Nagprotesta sa Auckland’s Te Komititanga Square ang mga migranteng tsuper ng bus sa pamumuno ng Union Network of Migrants (UNEMIG) at United Filipino Bus Drivers in New Zealand noong Setyembre 15 upang ipanawagan ang higit na pagkilala sa mga migranteng manggagawa at pagbabago sa polisiya para manatili sa bansa. Anila, hindi sila dapat piliting umalis nang hindi isinasaalang-alang ang kanilang mga naiambag.

Noong 2023, nag-empleyo ang mga awtoridad sa transportasyon sa Auckland at Wellington ng daan-daang tsuper mula sa ibang bansa upang punan ang kakulangan ng mga tsuper sa Auckland. Noong panahong iyon, daan-daang biyahe ng bus ang kinakansela araw-araw dahil sa kakulangan ng mga tsuper.

Inalok ang mga migranteng tsuper ng opsyon ng permanenteng paninirahan kung makapapasa sila sa pandaigdigang pagsusulit sa wikang Ingles na may iskor na 6.5 o mas mataas pa—kapareho ng rekisitong itinakda para sa iba pang visa para sa paninirahan.

Ngunit marami ang nahirapan na maabot ang naturang pamantayan. Ang gayong rekisito ay nasa antas ng mga dayuhang estudyante na nag-a-apply para sa postgraduate degree.

Dahil dito, karamihan sa mga tsuper ay nananatili na lamang sa bansa gamit ang work visa na magtatapos sa 2028. Mayroon ding 12-buwang panahon ng paghihintay bago sila maaaring muling bumalik sa New Zealand, kaya hindi sila makababalik hanggang 2029.

“Ang mga nakapapasa sa pagsusulit ay kadalasang nakapagkolehiyo. Karamihan sa mga tsuper ng bus ay nahihirapan dito,” paliwang ni Max Santiago, koordineytor ng UNEMIG.

“Dalawang beses silang mapipilitang lisanin ang kanilang tahanan—una, nang umalis sila sa kanilang mga bansang pinagmulan, at pangalawa, na mas masakit, kapag kailangan na nilang umalis dito, laluna kung narito na ang kanilang pamilya. Kailangan na naman nilang mag-impake at bumalik sa ibang bansa,” dagdag ni Santiago.

Giit ng mga grupo, dapat kilalanin ng mga patakaran sa imigrasyon ang halaga ng mga manggagawang nakapag-ambag na sa bansa, sa halip na ituring sila bilang pansamantalang lakas-paggawa na maaaring palitan kapag nagbago ang mga kalagayan.

“Napakahirap nito para sa amin dahil karamihan sa mga tsuper ay hindi nakapagtapos ng kolehiyo. Karamihan sa amin ay nagtapos lamang ng high school. Masaya akong magtrabaho rito sa New Zealand at maglingkod sa mga tao at sa komunidad. Mahigit tatlong taon na ako rito, at minahal ko na ang New Zealand,” kwento ni Ryan de Guzman, isa sa daan-daang tsuper na lumipat sa New Zealand noong 2023.

Malaking bahagi ng mga tsuper ng bus ay mga migranteng manggagawa, na bumubuo ng 20% ng kabuuang lakas paggawa sa transportasyon.

Ayon sa mga grupo, dapat ituring ang mga migranteng manggagawa bilang mga taong may pamilya, komunidad, at pangmatagalang pananagutan—hindi lamang bilang solusyon sa kakulangan ng mga manggagawa.

Naglunsad din ng online petition ang UNEMIG para sa pagbasura sa sistema ng pagtatali ng trabaho sa visa, pagsuspinde sa 12 month stand down period at pagpapatupad ng makatarungan na rekisitos para sa mga pagsusulit sa ingles. Nakakuha na ng 1,393 na pirma ang grupo mula sa target na 2,000.

The post Mga Pilipinong tsuper ng bus sa New Zealand, iginiit ang kanilang karapatan sa trabaho at paninirahan appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.