Nakalaya noong Setyembre 12 ang limang paralegal na inaresto ng Philippine National Police (PNP) sa protesta kontra Luzon Economic Corridor (LEC) noong Setyembre 10 sa Bonifacio Global City sa Taguig City. Nakapagpyansa ang mga inaresto na sinampahan ng mga kasong alarms and scandal, resistance and disobedience, direct assault, at tumults and disturbances of public order.
Ang mga inaresto ay sina Daya Juliano, Mara Peralta, Jona Yang, Kenneth Castor, at RC Placido. Sina Peralta, Yang at Castor ay dinampot matapos ang pagbuwag sa protesta. Samantala, sina Juliano at Placido ay inaresto nang rumesponde sa tatlo sa Tuktukan Taguig City Police Station. Kahit abugado ng mga hinuli ay pinagbantaan din ng pag-aresto.
Umabot sa ₱60,000 ang pyansa ng kada isang inaresto. Haharap sila sa Taguig Regional Trial Court para sa susunod na mga pagdinig kaugnay ng kaso.
Nauna nang kinundena ng Karapatan at Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) ang mga pag-aresto at panunupil sa protesta. Maliban sa mga ikinulong, hindi bababa sa 27 indibidwal ang nasugatan sa pandarahas ng mga pulis. Samantala, tatlong inidibidwal pa ang sasampahan ng kaso ng mga pulis kaugnay ng protesta kabilang ang tagapangulo ng Bayan na si Teddy Casiño.
Ayon Karapatan, ang artbitraryong pag-aresto ay lubhang paglabag sa karapatang-tao laluna sa harap ng mainit na usapin ng LEC at kaugnay nitong Pax Silica economic security zone. Ang taktika ng panunupil ay tinawag ng Bayan na “ala-batas militar.”
Sa paglaya ng limang ikinulong, nagpaabot ng pasasalamat ang mga progresibong grupo sa lahat ng tumulong at nakiisa. “Maraming salamat sa lahat ng sumuporta, nanawagan para sa paglaya, at nag-ambagan para sa piyansa. Karapatan ng mamamayan ang magprotesta!” ayon sa Karapatan.
Nanawagan naman ang Bayan sa publiko na biguin ang pambubusal at panunupil ng rehimeng Marcos. Anito, tiyak na mabibigo ng pagkakaisa ng sambayanang Pilipino ang pasistang mga hakbang ng rehimeng Marcos sa patuloy na paglaban sa dayuhang paghahari, korapsyon at pyudal na pagsasamnatala sa bansa.
The post 5 inaresto sa protesta kontra LEC, nakalaya matapos magpyansa appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

