Nagprotesta ang grupong katutubo, tagapagtanggol sa kalikasan at karapatang-tao sa harap ng Camp Crame sa Quezon City noong Setyembre 17 upang kundenahin ang nagpapatuloy na panggigipit at paglabag sa karapatang-tao ng mga komunidad na tumututol sa malakihang pagmimina. Kasama sa pagkilos ang mga lider ng komunidad mula sa Kasibu, Nueva Vizcaya, Cagayan Valley, Cordillera at iba pang rehiyon.
Ayon sa mga grupo, nakaranas ang mga residente ng panggigipit mula sa kapulisan at kasong kriminal matapos nila magtayo ng barikada upang harangin ang pagpasok ng mga kagamitan ng mga kumpanyang mina.
“Hinarass kami ng kapulisan ng Nueva Vizcaya. Pinahuli kami sa aming mismong lupa na kinatitirikan ng aming barikada. Pagkatapos kaming hulihin, kinasuhan kami ng maraming kaso. Grave coercion, disobedience, at saka cyberlibel,” paliwanag ni Lei Jin Dugay ng Kasibu Intertribal Response for Ecological Development (KIRED)
Kinundena din ng mga grupo ang kamakailang pag-aresto sa mga aktibista, kabilang ang limang paralegal, noong protesta sa forum ng Luzon Economic Corridor sa BGC, Taguig City, at ang mga gawa-gawang kaso laban sa Cagayan Valley 11.
Sa parehong araw, naglabas ang Makabayan Bloc ng House Resolution No. 1457 na nananawagan sa House of Representaive na imbestigahan ang nagpapatuloy na panggigipit at red-tagging laban sa mga myembro ng komunidad ng Kasibu na tumututol sa proyektong eksplorasyon ng North Luzon Mineral Resources Corporation.
Sa kasalukuyan, hindi bababa sa 30 kaso ang isinampa laban sa 70 indibidwal sa Nueva Viscaya, kabilang dito ang 21 na residente ng Kasibu na kinasuhan ng perjury ng NLMRC.
“Ang serye ng marahas na pag-aresto at pagsasampa ng kaso laban sa komunidad na nagbabarikada ay kabilang sa mga strategic lawsuit against public participation (SLAPP) na naglilingkod sa interes ng korporasyon at nagpapakita ng pang-aabuso ng kapangyarihan ng pulis laban sa mga miyembro ng komunidad na may lehitimong reklamo tungkol sa kabuhayan,” nakasaad sa resolusyon.
The post Mga katutubo, kinundena ang panggigipit ng PNP at kumpanyang mina sa mga nagtatanggol sa barikada appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

