat (14) na taon, at nag-iwan ng sugat na hanggang ngayon ay hindi gumagaling at naghihilom. Sa ilalim ng Batas Militar, pinatahimik ang pamamahayag, ikinulong at pinahirapan ang libu-libong aktibista, pinagbawalan ang mga welga at pagpupulong, at marahas na sinusupil ang dapat na malayang pag-uunyon ng manggagawa.

Ang mga manggagawa ang isa sa mga unang tinamaan ng hagupit ng batas militar, ipinailalim ang sistema ng paggawa sa mga kautusang pumapabor sa mga malalaking lokal at dayuhang kapitalista, gayundin sa mga kroni ng diktador. Ipinalabas ni Marcos ang Labor Code of 1974 na lalong nagpahina sa kolektibong pagkilos ng mga manggagawa. Sinabayan ito ng wage freeze, retrenchment, at pagpapalakas sa labor export policy—mga patakarang nagtulak sa libu-libong manggagawa na maghanap ng trabaho sa ibang bansa, kadalasan sa ilalim ng mapang-abusong kondisyon.

Higit na ibinaon ng batas militar ni Marcos Sr. sa kumunoy ng kahirapan ang sambayanang Pilipino, ibinukas ang buong bansa sa matinding pananalasa ng tatlong salot ng lipunan—ang imperyalismo, pyudalismo, at ang burukrata kapitalismo.

Sa kabila nito, ipinakita ng kasaysayan na sa gitna ng matinding karahasan at panunupil, hindi sumuko ang mga manggagawa. Noong Mayo 1, 1980, itinatag ang Kilusang Mayo Uno (KMU) bilang sentro at tinig ng militanteng kilusang paggawa, at ng kolektibong paglaban sa batas militar. Sa mga kasunod na taon, naitayo ang mga balangay nito sa ibat-ibang rehiyon, at probinsya—kabilang ang sa Laguna. Puhunan ang dugo at pawis, nanguna ang mga manggagawa sa mga welga sa pagawaan at kalsada, sa mga martsa, at pag-aalsa laban sa batas militar. Nakibaka sila kasama ng mga magsasaka, kabataan, kababaihan, taong-simbahan, at buong sambayanan. Ang kanilang pakikibaka ay naging makasaysayan at makapangyarihang pwersang bahagi ng nagpabagsak sa diktadura noong Pebrero 1986.

Makalipas ang 54 taon ng batas militar, nagpapatuloy ang pakikibaka laban sa tatlong salot ng lipunan na ngayon ay itinataguyod at kinakatawan ng anak ng diktador na si Bongbong Marcos Jr. Hindi nakapagtataka na ang mga polisiya ni Marcos Jr ngayon ay halos walang pinagiba sa mga polisiya ng kanyang ama. Tulad ng kanyang ama, patuloy niyang itinataguyod ang mga neoliberal na patakarang pang-ekonomiya na nagpapayaman sa iilang oligarko at dayuhang negosyo, habang nagpapahirap sa nakararami.

Ang imperyalismo ang pinakaugat ng paghihirap ng bansa. Sunod-sunuran ang rehimen ni Marcos Jr. sa dikta ng dayuhang monopolyong kapital, at mga imposisyon ng Imperyalistang bayan—lalo na ng Estados Unidos—sa pamamagitan ng di-pantay na tratado, mabigat na kundisyon sa dayuhang utang, at mga kasunduang militar tulad ng Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) na nagpapasok ng dayuhang tropa at base militar sa ating teritoryo. Ang mga patakarang ito ay hindi lamang sumisira sa ating soberanya kundi nagpapataw din ng mga programang pang-ekonomiya tulad ng liberalisasyon, pribatisasyon, at deregulasyon na nagpapababa ng sahod, nagpapataas ng presyo ng bilihin, at nag-aalis ng proteksyon sa mga manggagawa. Ang mga dayuhang korporasyon ay kumikita ng bilyon-bilyon mula sa ating likas na yaman at paggawa habang ang mga manggagawang Pilipino ay nagtitiis sa mababang sahod, kontraktwalisasyon, at kawalan ng seguridad sa trabaho. Sa ilalim ng imperyalismo, ang ating ekonomiya ay dinisenyo hindi upang maglingkod sa mamamayan kundi upang magsuplay ng murang hilaw na materyales at murang paggawa para sa pandaigdigang merkado. Ang bawat kasunduang pang-ekonomiya at militar na pinipirmahan ng gobyerno ay pagbabaon ng pako sa kabaong ng ating pambansang soberanya.

Ang pyudalismo naman ang nagpapanatili ng malawak na pagmamay-ari ng lupa sa iilang panginoong maylupa, at korporasyong agraryo habang ang nakararaming magsasaka ay walang sariling lupang sinasaka. Hanggang ngayon, walang tunay na reporma sa lupa, kaya—ang mga lupang ipinangako ng batas noon at ngayon, ay ibinibigay sa mga panginoong maylupa at sa mga negosyanteng kaalyado ng mga pulitiko, habang ang mga magsasaka ay pinipilit na maging tenant at manggagawang bukid na walang katiyakan sa kinabukasan. Dahil walang lupa at kabuhayan sa probinsya, napipilitang mag-migrate sa mga lungsod at sa ibang bansa ang milyon-milyong magsasaka at kanilang mga anak upang maghanap ng trabaho — na kadalasan ay kontraktwal, mababa ang sahod, walang benepisyo, at walang karapatang mag-unyon. Ito ang lumilikha ng malaking reserbang hukbo ng mga walang trabaho at underemployed na sinasamantala ng mga kapitalista upang pigilan ang pagtaas ng sahod at wasakin ang lakas ng mga unyon.

