Kinundena ng mga residente ng Barangay Sangat at Bentuco sa bayan ng Gubat at Barangay San Pascual sa bayan ng Casiguran ang planong pagtatayo ng sanitary landfill ng lokal na gubyerno ng Sorsogon sa kanilang komunidad.
Noong Setyembre 10, naglunsad ng public consultation ang Provincial Legal Office ng Pamahalaang Panlalawigan ng Sorsogon sa San Pascual Covered Court na dinaluhan ng mga residente mula sa barangay San Pascual, Burgos at Casay at gayundin ng mga kawani ng lokal na pamahalaang bayan ng Casiguran.
Nakatakda ring magsagawa ng public consultation sa barangay Bentuco at Sangat sa susunod na mga araw.
Nagpahayag ng pagkundena sa social media ang mga residente hinggil sa planong landfill. Anila, malaki ang magiging epekto nito sa kanilang komunidad, kalusugan, kapaligiran, hanapbuhay, pinagkukunan ng malinis na tubig, ilog at likas na yaman.

Ang mga residente sa maapektuhang barangay ay umaasa sa pagtatanim ng palay at pagkokopras.
“Kung magkakaroon ng sanitary landfill (San Pascual) hindi lang polusyon sa hangin ang apektado, pati yung mga tubig sa sapa, batis at ilog na ginagamit sa pang-inom nga mga tao at hayop. Dito din kumukuha ng patubig sa mga sakahan, paano kung maging contaminated na? Paano na ang mga magsasaka…in the long run baka pati daloy ng kontaminasyon umabot sa dagat mula sa ilog sa San Pascual, paano na ang mga mangingisda?” pag-aalala ni Zaharha, residente ng San Pascual.
“Hindi kaunlaran ang magdala ng basura sa aming lugar. Ang gusto namin malinis na tubig at hangin, at ligtas na kinabukasan para sa mga bata. Ang aming barangay ay agrikultural, hindi barusahan!” galit na pahayag ni Noime ng Sangat.
The post Planong sanitary landfill sa Sorsogon, kinundena ng mga residente appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

