Sa suporta ng imperyalismong US, idineklara ni Ferdinand Marcos Sr ang batas militar halos lima’t kalahating dekada na ang nakararaan. Sa loob ng 14 na taon mula 1972 hanggang 1986, pinalawak ni Marcos ang interes at kapangyarihan ng US sa Pilipinas, kapalit ng suportang pampulitika at ayudang militar ng imperyalistang amo. Ginamit niya ang buong pwersa ng neokolonyal na estado para magkamal ng walang kapantay na yaman mula sa burukrata-kapitalistang pagdambong.
Bantog sa malupit na pagyurak sa mga karapatan ng bayan, malawak na pagpapahirap ng masang anakpawis, paninikluhod sa dayuhan at korapsyon, nagsilbi ang rehimeng US-Marcos I noon bilang konsentradong katauhan ng bulok na naghaharing sistemang malakolonyal at malapyudal. Sa harap ng pasistang tiraniya ni Marcos, hindi natinag ang determinasyon ng bayan na tumindig at lumaban, higit lalo sa larangan ng armadong paglaban. Nabuo ang malawak na pagkakaisa ng mamamayang Pilipino na humantong sa malawak na pag-aaklas ng bayan sa EDSA noong 1986 na nagpatalsik sa kinamuhiang diktadura.
Sobra man sa kalahating siglo na ang lumipas, hindi pa rin nakalilimot ang sambayanang Pilipino sa mga krimen at kasalanan ng diktadurang Marcos. Lalong sumariwa ang mga ito sa kanilang alaala sa pag-upo sa Malacañang ng anak at kapangalan ng diktador na si Ferdinand Marcos Jr. Mula 2022, naghahari ang anak sa parehong hulma ng kanyang amang pasista: papet ng US, malupit at pahirap sa masa.
Walang renda ang paggamit ni Marcos Jr sa kapangyarihan at impluwensya para baguhin ang pagkakasulat ng kasaysayan at baligtarin ang istorikong husga ng taumbayan. Mula nang maupo sa poder, sunud-sunod na ibinasura ng mga korte ang mga kasong korapsyon at iligal na yaman na kinakaharap ng pamilyang Marcos. Hindi pa nasiyahan, binaligtad ng Korte Suprema ang lahat ng husga kay Imelda Marcos sa tangkang burahin ang lahat ng mantsa ng korapsyon sa kanyang damit at ihanda ang “marangal” niyang libing sa inaabangang pagpanaw.
Araw-araw ay tumitindi ang pagkasuklam ng mamamayan sa rehimeng Marcos dahil sa pagdurusang hatid ng mga hakbanging anti-mamamayan at maka-dayuhan, at sa harap ng dambuhalang korapsyon, pagkakamal ng yaman at kapangyarihan ng pamilyang Marcos habang lugmok sa hirap at gutom ang milyun-milyong mamamayan. Daan-daang bilyung piso ang ibinubulsa ng mga Marcos at kasabwat na pulitiko sa maaanomalyang proyektong flood control na iskemang pinasimulan ng Malacañang, habang buu-buong mga bayan ang lubog sa bahang hindi humuhupa.
Nagtetengang-kawali si Marcos Jr sa daing ng taumbayan sa harap ng walang awat na pagtaas ng presyo ng langis, pagkain, batayang pangangailangan at serbisyo. Alinsunod sa interes ng dayuhang malalaking kapitalista at lokal na burgesyang komprador, tumatanggi si Marcos Jr na pwersahin ang mga ganid-sa-tubong kumpanya na ibaba ang presyo para makahinga kahit sandali ang masang araw-gabi sa pagkakayod-kalabaw para lamang mabuhay. Babarya na nga, binawi pa ang unang kautusan para sa umentong ₱85 sa arawang sahod ng mga manggagawa sa Kamaynilaan.
