Napapanahong alalahanin si Heneral Macario Sakay sa ika-119 taon ng kanyang pagbubuwis ng buhay para sa sambayanang Pilipino. Madalas siyang itinuturing na limot na bayani at maaalala lamang sa itsura na heneral na may mahabang buhok. Ngunit higit pa sa karaniwang pag-alaala, siya ang nagsilbing huling Katipunero matapos ang Rebolusyong 1896, ang kanyang napakahalagang ambag sa nagpapatuloy na pakikibaka ng bansang Pilipinas laban sa mananakop. Matapos agawin ng mga taksil ang tagumpay ng Katipunan noong 1898 at kalaunan ay ipinatupad ang Batas sa Sedisyon, muling nag-armas si Sakay kasama ang iba pang dating Katipunero para labanan, ipagpatuloy at pamunuan ang digmaan sa bagong mananakop na Amerikano.
Makasaysayan para sa Timog Katagalugan ang rebolusyonaryong paglaban ni Sakay kung saan mula 1902-1906, nakapagpatatag siya sa mga kabundukan ng Laguna at dito nagsagawa ng pakikibakang gerilya laban sa Amerika. Ang kanyang mayor na operasyon ng digma ay ang mga probinsya ng Rizal, Batangas, Laguna at Cavite. Ininda ang kanilang mga aksyong opensiba, humantong ang mga tropang Amerikano sa pagsasagawa ng hamletting sa mga lugar na tinatayang may malakas na suporta kay Sakay.
Inspirasyon natin sa panahong ito ang kagitingan at katapangan ni Heneral Macario Sakay at ng iba pang tulad nina Julian Montalan at Cornelio Felizardo, mga opisyal ng Republika ng Katagalugan na namuno sa mga reyd at labanan sa tropang Amerikano sa kanilang panahon. Hindi basta lamang nagpahaba ng buhok ang mga huling gerilya ng Katipunan, simbolikong panata nila itong hindi magpapagupit hangga’t hindi napapalayas ang Amerika para makamit ang tunay na kalayaan.
Abot langit ang kanilang pagmamahal sa bayan, sukdulang ialay ang kaisa-isang buhay. Nakatala sa Manipesto ng Republikang Katagalugan, na isinulat nina Sakay sa isang pagpupulong sa bundok ng Cristobal sa hangganan ng Laguna at Quezon ang dikretong sinumang mapatunayang nagkakandili sa bansang Amerika ay ituturing na taksil sa bayang Pilipinas.
Sa kasamaang palad, natalo sina Sakay dahil sa panlilinlang ng mga Amerikano na pag-aalok ng negosasyon para sa “kapayapaan” para sa itatatag na Philippine Assembly na simbolo umano sa paggagawad ng independensya ng bansa. Isang patibong ang tusong inihanda ng mga Amerikano para kay Sakay dahil hinuli siya sa inihandang piging. Sinentensyahan siya ng kamatayan at binitay noong Setyembre 13, 1907. Dito, iniwan niya ang mensaheng, “Ang kamatayan ay humahantong sa lahat anumang oras, kaya kalmado kong haharapin ang Diyos Ama. Ngunit sasabihin ko sainyong hindi kami mga bandido o magnanakaw, kundi mga kasapi ng rebolusyonaryong pwersa na ipinagtanggol ang inang bayan, ang Pilipinas!”
Nakakapanindig-balahibo ang mensahe ni Sakay, at isang katotohanang nagpapatuloy hanggang ngayon—na ang mga rebolusyonaryo ay pinaparatangang mga bandido, magnanakaw at ngayon ay mga terorista sa harap ng taos pusong paglilingkod sa bayan para kamtin ang tunay na kalayaan at demokrasya. Magmula pa noon, ang kuko ng imperyalismong US ay patuloy na nakabaon sa Pilipinas, saklot ang kasarinlan ng bansa.
Lalo itong ramdam na ramdam sa panahon ng rehimeng US-Marcos II kung saan ginagamit ni Donald Trump na piyon ang bansa para sa iniuudyok nitong gera sa China at buong Asia-Pacific. Bukas-kamay naman itong tinanggap ni Marcos Jr. sa pagpapahintulot ng mga war exercises at pagtatayo ng permanenteng base at pasilidad militar ng US sa buong bansa. Atat-na-atat na ang Amerika sa gera sa Asia Pacific lalo at nagtatagal at natatalo na ang mga nauna nitong proxy war sa Ukraine at Russia, Israel at Palestine, at pinakahuli ay ang pag-atake sa Iran.
At para ialay na parang regalo ang bansang Pilipinas sa altar ng demonyong US, walang pagsasaalang-alang na inilabas ng Malacañang noong Agosto ang EO 122 na naglalako ng likas na yamang metallic sa mga dayuhang negosyo. Ang EO 122 ay karugtong ng plano ng US na itatayong Pax Silica hub sa Tarlac at ng US-Philippines Critical Minerals Memorandum of Agreement na pinirmahan noong Pebrero.
Walang duda na higit na babangis ang atake at panunupil sa mamamayan para ipilit ang mga kaakibat na negosyo at proyekto na laman ng kautusan at kasunduang ito. Walang sasantuhin ang pasistang tropa ni Bongbong Marcos Jr. sukdulang palayasin at pawiin ang buo-buong komunidad ng magsasaka, katutubo at residenteng maaapektuhan.
Ang ganitong kalagayan ang patunay na higit ngayong kailangan ang matagalang digmang bayan sa bansa para ipagtanggol ang kasarinlan ng Pilipinas. Walang ibang sagot sa pasismo na hatid ng panghihimasok at pandarambong ng imperyalismong US kundi ang armadong paglaban ng sambayanang Pilipino.
Sa makabagong panahon, ito ang tungkulin ng sinumang Pilipino na nagmamahal sa kalayaan ng bansa, ang kumawala sa pagkakasaklot ng kuko ng imperyalismong US at iba pang magtatangkang yumurak sa kasarinlan ng Pilipinas sa pamamagitan ng armadong pag-aaklas.
The post Gunitain ang kabayanihan ni Heneral Macario Sakay, Ubos-kayang magrebolusyon upang makalaya sa imperyalismong US! appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

