Nagpahayag ng pagkagalak ang grupong Sambilog Balik Bugsok Movement sa pagbasura ng korte sa dalawang kaso ng cyberlibel laban kay Angelica Nasirom, isang lider kabataan sa Sitio Mariahangin, Barangay Bugsuk, Balabac, Palawan.

Ayon sa grupo, isang makabuluhang tagumpay ito para sa isang katutubong babae na naharap sa pag-uusig matapos ipagtanggol ang kanyang komunidad na Molbog at paggiit sa kanilang karapatan sa kanilang lupaing ninuno sa Mariahangin.

Kinilala ng korte na kumilos si Nasirom nang may mabuting hangarin, may lehitimo at makatarungang layunin, at may lehitimong interes na ipagtanggol ang kanyang komunidad sa Marihangin at kwestyunin ang upisyal na aksyon ng Indigenous Peoples Mandatory Representative. Inutusan din ng korte na kanselahin at ibalik ang kanyang dalawang cash bond na nagkakahalaga ng ₱10,000 kada isa.

“Malaking panalo ito sa amin, kasi nabuhayan ang mga kasamahan ko na dapat maninindigan,” paliwanag ni Nasirom. “Sana hindi matakot ang kapwa katutubo. Kung alam nilang tama ang kanilang ipinaglalaban, patuloy silang manindigan.”

Sa karagdagang balita, kinundena ng komunidad ang paghuli at pagsampa ng gawa-gawang kaso ng Jewelmer Corporation at Balabac PNP sa apat na kabataan noong Agosto 23 dahil sa umano’y iligal na pangingisda sa kanilang katutubong pangisdaan na binabakuran ng pearl farm ng Jewelmer.

Ayon sa mga katutubong kabataan na sina Jayru James Perado (23), Jeljon Moraco Favila (21), Gerald Ading Lovindino (17), at Carl Lape Isa (18), sumisisid sila sa dagat bandang alas-9 ng gabi nang nilapitan sila ng patrol ng Jewelmer at kinuha ang kanilang mga pangalan. Nung lumipat sila ng sinisisiran, sumunod ang mga patrol na may kasama nang kapulisan at marines.

Ang parte ng dagat na kanilang kinuhanan ng isda at mga sea cucumber ay matagal nang dating pangisdaan ng mga katutubong Molbog, Palaw’an, at Cagayanin.

Nagsimulang palayasin ang mga katutubo sa kanilang lupain sa isla nang ibinigay ni dating pangulong Ferdinand Marcos ang titulo ng Bugsuk Island kay Danding Cojuangco. Nung 1979, itinayo ng kapatid ni Danding Cojuangco na si Manoling Cojuangco ang Jewelmer Corporation at pinagbawalan ang mga katutubong mangisda sa lugar.

Sa kasalukuyan, nahaharap parin ang mga myembro ng komunidad sa sampung kaso ng grave coercion at 282 kaso ng trespassing. Patuloy ang panawagan ng mga katutubo para sa katarungan at paggalang sa kanilang karapatan sa lupaing ninuno.

The post Gawa-gawag kasong cyber libel laban sa nagtatanggol sa mga katutubo, ibinasura ng korte appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.