Dapat kondenahin at panagutin ang rehimeng US-Marcos sa nagpapatuloy nitong paglabag sa internasyunal na makataong batas. Nagsisilbing palamuti’t dekorasyon at higit sa lahat ay mapanlinlang sa internasyunal na komunidad ang pagpopostura nitong tumatalima sa IHL sa pamamagitan ng pagratipika at pagkakaroon ng mga katugon na mga batas hinggil sa karapatang tao. Samantala, tahasan nitong nilalabag at pinawawalambisa ang kasunduang pinirmahan sa pagitan ng NDFP at GRP na Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law (CARHRIHL) na nilagdaan noon pang panahon ni Erap Estrada.
Maalala na ang internasyunal na makataong batas ay pinagtibay ng Geneva Convention of 1949 at niratipikahan ng Gubyerno ng Republika ng Pilipinas. Dinagdagan ito ng Protocol I at Protocol II na pinagtibay noong 1977 at 1978. Nilalayon nitong protektahan ang karapatan ng mga sibilyan, gayundin ng mga kabilang sa armadong pwersa (laluna iyong mga nawalan ng kapasidad na lumaban o hors de combat) ng mga magkalabang pwersa. Alinsunod sa IHL, isinabatas naman ng reaksyunaryong gubyerno ang mga sumusunod: RA 9851, kilala sa tawag na Philipines Acts on Crimes Against IHL, Genocide and other Crimes Against Humanity; RA 10530, The Red Cross and Other Emblems Act of 2013; RA 11188, Special Protection of Children in Situations of Arm Conflict at National IHL Ad-hoc Committee na binuo noong 1999.
Sa rehiyong Timog Katagulugan, hindi sinasanto ang mamamayang sibiliyan—katutubo, mga magsasaka, kahit may diprensya sa pag-iisip at mga bata dahil naging mga biktima sila ng karahasan ng reaksyunaryong militar at pulisya. Labas pa rito ang blokeyo ng pagkain, hamleting, pagkakampo sa mga komunidad, eryal bombing at istraping. Ang militar at pulisya, gayundin ang mga para-militar na CAFGU/CAA ay bantog sa karahasan at perwisyo sa kanayunan sa rehiyon, lalo na sa mga lugar na diumanong may binhi ng pulang kapangyarihang pampulitika at malakas ang impluwensya ng BHB. Pinaigting ang mga operasyong pokus ng militar, bilang protektor sa mga ‘proyektong pangkaunlaran’ na pag-aari ng malalaking burgesya komprador at kasosyong mga dayuhan, tulad ng Pax Silica, sa balangkas ng Luzon Economic Corridor.
Pagbungad pa lamang ng bagong taon nalantad ang isinagawang walang habas na pambobomba mula sa himpapawid ng AFP laban sa mamamayan ng Abra De Ilog, Occidental Mindoro matapos ang labanan sa isang yunit ng BHB. Pinatay nito ang tatlong batang Mangyan-Iraya at nasugatan ang kanilang ina. Namatay din ang nagkakailang baka at hayop pantrabaho ng mga magsasaka at lumikha ng terror sa hanay ng mga sibilyan.
Pinakatampok ang Bloody Sunday Massacre noong Marso 7, 2021 na pumatay sa siyam na aktibista at inaresto ang iba pa sa Calabarzon. Sa Cavite, ang pagpatay at kawalan ng katarungan sa pagpatay kay Manny Asuncion, lider manggagawa at Pangkalahatang kalihim ng BAYAN-Cavite; sa Batangas, biktima ang mag-asawang lider-organisador mangingisda sina Ariel at Chai Lemita; Sa Rizal ay anim na sibilyan mula sa Rodriguez kabilang ang dalawang katutubo na sina Randy at Puroy dela Cruz. Lahat ng mga biktima ay lumalaban para sa batayang karapatan ng kanilang mga kapwa sa lalawigan at rehiyon. Sa Laguna, karugtong din ng BSM ang walang-tigil na pagsasampa ng mga gawa-gawang kaso sa mga biktima na matapos maabswelto sa isa ay tatambakan muli o patatagalin pa. Ang nagpapatuloy na kawalang hustisya at pagmamaniobra gamit ang reaksyunaryong batas upang maabswelto ang mga salarin ay patunay ng kawalang paggalang ng gubyerno sa IHL.
