Huwag sisihin ang malakas na pag-ulan dahil may mas malaking kasalanan ang palpak na pamahalaan.

Ilang beses na bang nagkaroon ng suspensiyon sa klase dahil sa malakas na pag-ulan?

Mula sa personal na karanasan, nagsimula na ang klase sa Unibersidad ng Pilipinas (UP) at Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas (PUP) noong Agosto pero isang beses pa lang naisasagawa ang face-to-face (F2F) na klase sa isang kurso. Dalawang beses o higit pa sa iba pang kurso pero siyempre’y mas madalas ang asynchronous at synchronous (online) na mga sesyon.

At sa mangilan-ngilang pagkakataong may F2F na klase, may mga estudyanteng nale-late o lumiliban. Nahihirapang bumiyahe papuntang kampus, binabaha ang lugar o nagkakasakit dahil naulanan—mahaba pa ang listahan ng mga paliwanag. Malinaw na nahihirapan ang marami, lalo na ang mga kapos sa buhay!

Kumusta naman ang kalagayan ng anak na nag-aaral sa UP Integrated School (UPIS)? Habang sinusulat ito, hindi pa siya nakakapaglaro ng table tennis dahil parating suspendido ang F2F na klase sa mismong araw ng Physical Education (PE). Hindi man sayang ang mga biniling paddle at bola, nakalulungkot lang na hindi pa niya nagagamit ang mga ito.

Siyempre’y higit na nakalulungkot ang dumaraming araw ng “bakasyon” ng mga estudyante. Hindi kailangang maging guro para malamang iba pa rin kung nagpupunta ang kabataan sa apat na sulok ng silid-aralan. Ang mga sesyong asynchronous at synchronous (online) ay maraming limitasyon.

Sino ba ang nagsabing lahat ng guro’t estudyante’y may magandang koneksiyon sa internet? At kahit na may koneksiyon sa internet, hindi ba’t kadalasa’y napipilitang mag-off ng kamera para makatipid sa bandwidth at para hindi ma-disconnect kung mahina ang signal?

Kung walang F2F na klase, tandaan ding napakalimitado ng interaksiyon ng mga guro’t estudyante, pati na rin sa pagitan ng mga mismong estudyante. Iba pa rin ang pisikal na pakikipag-usap sa guro’t kaklase lalo na kung kailangang maglinaw sa mahahalagang paksa. Mas epektibo rin ang malayang talakayan kung harapan ang diskusyon sa halip na gumagamit lang ng kompyuter.

Ang problema lang sa ilang mga nasa kapangyarihan sa pamahalaan at maging sa loob mismo ng maraming paaralan, tinitingnan ang asynchronous at synchronous (online) na pag-aaral bilang kapalit ng F2F. Bakit hindi na lang daw kasi ipatupad nang malawakan ang programang “open university” (OU) na ginagawa sa UP at PUP? Hindi ba’t mas mainam ito para hindi na mangailangan ng maraming silid-aralan?

Totoo namang may mga programang OU pero limitado ang mga disiplinang puwedeng ipaloob. Halimbawa, kung kailangan ng mga kursong may laboratoryo para epektibong maituro ang kakayahan at kaalaman, imposibleng magturo nang walang F2F na mga sesyon.

Tandaan ding ang distance learning na batayan ng mga programang OU ay depende sa kakayahan ng estudyanteng makapag-aral nang mag-isa at makapasa sa mga eksaminasyong kailangang kunin sa loob ng isang semestre.

Kung ang isang estudyante ay mula sa mahirap na pamilya at marami siyang responsibilidad para alagaan ang mga mahal sa buhay, halos gayundin ang mga problema niya sa pagbabalanse ng buhay-estudyante at ang sariling pakikibaka.

Sa madalilng salita, palpak ang anumang programang hindi nakapagbibigay ng “enabling environment” para sa pamilyang masiguradong nakatutok ang mga anak sa pag-aaral.

Napakaraming halimbawa ng mahirap na kalagayan ng pamilyang Pilipino. Mababang sahod ng mga magulang, problemadong transportasyon lalo na kung rush hour, binabahang mga kalsada kahit sa kaunting pag-ulan, biglaang desisyon ng pamahalaan sa suspensiyon ng mga klase, maliliit na silid-aralang nagsisiksikan ang mga estudyante—sadyang malaking kalamidad ang mismong sistema ng edukasyon.

Nakababahala lang na posibleng gamitin ng mga nasa kapangyarihan ang masamang panahon ngayon para unti-unting bawasan o tuluyang tanggalin ang mga F2F na klase para sa isang asynchronous at synchronous (online) na kaayusan sa mga paaralan.

Sa konteksto nga naman ang pambansang badyet, nangangahulugan ito ng mas maliit na alokasyon sa pagpapatayo ng mga silid-aralan at iba pang kinakailangang pasilidad sa mga paaralan. At siyempre’y ibebenta ito sa publiko sa pamamaraang hindi na kailangang lumabas nang bahay para matuto. At mas siyempre’y hindi na kailangang tugunan ng pamahalaan ang mga problema sa limitadong transportasyon at binabahang lansangan.

Walang laptop o anumang gadget? Walang magandang koneksiyon sa internet? “Magtrabaho po kayo nang maigi para makabili ng mga kinakailangan! Hindi lahat ay dapat iasa sa gobyerno!” malamang na bagong iskrip ng mga nasa kapangyarihan.

Ilang beses na bang walang F2F na klase nitong mga nakaraang linggo? Huwag sisihin ang malakas na pag-ulan dahil may mas malaking kasalanan ang palpak na pamahalaan. Labanan ang anumang planong ikondisyon ang isip ng publiko hinggil sa nararapat na edukasyon ng kabataan.

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa https://risingsun.dannyarao.com/

The post F2F appeared first on Bulatlat.


From Bulatlat via This RSS Feed.