Samantala, ang burukrata kapitalismo ang nag-uugnay sa kapangyarihan ng estado at ng malalaking negosyo. Sa ilalim ng sistemang ito, ang mga opisyal ng gobyerno ay gumagamit ng kanilang posisyon upang magpayaman sa pamamagitan ng kurapsyon at kickback sa mga pampublikong proyekto at pondo ng bayan. Ang mga kontratang pang-imprastruktura, pagmimina, at pagmamanupaktura ay ipinagkakaloob sa mga kumpanyang kaalyado ng mga pulitikong nasa posisyon, at ang mga batas na dapat sana ay nagpoprotekta sa mga manggagawa ay binabaluktot upang paboran ang mga malalaking negosyo. Ang burukrata kapitalismo ay nagpapataw ng mga patakaran tulad ng labor contracting, “ENDO,” at flexible work arrangements na nag-aalis ng seguridad sa trabaho upang magkamal ng dambuhalang tubo ang kapitalista. Ang burukrata kapitalismo–ang sistemang ito ang ugat ng talamak na kurapsyon sa pamahalaan mula sa nasa itaas-pababa, dahilan kung bakit ibayong nabaon sa utang ang bansa, habang nakalubog sa baha ang mahihirap na mamamayan.

Ang tatlong salot na ito ang ugat ng paghihirap ng manggagawa at buong sambayanan. Ang Batas Militar ng diktador na si Marcos Sr. ay isa lamang sa pinakamatinding instrumento ng paghahari para patatagin at panatilihin ang tatlong salot ng lipunan. Matapos mapatalsik noong 1986 ng popular na pag-aalsang EDSA, ito ay nagpatuloy sa iba’t ibang panahon at anyo. Ngayong nakabalik sa poder ang isang Marcos, tiyak na walang aasahan ang manggagawang Pilipino. Nagpapatuloy at lumala pa ang iskemang kontraktwalisasyon, “ENDO,” at pagtanggal sa mga regular na manggagawa, mababa at di-nakabubuhay ang sahod, mataas na presyo ng bilihin, at kawalan ng trabaho. Nagpapatuloy ang panunupil sa pag-uunyon, laganap ang red-tagging, pagdakip, at pagkulong sa pamamagitan ng gawa-gawang kaso, at pagpatay sa mga lider-manggagawa. Ipinangwawasiwas ang talim ng batas na Anti-Terrorism Act, ang berdugong NTF-ELCAC, at mga batas na ginagamit upang patahimikin ang mga kritiko.

Kagaya ng aral ng kasaysayan, ang solusyon sa tatlong salot na ito ay hindi makakamit sa pamamagitan ng mga bahagyang reporma o ng pagpapalit lamang ng mga pulitiko sa pwesto. Kailangan ng isang malalim at radikal na pagbabago sa umiiral na sistema — ang pagkakamit ng pambansang kalayaan at demokrasya sa pamamagitan ng tagumpay ng Pambansa Demokratikong Rebolusyon. Kung nagawang patalsikin sa pwesto ang isang diktador, kayang unti-unting hawanin ng kolektibong lakas at pagkakaisa ng mamamayan ang daan tungo sa pagkakamit ng pambansang kalayaan at demokrasya.

Ang pambansang kalayaan at demokrasya ay isang sistemang pampulitika at pang-ekonomiya na nakabatay sa kapangyarihan ng mamamayan—hindi ng iilang naghaharing uri. Ito ay nangangahulugan ng tunay na soberanya ng bayan, ng pagtanggal sa mga dayuhang base at kasunduang militar, pagbabasura sa mga di-pantay na kasunduang pang-ekonomiya, at pagtataguyod ng sariling industriya na nakabatay sa pangangailangan ng mamamayan. Ito ay nangangahulugan ng tunay na repormang agraryo, ng pagbibigay ng lupa sa mga magsasaka na walang lupa, at pagtataguyod ng kooperatiba at kolektibong pagsasaka upang mapataas ang produksyon at kita ng mga magsasaka. Ito ay nangangahulugan ng kontrol ng mamamayan sa ekonomiya, ng pambansang industriyalisasyon, pagmamay-ari ng publiko sa mga estratehikong industriya, at pagtataguyod ng mga kooperatiba ng manggagawa.

Sa ika-54 anibersaryo ng batas militar, nanawagan kami sa lahat ng manggagawa, sa kanilang mga pamilya, at sa lahat ng sektor ng lipunan na makiisa sa pakikibaka para sa tunay na pagbabago. Hindi natin kalilimutan ang mga luha at dugo ng mga manggagawa noong batas militar. Hindi rin tayo papayag na maulit ito sa anumang anyo. Ang mga manggagawa ay may mahalagang papel sa pagpapabagsak sa mga sistema ng pagsasamantala at pagtatayo ng isang makatarungan at demokratikong lipunan.

Hangga’t may imperyalismo, pyudalismo, at may burukrata kapitalismo, may mga manggagawang inaapi. At hangga’t may mga manggagawang inaapi, may mga manggagawang lalaban at lalahok sa ibat-ibang porma ng pakikibaka para isulong ang Pambansa Demokratikong Rebolusyon upang palayain ang bayan.

The post Manggagawa, Patuloy na Palakasin ang Nagkakaisang Hanay! Kolektibong hawanin ang daan para ipagtagumpay ang Demokratikong Rebolusyon ng Bayan! appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.