By Rev. Mary Grace E. Magsegman, PCPR

Sirach 27:30—28:7
Psalm 103:1-2, 3-4, 9-10, 11-12
Romans 14:7-9
Matthew 18:21-35

Simulan natin ang pagninilay sa tanong ni Pedro kay Hesus: “Panginoon, ilang beses ko po ba dapat patawarin ang aking kapatid na nagkakasala sa akin? Hanggang pitong beses po ba?” Sa kultura at tradisyon noong panahon na iyon, ang magpatawad ng tatlong beses ay itinuturing nang higit pa sa sapat. Kaya naman sa pag-aalok ni Pedro ng pitong beses, akala niya ay napakarami at napakarangal na ng kanyang mungkahi. Ngunit pinalawak ni Hesus ang hangganan ng pag-unawa ng tao. Sinagot niya ito ng, “Hindi ko sinasabing hanggang pitong beses, kundi hanggang pitumpung ulit na pitong beses.” Sa madaling salita, walang bilang, walang hangganan, at walang katapusan.

Upang mas lalong maunawaan ni Pedro at ng mga alagad, isinalaysay ni Hesus ang talinghaga ng isang hari na nag-audit ng kanyang mga account. May isang alipin na dinala sa kanya na may utang na sampung libong talento—isang napakalaking halaga na sa kasalukuyang panahon ay katumbas ng bilyun-bilyong piso, isang utang na imposibleng mabayaran ng isang karaniwang manggagawa sa buong buhay niya. Dahil walang maipambayad, iniutos ng hari na ipagbili siya, ang kanyang asawa, mga anak, at lahat ng kanyang ari-arian. Ngunit nagpatirapa ang alipin, nakiusap, at humingi ng palugit. Naawa ang hari, hindi lamang siya binigyan ng palugit, kundi tuluyan nang pinatawad ang kanyang napakalaking utang.

Subalit, pagkalabas ng aliping iyon, nakatagpo niya ang isang kapwa alipin na may utang sa kanya na isandaang denaryo lamang—isang maliit na halaga na katumbas ng ilang buwang suweldo lamang. Sinakal niya ito at sinabing, “Bayaran mo ang utang mo!” Nagpatirapa rin ang kanyang kapwa alipin at nakiusap ng katulad na mga salita: “Bigyan mo pa ako ng panahon at babayaran kita.” Ngunit hindi siya nakinig. Sa halip, ipinakulong niya ito hanggang sa makabayad. Nang malaman ito ng hari, nagalit ito nang husto, tinawag siyang aliping masama, at ibinigay sa mga tagapagpahirap hanggang sa mabayaran ang lahat ng kanyang utang. At nagwakas si Hesus sa babala: “Ganito rin ang gagawin sa inyo ng aking Ama na nasa langit kung hindi ninyo patatawarin nang buong puso ang inyong mga kapatid.”

Kung susuriin natin ang talinghagang ito sa konteksto ng ating bansa ngayon, makikita natin ang isang malinaw at masakit na repleksyon ng ating lipunan. Ang unang alipin ay sumasagisag sa mga taong nabiyayaan ng malaking kapatawaran, pribilehiyo, at kapangyarihan, ngunit naging maramot at malupit sa mga mas maliliit sa kanila. Sa ating lipunan, madalas nating makita ang ganitong estruktura. May mga makapangyarihan at mayayaman na kapag nagkasala sa batas o nagkaroon ng malalaking pananagutan sa bayan—gaya ng korapsyon, plunder, o pag-abuso sa posisyon—ay tila madaling nakalulusot. Nakakakuha sila ng mga pardon, piyansa, hospital arrest, o technicality na nagpapalaya sa kanila sa kanilang bilyun-biling utang sa taumbayan. Sila ang mga pinatawad o pinagbigyan ng sistema.

Ngunit ano ang nangyayari kapag ang maliit na mamamayan naman ang nagkasala? Kapag ang isang mahirap na ama ay nagnakaw ng isang latang gatas para sa nagugutom niyang anak, o ang isang magsasaka na ipinagtatanggol ang kanyang lupang sinasaka laban sa malalaking korporasyon, ang batas ay mabilis, mabigat, at walang awang ipinapataw sa kanila. Walang palugit, walang “isandaang denaryo” na konsiderasyon. Dito natin makikita ang kawalan ng hustisya at ang kawalan ng habag na tinutukoy sa talinghaga. Ang mga biniyayaan ng kalayaan at kapatawaran ng sistema ang siya pang nagiging instrumento ng pang-aapi sa mga mahihirap.

