Kinundena ng Panay Consumers Alliance (PCA) ang panibagong serye ng panggigipit ng lokal na gubyerno sa mga bolantero o mga maglalako sa tabing kalsada sa mga palengke ng Iloilo City. Kinumpiska ng mga upisyal ng lokal na ahensya ang mga produktong tinda ng mga bolantero at tinakot silang aarestuhin.

Noong Setyembre 5, kinumpiska ng clearing tim ng lokal na gubyerno ang susi ng traysikel ng isang bolantero na nagdadala ng kanyang mga produktong prutas at gulay. Dinala sa presinto ang bolantero at pinagbantaang aarestuhin. Sa paggigiit ng biktima sa kanyang mga karapatan, pinakawalan siya ng mga pulis ngunit hindi isinauli ang susi ng kanyang traysikel.

Ayon sa PCA, maliban sa kanya ay maraming iba pang bolantero ang dumanas ng kalupitan sa araw na iyon at sa sumunod pang araw. Naitala ang iba pang kaso ng pagkumpiska sa mga produkto at pananakot.

Noong Agosto 18, isang bolantero ang sinampahan ng kasong kriminal ng lokal na gubyerno. Pinaratangan siyang nagbanta sa isang upisyal gamit ang isang kutsilyo.

“Hindi ito hiwa-hiwalay na mga insidente,” ayon sa PCA. Naniniwala ang grupo na bahagi ang mga ito ng nagpapatuloy na padron ng pagtrato sa mga bolentero bilang “problemang dapat tanggalin” sa halip na mga manggagawang may karapatan sa kabuhayan.

Nagsimulang tumindi ang panggigipit sa mga bolantero noong Abril, laluna sa Iloilo Terminal Market. “Sila ang pangunahing mga biktima ng pribatisasyon ng ating mga pampublikong palengke,” ayon sa PCA. Binabalikat nila ang mga epekto ng isang sistemang binibigyang prayoridad ang komersyal na interes sa halip na kabuhayan ng karaniwang mamamayan, anito.

Ang Iloilo Terminal Market ay isang pribadong palengke na pinatatakbo ng SM Prime sa bisa ng Public-Private Partnership sa lokal na gubyerno. Ganito rin ang katayuan ng Iloilo Central Market na kapwa nagpalayas at nagtanggal ng kabuhayan ng maraming bolantero at trabahador.

Ayon sa PCA, dahil nasa pangangasiwa na ngayon ng SM ang mga pampublikong merkado ay walang pag-aatubiling itinataboy ng kumpanya ang mga bolantero. Dagdag pa rito ang pagpapaasa at papapaikot-ikot sa kanila ng lokal na gubyerno gamit ang mapanlinlang na sistemang “araw ng pelengke,” kung kailan lamang sila pwedeng magtinda.

Nanawagan ang PCA sa lokal na gubyerno ng Iloilo City na itigil na ang panggigipit at pagkumpiska sa produkto ng mga bolantero at ang pambabanta sa kanilang kalayaan. “Makinig kayo sa kahingian ng mga bolantero, at bigyan sila ng permanente, madaling puntahan at tiyak na espasyo kung saan sila pwedeng magtinda,” ayon pa grupo.

Dagdag nito, dapat mamili ang mga lokal na upisyal kung kanino sila papanig: “Sa pribadong interes ba na pinagkakakitaan ang ating mga palengke, o sa Ilonggong manggagawa at konsyumer.”

The post Patuloy na panggigipit sa mga bolantero sa Iloilo City, kinundena appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.