Kinundena ng mga residente ng Barangay Pao, Kasibu, Nueva Viscaya ang panibagong bugso ng pagsasampa ng gawa-gawang kaso ng North Luzon Mineral Resources Corporation (NLMRC) sa mga nagtatanggol sa barikada.
Nasa 21 residente ang kinasuhan ng perjury ni Jaime Atayde, kinatawan ng NLMRC at dating mayor of Luna, Isabela, kaugnay ng kanilang pagdalo sa isang training na ginanap sa Barangay Hall. Kabilang sa kinasuhan ang isang senior citizen at isang menor de edad.
Ayon sa mga residente, ang naturang aktibidad ay isang mushroom training na nakatuon lamang sa pagpapalaki o produksyon ng kabute. Dumalo sila sa training bilang mga residente at hindi ito isang aktibidad na may kaugnayan sa pagsang-ayon o pagpayag sa anumang mining operation.
Ang attendance sheet ng naturang training ay ginamit bilang dokumento sa pagsasampa ng kasong perjury laban sa ilang residente. Isinama rin ng NLRMC ang naturang dokumento sa kanilang documentation o compliance requirements.
Sa kaugnay na balita, inaasahang lalabas sa mga susunod na araw ang mandamyento de aresto laban kay Anthony Glenn Guingayan, konsehal ng Kasibu, sa kasong cyberlibel na isinampa ng pitong upisyal ng Barangay Pao.
Sa kasalukuyan, umaabot na sa higit 70 indibidwal ang sinampahan ng mga gawa-gawang kaso, at hindi bababa sa 30 na kaso ang naisampa kaugnay ng pagbabarikada kontra mina sa Nueva Vizcaya.
Ang mga ito ay pawang mga SLAPP cases (Strategic Lawsuit Against Public Participation), at bahagi ng mga pamamaraan ng NLMRC para pahupain ang paglaban ng mga mamamayan sa pagpasok ng dambuhalang pagmimina.
The post Mga residente ng Kasibu, muling sinampahan ng gawa-gawang kaso ng North Luzon Mineral Resources Corporation appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