Bilang mga Kristiyanong sumusunod sa mga halimbawa ng Panginoon, paano natin isasabuhay ang diwang makabayan sa harap ng katotohanang ito? Ang pagiging makabayan ay hindi lamang pagsaludo sa watawat o pag-awit ng Lupang Hinirang. Ang tunay na nasyonalismo ay nag-uugat sa pagmamahal sa kapwa Pilipino, lalo na sa mga nasa laylayan. Sa talinghaga, ang pagkakamali ng unang alipin ay ang hindi niya pagkilala sa kanyang kapwa alipin bilang isang kapatid na nararapat din sa habag na tinanggap niya. Nilimot niya na siya mismo ay biktima lamang ng sarili niyang kahinaan na sinagip ng grasya.

Kapag nakikita natin ang matinding pagkakabahagi sa ating lipunan ngayon—dala ng politika, magkakaibang paniniwala, at fake news—madalas tayong madala sa galit at paghihiganti. Madali nating hilingin ang kapahamakan ng mga taong hindi natin kasundo. Ngunit ipinapaalala sa atin ni Hesus na ang radikal na pagpapatawad ay hindi nangangahulugang pagpikit sa kasamaan, kundi ang pagpili na huwag maging katulad ng mapang-aping sistema. Ang pagpapatawad na itinuturo ng Ebanghelyo ay may kakayahang bumasag ng anumang uri at porma ng karahasan at poot.

Gayunpaman, mahalagang linawin na ang pagpapatawad sa Bibliya ay hindi nangangahulugang kawalan ng pananagutan o hustisya. Sa katunayan, sa katapusan ng talinghaga, ang hari ay nagpataw pa rin ng parusa sa masamang alipin dahil sa kanyang kalupitan. Ang tunay na pagpapatawad ay hindi kailanman kaaway ng hustisya; sila ay magkakambal. Upang magkaroon ng tunay na paghilom ang ating bayan, kailangan may pananagutan. Ang mga nagnakaw sa kaban ng bayan ay kailangang ikulong at magbalik ng ninakaw; ang mga pumatay at umabuso sa karapatang pantao ay kailangang humarap sa korte. Ngunit ang layunin ng hustisyang ito ay hindi upang maghiganti, kundi upang itama ang mali at ibalik ang dignidad ng biktima.

Ang pitumpung ulit na pitong beses na pagpapatawad ay isang panawagan para sa isang radikal na kultura ng habag at malasakit. Kung ilalapat natin ito sa ating bansa, ito ay nangangahulugan ng pagbuo ng mga patakaran at batas na hindi mapang-api. Ibig sabihin nito ay ang paglikha ng isang sistema ng hustisya na pantay-pantay, kung saan ang mahirap at mayaman ay may parehong karapatan at proteksyon. Bilang simbahan at bahagi ng lipunan, tayo ay sinusubok kung paano natin pinapakitunguhan ang mga “isandaang denaryo” ang utang sa atin—ang mga drayber ng dyip na naghahanapbuhay, ang mga tindera sa palengke, ang mga katutubong ipinaglalaban ang kanilang lupang ninuno, at ang mga manggagawang humihingi ng makatarungang sahod. Sila ba ay sinasakal natin at ipinapakulong sa pamamagitan ng ating kawalan ng pakialam, o binibigyan natin sila ng puwang upang mabuhay nang may dangal?

Ang ating pagiging tao ay hindi nasusukat sa kung gaano natin kayang lamangan ang ating kapwa, kundi sa kung paano natin kayang buhatin ang isa’t isa. Ang panawagan sa atin ng Mateo 18:21-35 ay ang maging mga ahente ng kapayapaan, pagkakaisa, at hustisya. Huwag nating hayaan na ang galit at pansariling interes ang maghari sa ating mga puso. Tanggapin natin ang kapatawaran at pagmamahal ng Diyos, at gamitin natin itong lakas upang baguhin ang ating lipunan—mula sa isang lipunang mapangmarahas at makasarili, patungo sa isang bansang makatarungan at nagkakaisa.

Baunin natin ang hamong ito: Ang pagpapatawad ay isang gawain ng isang taong tunay na naglilingkod sa Diyos dahil pinagdurugtong nito ang mga pusong pinaghiwalay ng sugat at galit. At sa pamamagitan lamang ng nagkakaisang puso natin maitataguyod ang isang tunay na malaya at maunlad na lipunan para sa lahat.

Balik-Tanawis a group blog of Promotion of Church People’s Response. The Lectionary Gospel reflection is an invitation for meditation, contemplation, and action. As we nurture our faith by committing ourselves to journey with the people, we also wish to nourish the perspective coming from the point of view of hope and struggle of the people. It is our constant longing that even as crisis intensifies, the faithful will continue to strengthen their commitment to love God and our neighbor by being one with the people in their dreams and aspirations. The Title of the Lectionary Reflection would be Balik –Tanaw , isang PAGNINILAY . It is about looking back (balik) or revisiting the narratives and stories from the Biblical text and seeing, reading, and reflecting on these with the current context (tanaw).

The post Balik-Tanaw | Ang radikal na pagpapatawad at ang hustisyang panlipunan appeared first on Bulatlat.


From Bulatlat via This RSS Feed.