Kinundena ng mga progresibong grupo ang resolusyong inilabas kamakailan ng Office of the Ombudsman na nagbasura sa mga kasong kriminal at administratibo laban sa mga upisyal ng gubyerno at militar na isinampa ng mga aktbistang pangkalikasan na sina Jhed Tamano at Jonila Castro.
“Dalawang taon. Walang mga pagdinig. Tapos ibinasura,” dismayadong pahayag ng Kalikasan People’s Network for the Environment (PNE) noong Setyembre 14.
Sinampahan nina Tamano at Castro ng mga kasong arbitraryong detensyon, matinding pamimilit at paglabag sa Anti-Torture and Anti-Enforced Disappearance Acts ang mga upisyal. Ang mga ito ay kaugnay ng pagdukot, iligal na detensyon at pagpapalabas ng mga pwersa ng estado na “sumuko” sina Tamano at Castro bilang mga myembro ng Bagong Hukbong Bayan noong Setyembre 2023.
Ang dalawa ay dinukot ng 70th IB sa Orion, Bataan noong Setyembre 2, 2023. Ayon sa mga nakasaksi, nagpumiglas ang dalawa sa mga armadong lalaking sapilitang nagsakay sa kanila sa isang van. Sa loob ng 14 araw, itinanggi ng militar na hawak nila ang dalawa. Nakahulagpos ang dalawa mula sa kontrol ng militar nang matapang na isiwalat ang pagdukot, pambabanta at pamimilit sa kanila sa isang press conference ng National Task Force-Elcac sa Plaridel, Bulacan noong Setyembre 19, 2023.
“Sa halip na suriin ang mga ebidensyang ibinigay ng mga tagapagtanggol ng kalikasan, mas binigyang-timbang ng Ombudsman ang mga salaysay ng mga upisyal sa seguridad at ipinag-utos ang presumption of regularity pabor sa kanila,” ayon sa Kalikasan PNE. Ginamit rin umanong basehan ng Ombudsman para paboran ang mga upisyal ng gubyerno ang kawalan ng matinding pisikal na pinsala at ang hindi agarang pagsisiwalat ng mga biktima ng kanilang naranasan.
Ayon sa grupo, “ang pangangatwirang ito ay muling nagpapahirap sa mga nakaligtas, binabalewala ang mapang-aping kondisyon ng pagkakabihag, at ginagantimpalaan ang mga institusyon ng estado sa pagtatago ng pagkakakilanlan ng mga salarin.” Dagdag ng Kalikasan PNE, ang kaso nina Tamano at Castro ay sumasalamin lamang sa daan-daang pang biktima ng katulad na mga paglabag sa karapatang-tao ng mga pwersa ng estado.
“Ang kaso nina Tamano at Castro ay hindi hiwalay na kaso, kundi isang sadyang estratehiya—at hindi namin ito palalampasin nang hindi tinututulan,” ayon sa grupo. Patuloy ang panawagan ng Kalikasan PNE at iba pang progresibong grupo para sa pananagutan at hustisya para sa dalawa at lahat ng iba pang biktima ng pagdukot, iligal na detensyon at tortyur ng mga pwersa ng estado.
The post Mga kaso sa Ombudsman laban sa mga upisyal ng gubyerno, militar sa pagdukot, detensyon sa mga aktibista, ibinasura appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

