Naglunsad ng kontra-ambus ang isang tim ng Bagong Hukbong Bayan-Mt. Amandewin Command laban sa nag-ooperasyong tropa ng 93rd Infantry Battalion sa Barangay Caridad, Baybay City, Leyte noong Setyembre 8 bandang alas-4:40 ng hapon. Naunang nakapagpaputok ang yunit ng BHB kung saan isang pasistang tropa sa hanay ng rehimeng US-Marcos ang napatay.
Sa proseso ng labanan ay nag-alay ng buhay ang Pulang mandirigma na si Erwin Maceda (Ka Romnik). Tubong Silvino Lobos, Northern Samar, buong puso niyang tinanggap ang mga hamon ng deployment at pagsusulong ng rebolusyonaryong armadong pakikibaka. Lubos namin siyang ikinararangal at pinasasalamatan sa kanyang magiting at di-makasariling pagsisilbi sa rebolusyon at sa masang api. Ipinapaabot namin ang aming pakikidalamhati sa kanyang mga mahal sa buhay.
Hindi totoong nagsagawa ang militar ng operasyon batay sa “nakuha nilang text” mula sa mga residente. Ang totoo, ang operasyong kombat ng mga tropang sinalakay ng yunit nina Ka Romnik ay bahagi ng isang malawakang focused and sustained military operations (FSMO) mula pa noong Mayo. Bukod sa Baybay City, isinasaklaw rin nito ang mga baryo sa Ormoc City, Burauen, Albuera, Carigara at Jaro. Ito ay kahit na nauna nang idineklarang “stable internal peace and security” ang Baybay, Ormoc, at Burauen. Walang tigil ang pagbabanta sa mga sibilyan, paglabag sa kanilang mga karapatan at kalayaan, at pagyurak sa internasyunal na makataong batas.
Pinagbabawalan ang masang magsasaka na tumungo sa bukid; kung pahintulutan man ito ay ipinagbabawal ang pagdadala ng bigas na pangkonsumo. Sa iba namang baryo ay inoobliga silang kumuha ng papeles o permiso mula sa barangay para makatungo sa sakahan. Kung naroon na sila ay pinauuwi sila ng mga dayong sundalong nag-ooperasyon. Pinagbabawalan din ang maliliit na negosyante sa baryo na magbenta ng bigas nang nakasako. Sa Albuera, hanggang tatlong kilong bigas lang ang pwedeng bilhin sa mga tindahan sa loob ng baryo.
Noong Agosto, isang magsasaka sa bukiring bahagi ng Burauen ang nakasalubong ng mga nag-ooperasyong pasista at hanggang ngayon ay hindi pa nakauuwi sa kanyang pamilya. Patuloy pang ibineberipika ang kanyang pagkatao. Sa parehong bayan, walang tigil din na hinaharas ng militar ang mga kaanak ng mga pinagdududahang may kaugnayan sa rebolusyonaryong armadong kilusan. Ang ganitong panggigipit ay karaniwang humahantong sa sapilitang pagpapasuko ng mga inosenteng sibilyan.
Pilit namang pinagtatakpan ng militar ang isinagawang kontra-ambus ng BHB. Nagmadali silang magsagawa ng “pulong-pulong” sa mga residente ng Barangay Caridad para ipagpilitan ang kasinungalingan na nireyd umano nila ang mga Pulang mandirigma. Itinatago rin nila ang pagkamatay ng mismong kasamahan nila.
Patuloy na magpupunyagi ang BHB sa Isla ng Leyte sa landas ng digmang bayan, sa ngalan ni Ka Romnik at lahat ng martir ng rebolusyong Pilipino, at sa ngalan ng malawak na mamamayan na patuloy na naghihirap sa ilalim ng bulok na sistema.
Mabuhay at Pulang saludo kay Kasamang Romnik!
Ipaglaban ang karapatang pantao, isulong ang rebolusyonaryong hustisya para sa mga biktima ng pasistang estado!
The post Hinggil sa Setyembre 8 na kontra-ambus ng BHB sa Baybay, Leyte appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

