Nagprotesta sa baybayin ng Barangay Binuangan, Obando, Bulacan noong Setyembre 7 ang mga mangingisda at manggagawa sa palaisdaan sa pangunguna ng Samahan ng Mandaragat ng Bulacan (SAMA-Bulacan). Kinundena nila ang mga proyektong reklamasyon sa Manila Bay ng San Miguel Corporation (SMC) na nangamkam sa kanilang mga pook pangisdaan. Mahigit 200 mangingisda at taong-simbahan ang lumahok sa programa at protesta.

Nakasentro ang pagkilos sa 36-ektaryang palaisdaan sa Barangay Binuangan na bahagi ng mahigit 600-ektaryang palaisdaan sa mga bayan ng Bulakan at Obando na binili ng SMC. Gagamitin ng kumpanya ang erya para sa 2,500-ektaryang New Manila International Airport (NMIA) nito. Mula nang bilhin ng SMC ang mga palaisdaan ay iniwan itong nakatiwangwang.

Ayon sa SAMA-Bulacan, iniinda ng mga mangingisda ang lumiit na tradisyunal na pook pangisdaan dahil pinagbawalan silang pasukin ang ekta-ektaryang saklaw ng operasyon ng SMC. Dahil dito, nagsisiksikan at nagkakasya ang maraming mangingisda sa limitadong mga ilog o kung hindi ay natutulak bumyahe nang malayo para makapangisda at mabuhay.

“Gutom na kami!” ang malakas na hinaing ng mga mangingisda. Ayon sa grupo, dati ay kumikita sila ng ₱2,000-₱4,000 sa isang araw ngunit kumikita na lamang ngayon ng ₱100-₱1,000 kada araw. Anila, hindi ito nakasasapat para sa araw-araw na gastusin ng kanilang pamilya.

Higit pa silang pinahihrapan ng panahon ng habagat na nagdadala ng malalakas na alon at hangin (sigwada sa lokal na katawagan). Dagdag pasakit rin sa kanila ang magkakasunod na serye ng pagtataas ng presyo ng petrolyo. Pag-aari ng SMC ang kumpanyang Petron Corporation na isang mayor na kumpanya sa petrolyo.

Samantala, noong Setyembre 10 ay nakipag-usapan ang SAMA-Bulacan sa mga kinatawan ng SMC. Kasabay inihapag ng grupo ang kanilang petisyon at panawagang ipagamit ang tiwangwang na mga palaisdaan na sinakop ng SMC.

Nakiisa sa mga mangingisdang Bulakenyo ang Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (Pamalakaya). Anang grupo, dapat panagutin ang burgesyang kumprador na Ramon Ang at ang SMC sa pandarambong nito sa kalikasan at pangisdaan.

“Habang patuloy na pinagkakaitan ng kabuhayan at pangisdaan ang mga mangingisda, malalawak na bahagi ng ating baybayin ang kinakamkam at sinisira para sa interes ng malalaking korporasyon,” ayon kay Ronnel Atambulo, ikalawang tagapangulo ng Pamalakaya. Nanawagan ang grupo na ipatigil ng rehimeng Marcos ang lahat ng proyektong reklamasyon sa Manila Bay na banta sa kabuhayan ng mga mangingisda at sumisira sa kalikasan.

The post Pangangamkam sa palaisadaan, reklamasyon ng San Miguel Corporation sa Bulacan, kinundena appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.