Nagprotesta ang mga manggagawa sa ilalim ng Wage Increase Network (WIN) Cebu sa Department of Labor and Employment (DOLE) Regional Office VII sa Cebu City noong Setyembre 15. Agad silang kumilos matapos umugong ang balita na maglalabas na ng atas para sa ₱36/araw na dagdag-sahod ang ahensya, na anila ay lubhang kulang at kakarampot.

Nanawagan ang WIN Cebu sa DOLE at sa Regional Tripartite Wages and Productivity Board VII (RTWPB VII) na magbigay ng makabuluhang dagdag-sahod dahil “hindi na nakabubuhay” ang kasalukuyang sahod. Umaabot lamang sa ₱540/araw ang minimum na sahod sa Central Visayas. Dagdag pasakit sa kanila ang napakataas na 8.7% tantos ng implasyon na patuloya na bumabagbag sa tunay na halaga ng sahod ng mga manggagawa.

Ayon kay Kyle Enero, lider ng WIN Cebu at manggagawa sa business process outsourcing, kailangan ng dagdag-sahod na tutugon sa pangangailangan ng manggagawang Cebuano at hindi karampot na alibyo lamang. Suportado ng WIN Cebu ang petisyong isinumite ng BPO Industry Employees Network (BIEN)-Cebu para sa dagdag-sahod tungong ₱1,200/araw.

Pahayag ng grupo, patuloy silang magbabantay sa mga gagawing hakbang ng RTWPB VII kaugnay ng dagdag-sahod sa susunod na mga araw.

The post Bali-balitang karampot na ₱36 dagdag-sahod sa Central Visayas, pinalagan ng mga manggagawa appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.