Binatikos ng Computer Professionals’ Union (CPU), grupong nagtatanggol ng digital rights, ang panukala ng Department of Information and Communications Technology (DICT) na gawing rekisito ang Philippine National ID para sa mga akawnt sa Meta (kumpanya ng Facebook, WhatsApp at Instragram) at iba pang social media platform. Tinawag nito ang pakana na “nakababahala at labis na mapanghimasok sa karapatan ng mamamayan sa digital rights.”
Ayon sa CPU, hindi kaligtasan ang idudulot ng panukala kundi paniniil sa batayang mga karapatan at kalayaan ng mamamayan, kabilang ang mga bata.
“(A)ng mapaniil na hakbang na ito ay malinaw at direktang pag-atake sa batayang karapatang-tao sa pribasya nang walang anumang lehitimong batayan na mapuprotektahan tayo nito sa krimen, o mapuprotektahan ang ating kabataan mula sa kultura ng karahasan,” saad ng grupo sa isang pahayag.
Anito, inaalis ng pagtatakda ng identification card ng pamahalaan bilang rekisito para gumamit ng social media at mga apps pang-komunikasyon ang karapatan ng mamamayan sa anonymity (manatiling hindi kilala). Pipigilan nito ang malayang pagpapahayag at naglalatag ng pundasyon para sa malawakang sarbeylans na ginagamit na ngayon ng estado laban sa mga bumabatikos sa mga patakaran nito.
Binatikos din ng mga grupo ang pagwawasiwas ng estado sa kunwa’y mga social media apps na “unmonitored” o di nasusubaybayan tulad ng Discord upang bigyan-katwiran ang patakaran.
Ayon sa grupo, pagpapanggap lamang ang estado na nagbibigay proteksyon sa kabataan sa pagtutulak na gawing sapilitan o mandatory ang paggamit ng government-issued ID bago makagamit ng mga social media platform. Ang totoo, paraan lamang ito para lumikom ng dagdag na pribadong datos. Binigyang-diin din ng grupo na ang SIM Registration Law na ipinasa sa simula ng rehimeng Marcos Jr ay paulit-ulit nang napatunayang walang silbi.
Iginiit ng grupo ang pagbabasura ng patakarang ito at sa halip ay bigyan-pansin ang pagbibigay ng mental health services, digital literacy, at iba pang serbisyong panlipunan.
“Ang tunay na proteksyon at pagpapalakas ay nagmumula sa pagtugon sa mga pangunahing dahilan: malaking pondo para sa mga serbisyo sa mental health, pagpapasok ng mga komprehensibong programa sa digital literacy sa ating sistemang edukasyon upang malaman ng mga bata kung paano gumamit ng internet nang ligtas…para maiwasan ang totoong karahasan sa tunay na mundo,” anito.
Nanawagan ang CPU sa publiko na huwag hayaang isangkalan ng rehimen ang mga batayang demokratikong karapatan para lamang sa ilusyon ng seguridad.
The post Pakanang gawing rekisito ang ID sa social media, binatikos appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

