Kahungkagang maituturing kapwa ang naging deklarasyong “stable internal peace and security condition” (SIPSC) sa bayan ng Palapag at ang kasunod na pahayag nila Governor Harris Ong at Mayor Fawa Batula noong Septyembre 18 na naging “matagumpay” ang kanilang pagsisikap para makamit ang “kapayapaan.” Noong Hulyo lamang idineklara ang unang distrito ng Northern Samar bilang SIPSC.

Ipokrito sina Ong at Batula na nagpapanggap at inilalako ang mga sarili bilang tagapagtaguyod ng “kapayapaan, serbisyong bayan at kaunlaran,” gayong mga hunyango silang pulitiko na nailuklok sa kapangyarihan gamit ang malawakang vote buying at political patronage – mga katangian na nagpapatatag sa dinastiya at nagsisilbi sa kasuka-sukang burukrata kapitalismo. Hindi lamang kwestyunable ang sinseridad nila, hindi rin nila syentipikong inaalam at nireresolba ang ugat ng kawalang tiwala sa gubyerno at pag-aaklas ng mamamayang Nortehanon at Palapagnon.

Bilang mga burukrata, masugid silang naniniwala na makakamit lamang ang kapayapaan sa pamamagitan ng pandarahas, pagsupil at pagpapalaganap ng terorismo ng estado sa mamamayang makatarungang lumalaban at nag-aaklas. Nagiging sukatan nila sa pagkamit ng “kapayapaan” ang malaking bilang ng mga “nayutralisang” sibilyan at mga kasapi ng rebolusyunaryong organisasyon sa pamamagitan ng pwersahan at palansing pagpapasuko, iligal na pag-aresto, paghohostage, tangkang pagpatay at ektrahudisyal na pagpatay at pagpapailalim sa mga komunidad sa paghaharing militar. Paminsan-minsa’y nagpapaambon sila ng katiting na “tulong” upang linlangin, buwagin ang pagkakaisa at ilayo sa landas ng makatarangungan pakikibaka ang mga Nortehanon at Palapagnon.

Sapul nang pirmahan ni Duterte ang EO 70 noong 2018 upang itayo ang National Task Force-Elcac, naging tapat na tagasunod at tagapagpatupad sina Ong at Batula katuwang ang 8th Infantry Division. Hindi bababa sa 217,000 katao at 47,000 na pamilyang Nortehanon sa 17 bayan at 240 na barangay ang sinaklaw ng kampanyang terorismo ng estado na naglapastangan sa mga kaayusan at karapatang pantao sa mga komunidad. Sa lahat ng prubinsya, sa Northern Samar naitala ang pinakamaraming paglabag sa karapatang pantao habang sa lahat ng bayan ay pumapangatlo ang Palapag. Kabilang sila Ong at Batula sa mga sumuporta sa palisiya ng 803rd Infantry Brigade na shoot-to-kill order sa mga sibilyang magsasakang hindi “magpapaklir.” Sa pahayag mismo ng JTF-Storm, umabot sa 13,862 sibilyang magsasaka ang kanilang “napasuko,” kabilang na ang mga Nortehanon.

Ang pagkatig nila Ong at Batula sa “kapayapaang” nakabatay sa terorismo ng estado ay pinatutunayan ng kalunos-lunos pa rin na kalagayan ng ekonomiya ng prubinsya, mababang kalidad ng pamumuhay, at mailap na akses sa batayang serbisyo. Kapwa nila ipinagmamalaki ang legasiya ng pag-angat ng income class ng kanilang nasasakupan habang patuloy na iniinsulto at binubusabos ang mamamayan. Hindi maramdaman ng mga Nortehanon ang sinasabing pagtaas ng rebenyu ng prubinsya na mula 2014-2024 lamang ay nakalikom ng hindi bababa sa ₱17 bilyon.

Mula 2015-2025 ay nakuntento na ang dinastiyang Ong at si Batula sa dagdag na kakarampot na ₱35 para umabot sa abereyds na ₱100 halaga ng pamumuhay bawat araw, na para sa gubyerno ay sapat na at hindi na maituring na mahirap ang isang Nortehanon. Halos 70% ng mga pamilya ang kumikita ng mas mababa pa sa ₱891 na kailangan upang mabuhay nang disente ang isang pamilyang may limang myembro. Sila din ang pangunahing umiinda ng 25%-70% na pagtaas sa gastos ng pamilya noong 2025 kumpara noong 2015.

Bulok ang mga pampublikong serbisyo sa prubinsya. Dalawa lamang sa siyam na pampublikong ospital sa Northern Samar ang maituturing na may kakayanang magbigay ng “first-level” na serbisyo. Lalo pang bumaba ang bed capacity ng Northern Samar Provincial Hospital (NSPH) mula 350 noong 2016 tungong 237 noong 2024. Noong Oktubre 2025 pansamantalang tumigil sa pagtanggap ng pasyente ang NSPH dahil sa overcapacity. Sa sektor ng edukasyon, 472 lamang ng 569 na barangay ang mayroong pampublikong elementarya habang 42 na barangay ay hanggang grade 4 lang ang natuturuan.

Ilang dekada nang hindi nareresolba ang problema sa malawakang kawalan ng lupa kung saan 9 sa bawat 10 magsasakang Nortehanon ang walang kasiguraduhan sa kanyang lupang sinasaka. Kabilang dito ang malaking bilang ng mga lupaing nasa kategoryang “owner-type possession” at nakapailalim sa pagiging tenant. Wala pang 1% ng mga magsasaka ang naging nabigyan ng CLOA sa ilalim ng huwad na programa sa reporma sa lupa.

Ang totoo, ang mga deklarasyong SIPSC ng dinastiyang Ong at ni Batula, na nakabatay sa bulok na konsepto ng kapayapaan, ay nagsisilbi upang bigyang-daan ang mga proyektong gatasan ng korapsyon, tulad ng Support the Barangay Development Program kung saan hindi bababa sa ₱816 milyon ang ibinuhos sa prubinsya. Pang-engganyo rin ang SIPSC sa pagpasok ng pribadong pamumuhunan ng malalaking kumprador at dayuhang kompaniya. Ibinuhos sa Northern Samar ang hindi bababa sa ₱129.3 bilyong halaga ng pamumuhunan kung saan minimal ang bahagdan ng sektor ng agrikultura habang pinakamalaki ang sa “renewable energy.” Ang dinastiyang Ong ay membro ng National Unity Party ng trilyonaryong si Enrique Razon na maraming mga negosyo kabilang na ang sa renewable energy.

Madilim at masalimuot ang karanasan ng mamamayan sa pandarahas at panunupil ng estado tungo sa pagkamit ng huwad na kapayapaan. Hindi lamang ito kailangang ilantad at labanan; higit sa lahat, dapat itong magsilbi bilang materyal na batayan para buuin ang nagkakaisang lakas ng lahat ng mamamayang Norterhanon, silang mga biniktima at patuloy na binibiktima ng pasistang estado. Ang mayaman nilang karanasan sa pagrerebolusyon ay dapat paghalawan ng aral, magsilbing batayan para muling itayo ang organisadong lakas at magpunyagi para sa pagsusulong ng rebolusyonaryong armadong pakikibaka. Kailangan ng rebolusyonaryong pagpupunyagi upang makamit ang makatarungang kapayaapaang nakabatay sa pagkawala sa tanikala ng pambubusabos at pagsasamantala ng mga dinastiya at burukrata kapitalista.

The post Huwad at nagsisilbi sa burukratang pandarambong ang SIPSC sa Palapag at Northern Samar appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.