Nagprotesta sa harap ng Department of Justice noong Setyembre 9 ang grupong Umaddang Cagayan Valley Para ti Karbengan Network upang kundenahin ang pagsasampa ng gawa-gawang kaso na Terrorism Financing laban sa 11 aktibista mula sa Cagayan Valley. Kasama sa protesta ang mga aktibista mula sa Southern Tagalog.

Nanawagan ang mga grupo para sa agarang pagbasura sa Anti-Terrorism Act of 2020 and the Terrorism Financing Prevention and Suppression Act of 2012.

Sa isang liham na ipinadala sa Korte Suprema, hinimok nila ang mataas na hukuman na “suriin ang pagiging alinsunod sa konstitusyon at ang aktwal na pagpapatupad” ng dalawang batas, sa gitna ng inilalarawan nilang dumaraming kaso laban sa mga indibidwal at organisasyong may lehitimong adbokasiya at nagbibigay ng serbisyo sa mahihirap na komunidad.

Anim sa mga kinasuhang aktibista ay nakatanggap kamakailan lamang ng subpoena: sina Renato Gameng ng Danggayan Dagiti Mannalon iti Isabela (DAGAMI); si Nelson Escalante, coordinator ng Bayan Muna Cagayan Valley; si Anne Pascual, program assistant ng National Council of Churches in the Philippines; si Jhames Paredes, regional coordinator ng Kabataan Partylist Cagayan Valley; si Marifel Macalanda, coordinator ng Punganay Cagayan Valley; at si Walter Villegas, regional coordinator ng Kabataan Partylist.

Kabilang sila sa limang aktibista na una nang sinampahan ng parehong reklamong Finance Terrrorism noong Enero 2025, na sina Isabelo Adviento, dating ikaapat na nominado ng Anakpawis Partylist; Agnes Mesina, regional coordinator ng Makabayan Cagayan Valley; Cita Managuelod, miyembro ng National Council ng KMP; Jackie Valencia, miyembro ng National Council ng Karapatan; at si Deo Montesclaros, community journalist ng Pinoy Weekly.

Ayon sa Karapatan Cagayan Valley, ang mga isinampang kaso ay batay sa gawa-gawang salaysay ng mga nagpapakilala bilang mga dating rebelde. Anito, nagbigay ng mga suplay tulad ng bigas, ang mga aktibista sa mga miyembro ng rebolusyonaryong kilusan sa loob ng isang diumano’y kampo noong 2019.

Ani ng grupo, ipinakikita ng kasong isinampa laban sa 11 progresibong lider sa rehiyon kung paano patuloy na ginagamit ng rehimeng US-Marcos at NTF-Elcac ang batas bilang sandata upang patahimikin ang mga nagtatanggil sa mga magsasaka, manggagawa, kabataan, katutubo, at mga residenteng nagtatanggol sa kanilang lupain at kabuhayan.

The post Pagsampa ng gawa-gawang kasong terrorism financing laban sa mga aktibista sa Cagayan Valley, kinundena appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.