Binigyang-pugay at pinarangalan ng Komiteng Rehiyon ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) sa North Central Mindanao Region (NCMR) ang namartir na kalihim nito na si Julia Cagadas-Lastimosa (Ka Rida)). Namartir siya sa serye ng mga labanan sa pagitan ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) at tropa ng 403rd IBde sa Barangay Bakingking, Esperanza, Agusan del Sur noong Setyembre 12.
Kasamang namartir ni Ka Rida sina Rocha Mae Bihag (Ka Maki), Tiloy Basahon (Ka Doydoy) at Ringo Lindayo (Ka Kikoy). Naglingkod sila sa BHB at Partido sa magkakaibang tagal ng panahon at tumangan ng susing mga gawain.
“Ipinararating namin ang aming taus-pusong pakikiramay sa pamilya at mga mahal sa buhay ng mga nasawing kasama,” pahayag ng komiteng rehiyon.
Si Ka Rida ay isa sa mga kadre ng NCMR mula pa maagang bahagi ng dekada 1980. Nagmula siya sa hanay ng uring manggagawa at lumaki sa Bugo, Cagayan de Oro City. Nakulong siya noong panahon ng diktadura at tumakas mula sa piitan noong huling bahagi ng dekada 1980. Isa siya sa dalawang babaeng buong-tapang na lumangoy sa 150-metros-lapad na Ilog Cagayan de Oro sa kalaliman ng gabi matapos tumakas sa kulungan.
Sa ikalawang beses na pagkakulong, maaalala siya bilang militanteng lider sa loob ng piitan. Nanguna siya sa pakikipaglaban para sa pagpapabuti ng kalagayan ng mga bilanggo, pagbubunyag sa mga katiwalian ng mga tagapamahala nito, at pagtatanggol sa karapatang-tao sa reaksyunaryong hukuman.
Ayon sa parangal ng komiteng rehiyon, mayroon kakayahan si Ka Rida sa iba’t ibang larangan ng gawaing rebolusyonaryo. Naglingkod siya sa mamamayan ng NCMR bilang organisador ng mga kabataan, manggagawa, maralitang-lunsod, at magsasaka sa kanayunan, bilang kadre ng Partido at upisyal ng BHB.
“Hindi siya malilimutan ng mamamayan ng Misamis Oriental bilang Ka Rida, ng mamamayan ng Agusan del Norte bilang Ka Toyang, at ng mamamayan ng Bukidnon bilang Ka Kayuka. Tinatawag din siyang Manang (Ate) ng mga alyado at kaibigan, at Lola ng mga batang rebolusyonaryo,” ayon sa komite.
Bilang isang komunista at kadreng babae, matatag na nanindigan si Ka Rida para sa pagpapalaya ng kababaihan, sa paghubog ng rebolusyonaryong pamilya, at sa pakikibaka laban sa burges at pyudal na kulturang umaapi sa kababaihang Pilipino. Anang komite, naging huwaran siya ng mga rebolusyonaryong ina sa pag-aaruga sa kanilang mga anak upang ganap na maglingkod sa mamamayan sa pamamagitan ng pagsapi sa BHB. Bilang asawa, kasama ng kanyang kabiyak na si Ka Karyas (Benjamin Lastimosa) na martir sa rebolusyon, hinubog nila ang kanilang pag-aasawa kasabay ng kanilang katapatan sa rebolusyon.
“Bilang isang tapat na komunista, si Ka Rida ay kabilang sa mga masugid at matatag na tumindig para sa wastong linya sa panahon ng Ikalawang Dakilang Kilusang Pagwawasto at ng kasalukuyang kilusang pagwawasto,” ayon sa komite. Dagdag nito, si Ka Rida ay naging inspirasyon sa mga kasama upang harapin at pagtagumpayan ang mga balakid gaano man ito kahirap.
“Hanggang sa huling sandali ng kanyang buhay, hindi kailanman yumuko si Ka Rida sa kaaway,” pahayag ng komiten rehiyon.
Ibinigay ng Partido Komunista ng Pilipinas—North Central Mindanao Region ang pinakamataas na pagsaludo sa mga kasamang martir na sina Ka Rida, Ka Maki, Ka Kikoy, at Ka Doydoy. Kaugnay nito, nanawagan ang komiteng rehiyon sa lahat ng organo ng Partido, yunit ng Hukbo, mga rebolusyonaryong masang organisasyon, alyado, kaibigan, at simpatisador sa NCMR na magsagawa ng seremonya sa paggunita sa kanila.
“Ipakita natin sa kaaway na hindi tayo natitinag at natatakot sa gitna ng pagkawala ng ating mga minamahal na kadre at kasama. Gawing huwaran ang mga kasamang martir upang kumpletuhin ang kilusang pagwawasto at lalo pang isulong ang rebolusyon,” anito.
The post Namartir na kalihim ng Partido sa North Central Mindanao, pinarangalan appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

