Kasuklam-suklam ang pagbaliktad at pagbasura ng Korte Suprema sa naunang hatol ng Sandiganbayan na maysala si Imelda Marcos sa pitong bilang ng kasong graft noong 2018. Matapos mapagkaisahan ng Korte Suprema ang desisyon noong Hunyo 10, isinapubliko ang pasya nito lamang Setyembre, ilang araw bago ang ika-54 komemorasyon sa Martial Law at ang kaarawan ng diktador na matandang Marcos. Habang “regalo” na ituring ito para sa pamilya Marcos, ang hatol ay hindi ipinagdiriwang bagkus pasakit pa sa sambayanang Pilipino. Pinatunayan nitong hungkag ang hustisya na kumikiling sa naghaharing uri laluna sa paksyong nasa poder. Higit na pinasisidhi nito ang galit ng bayan sa gitna ng grabeng kabulukan ng malakolonyal at malapyudal na estado.
Ang pagbasura ng reaksyunaryong gubyerno sa kaso ni Imelda ay hindi lamang pag-abswelto sa isang dambuhalang magnanakaw kundi pagpapawalang-saysay sa malaon nang panawagan at pakikibaka ng mamamayang Pilipino na papanagutin ang pamilya Marcos at kanilang kroni sa ninakaw-na-yaman na tinatayang aabot sa $10 bilyon. Kung matatandaan, kasama sa ibinaba na hatol ng Sandiganbayan ang aabot sa 77 taong panahon ni Imelda sa kulungan ngunit hindi nangyari dahil pinagbayad lamang siya ng multa.
Sa ganito, kinukumpleto ng mga Marcos ang paglilinis ng kanilang pangalan, sa pamamagitan ng paggamit ng kapangyarihan ng US sa papet na estado para baguhin ang pagkakasulat ng kasaysayan at pangkasaysayang husga ng taumbayan. Malinaw na ito ang kapalit na handog ng imperyalismong US sa sukdulang pagpapakasangkapan ni Marcos upang gamitin ang bansa sa geopulitikal na interes nito sa Indo-Pacific. Kabilang sa mga ito ang mga engrandeng proyektong Pax Silica, Luzon Economic Corridor, pagpapatibay ng EO#122, pagpaparami ng mga base militar sa pamamagitan ng mga EDCA sites at iba pang mga paghahanda para sa nilulutong gyera laban sa karibal nitong Tsina na pawang pagyurak sa pambansang soberanya’t patrimonya ng bansa at sambayanang Pilipino.
Ang paglalabas ng pasya ng Korte Suprema na itinaon sa paggunita ng batas militar sa Setyembre 21 ay pagbubudbod ng asin sa hindi naghihilom na sugat ng mamamayang Pilipino sa mga krimen ng pamilya Marcos noong Martial Law. Ang tinatayang aabot sa $10B na ninakaw na yaman ay tinipon ng pamilya ng diktador at kanilang mga kroni sa pagitan ng 1965-1986, malaking bahagi sa kasagsagan ng Martial Law kung saan pinakamalala ang hagupit ng pasismo sa kasaysayan ng bayan. Inilusot ang hatol ng Korte Suprema sa gitna ng kinakaharap na iskandalo ng korapsyon sa flood control projects (FCP) ng reaksyunaryong gubyerno kung saan si Marcos Jr. ang utak sa pagkamal ng bilyun-bilyong pondo ng bayan at itinuturing na hari ng korapsyon.
Sa likod ng garapalang korapsyong kinahaharap ngayon ng rehimeng Marcos II hindi lamang sa iskandalo ng flood control projects kundi ng iba pang pondong lump sum sa pambansang badyet, ang pag-abswelto kay Imelda Marcos ay dagdag pang silip sa kung paano lulutasin ng gubyernong Marcos ang kasong korapsyon sa FCP at iba pang pondo. Tiyak na gagawing lahat ni Marcos Jr sukdulang makulong ang pinakamalalapit na kaibigan, kamag-anak at kroni nito maiiwas lamang sa sarili ang bunton ng sisi. Katunayan, sa gitna ng laganap pa ring pagbaha isang taon matapos pumutok ang isyu ng korapsyon ng FCP, tila ibinabaon ang tunay na salarin sa paglulutang ng iba pang mga scapegoat na kung tutuusi’y kanilang mga pipitsuging piyon o pang-uusig sa kapwa niya tiwali na si Vice President Sara Duterte para pilit na linisin ang sariling pangalan.
Malinaw sa kasabay ng garapalang pandarambong ni Marcos sa pera ng bayan ang tigas-mukhang panloloko upang makapangunyapit sa poder. Nagpupuyos sa galit ang mamamayang Pilipino sa tahasang pagtataksil sa bayan. Umaalingasaw ang baho ng pamilya Marcos bunsod ng talamak na korapsyon kaya’t walang naniniwala sa maniobra ng Korte Suprema para iabswelto si Imelda sa mga perang ninakaw sa bayan. Malaon na silang nilantad at kung tutuusi’y nakatala na sa kasaysayan ang kanilang pagnanakaw at pagtatampisaw sa marangyang pamumuhay sa gitna ng lugmok na kalagayan ng mga Pilipino. Kinamkam nila ang iba’t ibang lupain sa bansa para sa kanilang aliw at proyektong imprastraktura na daluyan ng korapsyon. Sa Timog Katagalugan, ilan sa mga ito ang Calauit Safari Park na sariling zoo ni Imelda sa isang isla sa Palawan; ang marangyang Palace in the Sky (ngayon People’s Park in the Sky) sa Tagaytay, Cavite; at iba pa.
Tunay ngang isa sa pinakasagad-saring mandarambong, papet at pasista ang burukrata-kapitalistang pamilyang Marcos sa kasaysayan ng Pilipinas. Ang ipinagdiriwang ng mga Marcos na “tagumpay” sa pagmamalinis ay lalong nagpapaalab ng galit ng mamamayang Pilipino na ibayong kumilos para papanagutin ang pamilya Marcos. Sa nalalapit na ika-54 anibersaryo ng Martial Law, lalupang palakasin ang sigaw ng “Never Forget!” at “Hustisya!” para sa krimen ng mga Marcos. Patuloy na usigin ang pamilya Marcos at mga kroni sa kanilang mga krimen at bawiin ang kaban ng bayan. Patuloy na ilantad ang kasinungalingan ng gubyernong Marcos. Puspusang isagawa ang gawaing pagmumulat, pag-oorganisa at pagpapakilos at ibayong konsolidahin ang hanay para itutok ang mga pwersa sa paksyong Marcos. Inabswelto man ng reaksyunaryong korte, malinaw na nakatala sa Hukumang Bayan ang mga kaso ni Imelda, ng kanyang pamilya at lahat ng magnanakaw, kriminal at taksil sa bayan. Sa takdang panahon, sisingilin sila sa kanilang pananagutan.
Ang bulok na gubyerno ng estadong malakolonyal at malapyudal ang lalong nagtutulak sa sambayanang Pilipino na maghanap ng ibang solusyon at sumalig sa pambansa demokratikong rebolusyon. Ang hustisya na hinahangad ng mamamayan ay makakamit lamang sa isang gubyernong tunay na naglilingkod sa interes ng mayorya ng mamamayan, ang inaapi at pinagsasamantalahan. Sa paglakas at tagumpay ng rebolusyon, nakatitiyak ang sambayanang Pilipino sa isang gubyernong bayan na magtatanggol para sa tunay na kalayaan at demokrasya.
The post Pagbasura sa mga kasong korapsyon ni Imelda, kataksilan sa taumbayan! Mga Marcos, singilin at panagutin! appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

