Habang nagdadalamhati, umaasa ang pamilya at kaanak ng mga biktima at nakaligtas sa nasunog na barkong M/V June Aster na magkaroon ng masusing imbestigasyon at pananagutan sa nangyaring trahedya. Nasunog ang barko noong Setyembre 9 nang gabi sa sakop na karagatan ng Coron, Palawan.
Naglayag mula Maynila ang barko na mayroong sakay na 132 katao kabilang ang mga pasahero, tripulante at upisyal nito. Dahil sa pagsabog at sunog, hindi bababa sa 76 ang namatay at mayroong 13 pang nawawala, habang 43 ang nakaligtas.
Isang linggo makalipas ang insidente, hindi pa natutukoy ng mga upisyal ng gubyerno ang sanhi ng sunog na posibleng nagsimula sa cargo hold ng barko. Sa salaysay ng mga nakaligtas, nakarinig sila ng pagsabog, nakakita ng usok at ang mabilis na pagkalat ng apoy. Pagmamay-ari at pinatatakbo ng kumpanyang Atienza Interisland Ferries ang M/V June Aster.
Nagpahayag ng pakikiramay at pakikidalamhati sa mga pamilya ng mga biktima at at nakaligtas ang National Democratic Front (NDF)-Palawan. “Nakikidalamhati kami…marami sa kanila ay mga Palaweño hindi lamang sa bayan ng Coron kundi sa iba pang mga bayan,” ayon kay Ka Leona Paragua, tagapagsalita ng NDF-Palawan.
Aniya, marami sa kanila ay tiyak na ipinakipagsapalaran pang makakuha ng pamasahe para lamang makauwi galing Maynila. “Nakalulungkot na ang insidente sa MV June Aster ay hindi isang hiwalay na kaso sa Pilipinas na ayon sa datos ng gubyerno ay karaniwang nagtatala ng daan-daang aksidente sa karagatan kada taon,” pahayag niya.
Bilang isang arkipelago, karaniwang moda ng lokal na transportasyon sa bansa ang mga sasakyang pandagat na tumatawid sa mga isla ng Pilipinas. Mas mura rin ang pamasahe rito kumpara sa pagsakay sa eroplano.
“Dahil sa kapabayaan ng estado, nakaasa sa pribadong sektor at mababa ang kalidad ng serbisyo at pagtitiyak sa kaligtasan ng mga Pilipino—kapwa ng mga tripulante at mananakay,” ayon kay Paragua. Sa katunayan, ang Pilipinas ang may pinakamalaking bilang ng ferry fatality sa buong mundo.
Sa halip na komprehensibong tugunan ang mga isyu sa mga barko at modang ito ng transportasyon, pinuna ng NDF-Palawan ang puro palyatibo na mga solusyon at inutil na pagtugon ng gubyerno. Karaniwan na lamang itong tumutugon kapag naganap na ang mga aksidente o sakuna.
“Nakikiisa kami sa panawagan ng imbestigasyon sa pangyayari at pagpapabilis ng paghahanap at pagreskyu sa mga nawawala,” ayon kay Paragua. Kasabay nito, nanawagan siya sa mga kaanak ng biktima at nakaligtas na singilin ang rehimeng US-Marcos II at mga nagdaang rehimen sa kapabayaan at kabiguang tiyakin ang dekalidad at abot-kayang serbisyo sa transportasyon ang mga Pilipino.
The post Imbestigasyon at pananagutan, hiling ng kaanak ng mga biktima ng nasunog na M/V June Aster appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

