Lumahok sa karaban-protesta noong Setyembre 11 ang daan-daang patriyotiko at demokratikong pwersang bahagi ng Network Opposed to Pax Silica (NO to Pax Silica) patungong Tarlac para batikusin ang itatayong economic special zone (ESZ) sa ilalim ng inisyatibang Pax Silica. Kasama rin nilang kinundena ang iba pang mga balak na proyekto sa balangkas ng maka-imperyalistang Luzon Economic Corridor (LEC).

Ang karaban ay itinaon ng mga grupo sa ikalawang araw ng pagpupulong ng LEC Investment Forum na inisponsor ng US Trade and Development Agency (USTDA). Ang mga delegado ng porum ay nagtungo sa Central Luzon para bumisita sa mga lokasyon na binabalak gamitin at pagtayuan ng mga proyekto sa ilalim ng LEC. Noong Setyembre 10, binulabog ng protesta ng mga grupo ang LEC porum sa Bonifacio Global City sa Taguig City.

Mula sa Metro Manila, hindi bababa sa 60 sasakyan ang lumahok sa karaban patungong Angeles City, Pampanga. Sinalubong sila ng may 600 pwersa ng Central Luzon kung saan nanguna ang mga katutubong Ayta at magsasaka ng Capas, Tarlac na mismong nanganganib mawalan ng lupang ninuno, tahanan, kabuhayan, kasaysayan, at kinabukasan dahil sa Pax Silica ESZ.

Naglunsad sila ng programa sa harap ng dating Clark Air Base sa loob ng Clark Freeport Zone sa Angeles City. Matapos ang aktibidad ay nagtungo ang mahigit 1,000 pwersa sa bayan ng Capas sa Tarlac kung saan nagpiket sila sa harap ng Bases Conversion and Development Authority (BCDA). Ang ahensya ang pangunahing mangangasiwa sa pagtatayo ng Pax Silica ESZ.

Bilang pagsasara sa karaban, inilunsad ang isang kultural na programa sa Barangay Sta. Lucia. Isinagawa nila ang isang community dance na pinangunahan ng mga Ayta para ipahayag ang malakas at mahigpit na pagkakaisa.

Kabilang sa mga nagsalita at nanindigan na lider-Ayta sina Belarde Bacani, isang Ayta-Magindi mula sa panrehiyong grupo ng mga Ayta na Mansaway. Dumalo rin si Casamira Capiz Maniego, isang Ayta-Hungey elder ng Capas, at si Ka Nelson, isang Ayta-Magantsi Elder ng Sityo Kalangitan.

“Ang Pax Silica at ESZ ay malinaw na nakasasama sa ating mamamayan at sa kapaligiran. Layunin ng US na kumita mula sa mga proyektong ito upang pagsilbihan ang mga interes nito sa ekonomya at militar sa Pilipinas at sa rehiyon ng Asia,” ayon kay Cathleen De Guzman, convenor ng NO to Pax Silica.

Ayon sa Bagong Alyansang Makabayan (Bayan), grupong bahagi ng NO to Pax Silica, paghahanda rin ng US ang ESZ at LEC sa gera. Nagbabala ang grupo na kakaladkarin nito ang mga Pilipino sa kaguluhan dahil sa mga base militar na kanilang itinatayo, mga kagamitang pandigma na nilalagak sa bansa, at industrial hub na ang layunin ay pagsilbihan ang operasyong militar ng US.

“Ayaw ng sambayanang Pilipino ang Pax Silica sa bansa. Dapat nating ipagtanggol ang ating pambansang soberanya at patrimonya at tiyakin na ang mamamayan ang nananatiling nasa unahan ng kaunlaran—hindi mga dayuhang korporasyon at pribadong kapital,” dagdag ni De Guzman.

The post Daan-daang Pilipino, nagkaraban tungong Tarlac para kontrahin ang Pax Silica appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.