Hinihigitan ni Marcos Jr ang ama at sinundang mga presidente sa pagiging masunuring tuta ng imperyalistang Amerikano. Binigyang-daan niya ang pagtatayo ng US ng higit siyam na base militar sa ilalim ng Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA), para gamiting kampo at pahingahan ng ilanlibong tropang Amerikano, lagakan ng mga misayl at ibang sandata at lunsaran ng mga ehersisyong pandigma. Liban dito, pinahintulutan din ni Marcos Jr ang US na palawakin ang presensya sa karagatan sa palibot at pagitan ng mga pulo ng bansa, magtayo ng mga pasilidad sa iba’t ibang sikretong lokasyon, at gamitin ang mga sibilyang imprastruktura. Pinasasalamatan ni Marcos Jr ang presensyang militar ng US bilang “kaibigan at alyado,” at pinapalakpakan habang kinakaladkad ang Pilipinas sa imperyalistang gera at ginagawang target ng karibal nitong kapangyarihan.
Sa dikta pa rin ng US, buong-lakas din ngayong itinutulak ni Marcos ang mga proyekto kaugnay ng Pax Silica. Kabilang sa mga ito ang economic and security zone sa Tarlac, ang Luzon Economic Corridor, ang kautusan para sa ibayong liberalisasyon ng dayuhang pagmimina (Executive Order #122), at iba pang mga patakaran at hakbanging nag-aalay ng yaman at patrimonya ng bansa sa dambana ng imperyalismong US. Inengganyo ng mga huwad na deklarasyong “insurgency-free” ng militar, hayok na hayok ngayon ang mga kumpanya sa pagmimina na palawakin at patindihin ang kanilang mga operasyon at sairin ang natitirang yamang mineral ng bansa, sa kapinsalaan ng kabuhayan ng masa at kalikasan.
Katulad ng kanyang ama, sumunod si Marcos Jr sa dikta ng US na palawakin at buhusan ng pondo ang Armed Forces of the Philippines (AFP) upang gamitin sa pagsupil sa lahat ng anyo ng paglaban ng sambayanang Pilipino, at bigyang-daan ang pagpasok ng mga korporasyong Amerikano at transnasyunal upang kamkamin ang yaman ng bansa, at pagsamantalahan ang murang lakas-paggawa ng mga manggagawa. Sa ngalan ng “kapayapaan at kaunlaran,” todo-larga ngayon ang terorismo ng estado sa pagsupil sa mga demokratikong karapatan gamit ang mga ahente ng militar at pulis, laluna sa kanayunan kung saan hayagan ang paghahari ng batas militar.
Ang rehimeng US-Marcos II ang ngayo’y konsentradong katauhan ng pahirap na sistemang malakolonyal at malapyudal sa Pilipinas. Sa pagtatanggol ng sistemang bulok sa kaibuturan, itinutulak ni Marcos ang malawak na sambayanan sa landas ng pambansa-demokratikong paglaban.
Tulad nang mabilis na namukadkad ang noo’y nagsimulang bubot na Partido Komunista ng Pilipinas, matatag at mabilis ngayong lumalakas at lumalaganap ang Partido sa harap ng sitwasyong pumupukaw sa patriyotismo at demokratikong damdamin ng taumbayan, at nagpapaalab sa kanilang militanteng diwa ng paglaban. Sa tanglaw ng Partido, nagbubuklod ngayon ang sambayanan sa panawagang ipagtanggol ang patrimonya ng bansa at ipaglaban ang tunay na pambansang kalayaan. Mabilis ngayong inaani ng Partido ang laksang binhing sumisibol na mga rebolusyonaryo mula sa hanay ng masang lumalaban.
Sa pamumuno ng Partido, matatag na nagpapalawak ang Bagong Hukbong Bayan. Mahigpit na kailangang isulong ang pakikidigmang gerilya sa kanayunan, bilang paraan ng pagtatanggol ng masa sa kanilang buhay at kabuhayan, pangangalaga ng bayan sa kalikasan at yaman ng bansa laban sa pangangamkam at pandarambong ng mga dayuhan, at paglaban sa panunupil ng bayarang AFP. Sa tuluy-tuloy na pagpapalawak at pagpapalakas sa organisadong lakas ng masa at paglaban katuwang ang tunay na hukbo ng sambayanan, tiyak na susulong ang digmang bayan sa landas ng tagumpay.
The post Nag-aalab ang paglaban ng bayan laban sa papet na rehimeng Marcos appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

