Naglunsad ng kontra-ambus at operasyong haras ang Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Leyte Island (Mt. Amandewin Command) laban sa nag-ooperasyong tropa ng 93rd IB sa Baybay City, Leyte noong nakaraang linggo. Hindi bababa sa apat na pasistang sundalo ang napatay habang mayroon pang mga nasugatan.
Noong Setyembre 8, inilunsad ng BHB ang kontra-ambus laban sa mga sundalo sa Barangay Caridad. Ayon sa BHB-Leyte Island, naunang nakapagpaputok ang kanilang yunit laban sa 93rd IB bandang alas-4:40 ng hapon. Isang sundalo ang kumpirmadong napatay sa labanan.
Samantala, namartir habang lumalaban at nagtatanggol si Erwin Maceda (Ka Romnik). Si Maceda ay nagmula sa Silvino Lobos, Northern Samar at ilang taon na naglingkod sa BHB sa rehiyon. “Lubos namin siyang ikinararangal at pinasasalamatan sa kanyang magiting at di-makasariling pagsisilbi sa rebolusyon at sa masang api,” pahayag ni Ka Dodong Malaya, tagapagsalita ng BHB-Leyte Island.
Pinasinungalingan ni Malaya ang pahayag ng 93rd IB na isang M16 ang nakumpiska kay Maceda. Wala rin umanong katotohanan na isinagawa ng 93rd IB ang operasyon batay sa “tip o impormasyon” ng mga residente sa lugar.
Ang tropang militar ay bahagi ng isang mas malawak na focused and sustained military operations (FSMO) na nagpapakilos sa daan-daang tropang militar mula pa Mayo, aniya. Saklaw ng operasyon ang mga barangay ng Baybay City, Ormoc City, Burauen, na idineklara nang nasa kategoryang stable internal peace and security o SIPS, at mga bayan ng Albuera, Carigara at Jaro.
Noong Setembre 10, nakapaglunsad ng operasyong haras ang BHB laban sa parehong yunit ng 93rd IB sa Barangay Caridad. Nakadikit at nakapagpaputok sa lapit na 10 metro ang mga Pulang mandirigma na nagresulta sa pagkatamatay ng tatlong sundalo. Ayon kay Malaya, ang atritibong aksyon ay pagbigo nila sa operasyong pagtugis ng 93rd IB kasunod ng kontra-ambus noong Setyembre 8.
Itinago at itinanggi ng 93rd IB ang kanilang pagkatalo. Kabi-kabila rin ang pagsisikap ng 8th ID, nag-ooperasyong dibisyon sa Eastern Visayas, na maliitin at baliwalain ang naganap na mga armadong sagupaan laluna at maraming bayan sa Leyte ang idineklarang SIPS.
“Patuloy na magpupunyagi ang BHB sa Isla ng Leyte sa landas ng digmang bayan, sa ngalan ni Ka Romnik at lahat ng martir ng rebolusyong Pilipino, at sa ngalan ng malawak na mamamayan na patuloy na naghihirap sa ilalim ng bulok na sistema,” pahayag ni Malaya.
The post Kontra-ambus, operasyong haras, inilunsad ng BHB-Leyte Island laban sa 93rd IB appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

