Hindi dapat kalimutan ng mamamayang Pilipino ang lagim ng Martial Law (ML) sa ilalim ng diktadura ng ama ng kasalukuyang tutang pangulo na si Ferdinand Marcos Jr. Sa ika-54 taong paggunita sa ML, marapat na patuloy na ilantad at batikusin ang mga Marcos na sagad sa pagpapakatuta, walang hiyang paghuhugas-kamay sa kanilang mga krimen at labanan ang pasismong inihahasik sa desperasyong supilin ang anumang makatarungang pakikibaka at kitlin ang nagpapatuloy na rebolusyonaryong paglaban ng mamamayang Pilipino.
Kagaya ng kanyang amang diktador, patuloy na nangungunyapit si Ferdinand Marcos Jr sa poder sa pamamagitan ng lantarang pangangayupapa sa imperyalismong US at paghahasik ng pasismo sa buong bansa. Sumasalig siya sa artipisyal na lakas ng papet na estado upang panatilihin ang naaagnas na sistema at gamitin ito para sa kanyang interes. Sa kanyang panunungkulan, samutsaring pakana ang isinagawa niya upang pilit na linisin ang pangalan ng kanyang pamilya. Pinakahuli ang pag-abswelto sa kaso ni Imelda, habang pataksil na binawi ang mga ninakaw-na-yaman. Lahat ng ito ay isinabay ni Marcos Jr sa garapalang pangungurakot sa kaban ng bayan. Di pa nasapatan, patuloy pang minamaniobra ang dami ng makukurakot sa taunang deliberasyon ng pambansang badyet.
Nagagawa ng mga Marcos ang lahat ng ito dahil sa proteksyong iginawad sa kanila ng imperyalismong US kapalit ng pagiging sunud-sunuran. Walang pinag-iba si Marcos Jr sa kanyang ama na noo’y nagpagamit sa gerang agresyon ng imperyalismong US sa Asia Pacific mula dekada 1960-1980, partikular ang paglahok sa gerang inilunsad ng naturang imperyalista sa Vietnam at Korea. Ngayon, ipinatupad ni Marcos Jr ang iba’t ibang mga patakarang pumapabor sa imperyalismong US kagaya ng maluwag na pagpupwesto at malayang paggalaw ng mga pwersang militar ng US sa bansa sa bisa ng EDCA, VFA at iba pa. Tampok din ang pagpasok ni Marcos Jr. ngayong taon sa Pax Silica Initiative ng US. Iniluwal nito ang Pax Silica hub at kaakibat nitong Luzon Economic Corridor (LEC) na magsisilbi para sa nilulutong gera ng imperyalismong US sa Asia Pacific laban sa China. Sa Timog Katagalugan, bahagi ng LEC ang Batangas, Cavite at Laguna na pagtatayuan ng mga karagdagang pasilidad. Pinaplanong magtayo ng mga renewable energy projects sa iba’t ibang bahagi ng rehiyon para suplayan ng kuryente at tubig ang Pax Silica Hub. Kasabay nito, tiyak na huhuthutan ng yamang mineral ang Mindoro, Palawan at Romblon para isuplay sa pangangailangan sa semiconductor ng US.
Sa harap ng mga imbing pakana ng rehimeng US-Marcos II, patuloy na lumalaban at naninindigan ang mamamayang Pilipino para sa kanilang mga pambansa demokratikong karapatan at kahilingan. Dumadaluyong ang mga protestang bayan lalo yaong mga nagkukundena sa laganap na korapsyon ng estado at mapangwasak na proyektong Pax Silica. Namumulat ang laksang mamamayang Pilipino laluna ang mga kabataan sa kabulukan ng estado at naghahanap ng alternatibong solusyon upang makaalpas sa krisis ng malakolonyal at malapyudal na sistema ng lipunan. Iniluluwal nito ang lumalawak at lumalaking mga pagkilos lalo sa hanay ng mga estudyante at kabataan. Mula nagdaang taon, libu-libong mamamayan ng rehiyon ang nagprotesta sa pangunguna ng mga kabataang estudyante para tuligsain ang kabulukan at pagpapakatuta ng rehimeng US-Marcos II.
Dahil sa hindi mapigilan ang paghugos sa lansangan ng mga kabataan, walang tigil ang pag-atake sa kanila sukdulang paratangan silang mga “terorista”. Binigyang tutok ng NTF-ELCAC ang mga kabataan na bahagi ng kanilang programang “countering violent extremism”. Nire-red-tag at tinatatakang “terror-grooming” ang mga aktibidad at mga organisasyong nagtataguyod ng kalayaan sa akademya at nagbabandila ng kritikal na pagsusuri sa lipunan. Sa ilalim ni Marcos Jr., walong kabataan ang pinaslang, tatlo ang sapilitang winala habang dumarami ang sinasampahan ng gawa-gawang kaso sa bisa ng Anti-terrorism Act of 2020 at Anti-Terrorism Financing Prevention and Supression Act of 2012. Ilan sa mga ito sina Hailey Pecayo, Kenneth Rementilla, Jasmin Rubia at John Peter Garcia.
Ang pagtarget ni Marcos Jr. sa mga kabataan ay hindi na naiiba sa isinagawa ng kanyang ama na malawakang pagtugis at pag-atake sa laksang kabataang tumindig at nakibaka noong Martial Law. Tinangkang supilin ng matandang Marcos ang mga panawagan ng mga kabataan sa pangunguna ng Kabataang Makabayan (KM) na nagsusulong ng pambansang demokrasya, naggigiit ng edukasyon na nakabatay sa makabayang oryentasyon, nagtatanggol sa kalayaang sibil at naglalantad sa karahasan ng estado. Idineklara ring iligal na organisayon ang KM at iba pang pambansa demokratikong organisasyong masa na napilitang kumilos nang lihim sa panahon ng Martial Law. Sa kabila ng mahigpit na sitwasyon, nagawa ng mga organisasyong ito na magpunyagi at higit na yumabong para mag-ambag sa pagsusulong ng rebolusyon sa pamumuno ng Communist Party of the Philippines.
Sa gitna ng pasismo ng estado, sa laganap na korapsyon at pangangayupapa sa US, tiyak na mabibigo ang rehimeng Marcos II na pigilan ang nagpapatuloy na protestang bayan. Nagdadala ng panibagong sigla at determinasyon ang lumalawak at lumalaking protestang bayan para tuligsain ang bulok na sistema at ilagay sa unahan ang dakilang kahalagahan ng rebolusyonaryong pagbabagong panlipunan.
Marapat na patuloy na lumaban ang sambayanang Pilipino para sa kanilang demokratikong karapatan at pagpapalaya. Gawing inspirasyon ang First Quarter Storm at ang marubdob na pakikibaka sa pasismo at diktadura noong Martial Law. Hangga’t hindi nagbabago ang kalagayan ng lipunang Pilipino, mananatiling mataba ang lupa para sa rebolusyonaryong paglaban ang bansa. Ito ang dahilan kung bakit hindi maubus-ubos ang balon ng mga bagong rebolusyonaryo na handang tanganan ang mabibigat na responsibilidad at tungkulin upang kamtin ang tunay na pagbabagong panlipunan. Ubos-kayang isulong ng mga rebolusyonaryong pwersa kasama ang bagong henerasyong Pilipino ang demokratikong rebolusyong bayan hanggang wakasan ang kasalukuyang rehimeng US-Marcos II at ang malakolonyal at malapyudal na sistema.###
The post Noon at ngayon: Tuta, pasista at korap na tatak ng mga Marcos, nilalabanan ng rebolusyonaryong nakikibakang mamamayang Pilipino appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

