Naglunsad ng kilos-protesta ang kabataang Iliganon sa Iligan City noong Setyembre 12 para ipahayag ang kanilang pagtutol sa balak na pribatisasyon ng Agus-Pulangi Hydroelectric Power Complex (APHEC). Anila, lalong magpapataas ng singil sa kuryente sa syudad ang balak na pribatisasyon sa APHEC.

Noong Agosto, umabot sa ₱15.15/kilowatt hour ang singil ng Iligan Light and Power, Inc. (ILPI) na nakasasaklaw sa syudad. “Sa pagtaas ng singil, apektado nito ang lahat, laluna ang ating mga bilihin at araw-araw na pangangailangan,” pahayag ng Kabataan Party-list (KPL)-Iligan City na nanguna sa pagkilos.

Ang pagtaas ng singil sa kuryente ay bunga ng pagkawala ng suplayer ng ILPI na dahilan ng pagnipis ng suplay ng kuryente sa syudad. Bumibili ng karagdagang suplay ang ILPI mula sa Wholesale Electricity Spot Market (WESM) sa mas mataas na halaga.

Ang kakulangan ng kuryente sa syudad at iba pang bahagi ng Midanao ay ginagamit ngayon bilang isa sa mga dahilan para itulak ang pribatisasyon ng APHEC. Ang APHEC ay isang pampublikong imprastruktura na itinayo ng gubyerno noong dekada 1950. Pinatatakbo ito ng National Power Corporation (NPC) at nagpoprodyus ng halos 1,000 megawatt (MW) ng renewable electricity.

Nagsisimula ang Agus system sa Lake Lanao at dumadaloy sa mga komunidad sa Lanao hanggang Iligan City, habang ang Pulangi River ay bumabaybay sa mga lupang ninuno ng Lumad sa Bukidnon. Ang mga watershed, ilog, at komunidad na ito ang nagpapanatili sa hydropower system na pinagkukunan ng kuryente.

Sinasabing sa kalumaan at tagal, bumaba na lamang tungong 600-700MW ang napoprodyus na kuryente ng APHEC kung kaya kinakailangan itong isaayos at paunlarin. Sa balangkas ng Electric Power Industry Reform Act (EPIRA), planong isailim sa pribagong pangangasiwa ang operasyon ng APHEC.

“Kung isasapribado ito, mas malaki ang tsansa na tumaas pa ang presyo ng kuryente dahil ipapailalim sa kamay ng malalaking kapitalista ang pangangasiwa dito, na ang pangunahing layunin ay kumita at magpalaki ng kanilang kapital,” pahayag ng KPL-Iligan City. Naniniwala ang grupo na sa kahuli-hulihan ay mamamayan ang papasan sa pahirap na epekto ng pribatisasyon.

Samantala, kinundena ng grupo ang pagmamanman at paniniktik ng mga pwersa ng estado sa isa nilang myembro na dumalo sa pagkilos. Dalawang lalaki ang napansin ng grupo na sumunod sa isa nilang myembro habang papauwi. “Hindi ito nahihiwalay na insidente…bahagi ito ng isang kilala nang padron ng panghaharas sa kabataan na nag-oorganisa, nagsasalita at lumalaban sa hindi makatarungang mga patakaran at atake sa karapatan,” ayon sa KPL-Iligan City.

The post Kabataan ng Iligan City, tutol sa pribatisasyon ng APHEC appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.