Nagsumite ng sulat ang Office of the Student Regent (OSR) ng Polytechnic University of the Philippines (PUP) sa upisina ni PUP President Manuel M. Muhi noong Setyembre 15 para humingi ng paliwanag sa papel niya sa inilabas na Philippine Journal on National Security ng National Security Council. Ang dyornal ay pinamagatang “Target to Threat: The Psychology and Prevention of Terror Grooming.”
Inilabas ang dyornal sa pangunguna ni National Security Adviser Eduardo M. Año na nagsisilbi ring ikalawang tagapangulo ng National Task Force (NTF)-Elcac. Tinalakay rito ang mga paksa ng “terror grooming,” social media consumption ng mga kabataan, “responsableng pamamahayag,” at “responsableng pakikilahok ng kabataan sa lipunan.” Si Muhi at ang PUP ay pinasalamatan at kinilala ng NSC dahil sa “dedikasyon sa kahusayan sa akademya sa pagsuporta sa makabuluhang hakbang ng paglalabas ng dyornal.”
Ayon kay PUP Student Regent John Paul Azusano, ang mga paksa sa dyornal ay nakatuon at tumatarget sa kabataang Pilipino. Pinalalabas sa dyornal na madaling manipulahin sa pamamagitan ng panlalansi, disimpormasyon at baluktot na ideolohiya ang mga kabataan.
“[Ang mga ito] ay wikang sumasalamin, halos katulad na katulad, sa bokabularyong taung-taon nang ginagamit ng NTF-Elcac upang bansagan ang aktibismo ng mga estudyante, pahayagang pangampus, at paglaban bilang rekrutment tungong subersyon,” ayon kay Azusano. Pagdidiin niya, ito mismo ang panganib na inilalatag ng dyornal.
Ayon sa rehente ng mag-aaral, ang pagbabalangkas sa “terror grooming” sa ganoong paraan ay hindi nyutral na akademikong konsepto kundi pagsipat sa lente ng seguridad na minamasama ang pagkamulat sa pulitika, pag-oorganisa at protesta. Dagdag niya, itinuturing ng dyornal ang mga aktibidad na ito ng kabataan bilang manipulasyon sa halip na paggamit sa kanilang mga karapatan na nakasaad at protektado sa konstitusyon ng bansa.
Ayon kay Azusano, ang pagbibigay ng pagkilala ng PUP at ni Muhi sa ganitong kalakaran ng NSC at NTF-Elcac ay hindi simpleng pagsuporta sa “kahusayan sa akademya” kundi pagbibigay ng lehitimong tabing. “Hindi ito akademikong kalayaan. Isa itong makinarya ng pagsubaybay na nakabihis sa wika ng pag-aaral,” aniya.
Mayroon inilatag na limang punto ang PUP OSR na iginiit nitong tugunan ni PUP President Muhi. Una rito ang paglalabas ng paliwanag sa katangian at saklaw ng pagkakasangkot ng PUP at ng pangulo sa dyornal. Ikalawa, paglilinaw kung mayroong pormal na ugnayan o memorandum at pagpopondo ang PUP at NTF-Elcac, NSC o kaugnay nitong mga insitusyon.
Ikatlo, malinaw na itakwil ang anumang balangkas na nagtutulad sa aktibismo, pag-oorganisa o paglaban sa “terror grooming at pagtibayin ang suporta ng PUP sa akademikong kalayaan at konstitusyunal na karapatan ng mga estudyante. Ikaapat, suportahan ang mga lider-estudyante at mamamahayag pangkampus na tinugis at humaharap sa Red-tagging at panggigipit ng estado. At panghuli, maglabas ng pahayag na kahit kailan ay hindi makikipagtulungan ang unibersidad sa NTF-Elcac o katulad na mga institusyon.
“Ang mga mag-aaral ng Unibersidad na ito ay may karapatang malaman kung paano ginagamit ang pangalan, mga rekurso, at moral na awtoridad ng kanilang Unibersidad,” ayon kay Azusano. Dagdag niya, ang sulat ay hindi simpleng “hiling” kundi isang panawagang nakaugat sa karapatan ng mga estudyante sa impormasyon sa mga usaping pampubliko. Iginiit ng PUP OSR ang agarang tugon sa kanilang sulat.
The post Papel ng pangulo ng PUP sa inilabas na dyornal ng NSC sa “terror grooming,” kinwestyon appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

