Inamin kamakailan ng Philippine National Police Anti-Cybercrime Group (PNP-ACG) na bigo pa rin ang SIM Registration Act sa pangunahing layunin nitong wakasan ang mga cybercrime at text scam sa bansa. Apat na taon matapos itong ipatupad, kinilala ng pulis ang katotohanang matagal nang nararanasan ng mamamayan: hindi epektibo ang batas at pinalala lamang nito ang kawalan ng akses ng nakararami sa teknolohiya.

Ayon sa ACG, nananatiling laganap ang mga online scam, iligal na pagsusugal, at cybercrime. Sa unang walong buwan ng taon, nagtala ang PNP ng 16,297 kaso ng cybercrime at 90% sa mga ito ay gumagamit ng mga rehistradong SIM card.

“Sa batayang antas, hindi lumulutas ang SIM Registration sa mga pangunahing sanhi ng cybercrime at scam sa Pilipinas, at nakatadhana itong maging hindi epektibo,” ayon sa tagapagtanggol ng digital rights na Computer Professionals’ Union (CPU).

Pero imbes na ipawalambisa, lalo pang pinalalala ng estado ang epekto ng palpak na batas. Iminungkahi ng direktor ng PNP-ACG na si Maj. Gen. Asueta na higpitan pa ito at gawing tanging beripikasyon sa SIM registration ang National ID na may biometrics.

Kinundena ng CPU ang panukalang ito: “Sa halip na magsulong ng mga tunay na solusyon laban sa cybercrime, nais ng direktor ng ACG na si Maj. Gen. Asueta na doblehin pa ang diin sa SIM Registration at hinihiling sa Kongreso na obligahin ang ating National ID na may Biometrics bilang tanging beripikasyon sa SIM card, na para bang ang problema sa SIM Registration ay nagbigay lamang ang mga Pilipino ng maling ID card.”

Anito, hindi nasasapatan ang estado at kumpanya sa telekomunikasyon na mahawakan ang personal na impormasyon at larawan ng mukha ng indibidwal na subscriber, gusto pa ng mga ito ngayon na malikom pati biometric data ng bawat isa sa kanila. Binabalewala rin ng panukala na hindi lahat ng Pilipino ay may madaling akses sa pisikal o digital National ID, dahil kalahati pa lamang ng populasyon ang naipamamahaging ID ng Philippine Statistics Authority (PSA). Lalong ipagkakait ng ganitong patakaran ang teknolohiya sa mas maraming tao.

Hinimok ng CPU ang publiko na kumilos laban sa panukalang ito: “Dapat magprotesta ang mga Pilipino laban sa patakarang ito, at igiit ang mga tunay na solusyon na makatutugon sa tunay na sanhi ng cybercrime at scam.”

Nanawagan din ang grupo para sa tunay na proteksyon ng personal na impormasyon at sa pagkilala at pagtatanggol ng estado sa digital rights ng mga Pilipino.

The post SIM Registration Law, palpak pa rin sa pagsawata ng cybercrime appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.