Bukod pa rito ang pagkakampo ng 2nd CMO ng Philippine Army sa mga komunidad ng magsasaka at mamamayan na aktibong nakikibaka para sa karapatan sa lupa kagaya ng Lupang Ramos, Lupang Tartaria, Lupang Kapdula, Patungan at iba pa sa Cavite; sa mga komunidad ng Nonong Casto at Mataas na Bayan ng Lemery, Batangas ng 16th IBPA; pagpwesto ng 80th IBPA sa mga komunidad ng mga dumagat; at mga yunit ng 203rd Brigade sa iba’t ibang bahagi ng Mindoro. Laganap ang panlilinlang ng RCSP sa lalawigan. Layon ng mga mapagpanggap na pakanang na ilalayo lamang sila sa tunay na landas ng pag-babagong panlipunan at armadong paglaban. Ang mga magsasaka rin ang biktima ng SFMO ng mga militar sa kanayunan. Marami rin sa mga biktima ang pinagbabantaan at sapilitang pinapasuko at pilit pinatutunayang kasapi ng rebolusyonaryong kilusan.
Sa hanay ng rebolusyonaryong kilusan, napakaraming mga Pulang mandirigma at komander ng NPA ang pinagkaitan ng karapatan bilang mga hors de combat. Marami sa kanila ay pinatay. Masahol din ang mga paglabag ng AFP-PNP sa tuntunin sa labanan laluna hinggil sa proporsyunalidad kung saan labis-labis na sandata ang ginagamit para pulbusin ang kalaban. Hindi rin itinuturing na mga detenidong pulitikal ang mga nadadakip na pwersa ng rebolusyonaryong kilusan at sinasampahan ng gawa-gawang kaso. Karaniwan din ang kaso ng paglapastangan sa labi ng mga pulang mandirigma at karapatan ng kanilang pamilyang bigyan ng maayos na libing ang mga martir alinman sa pagpapabayang mabulok sa init ng araw ang mga bangkay, pagpapalaganap ng mga larawan ng mga bangkay sa social media bilang tropeyo, pagtatago ng mga bangkay sa mga pamilyang naghahanap at iba pang karumal-dumal na gawa.
Pinapatunayan nito ang pasistang katangian at ang pagmamaang-maangan ng AFP-PNP na ipinakita sa isang panayam sa bantog na butcher (magkakatay) na si Maj. Gen. Jovito Palparan, kung saan tinatanong siya kaugnay ng CAHRIHL, at ang sinagot lamang ay ‘di ko alam iyan, pero may tao akong si Carillo’. Sa kabila ng kanyang napakahabang listahan ng mga utang na dugo sa mamamayang Pilipino partikular sa Timog Katagalugan, pinarangalan pa siya sa isang SONA ng rehimeng US-Macapagal-Arroyo. Patunay na ang burukrata kapitalismo ang baseng sosyal ng pasismo ng Estado.
Napakahaba ng listahan at impyunidad sa mga paglabag sa IHL sa mamamayang sibilyan, kombatant at iba pang api at demokratikong uri sa kanayunan, maging sa kalunsuran. Lalo lamang pinalala ng mga kontra-mamamayan, makadayuhan at pabor para sa lokal na naghaharing uri na mga mapanupil na patakaran at programa tulad ng NAP-UPD, ELCAC, Whole of Nation Approach at EO 70 na na-kaayon sa US Counter insurgency. Habang ipinapakita ng reaksyonaryong batas na ang IHL at iba pang katulad na batas ay sa papel at retorika lang, ginagawang panangga at pantabing sa kanilang pagsupil sa mamamayan ang paglikha ng iba pang mga batas na nagsusuhay sa pasismo ng estado. Inaakala ng hibang na estado na magagapi nito ang rebolusyonaryong hukbo ay malulupig at madudurog nila ang digmang bayan at pambansa demokratikong rebolusyon. Sukdulang nagpapakatuta ito sa imperyalismong US para makaamot ng sandatang pamuksa sa rebolusyonaryong kilusan.
Sa halip na lumikha ng takot at sindakin ang mamamayan ng rehiyon, lalong nag-alab ang kanilang diwang lumaban. Nagbunga ang mahabang pakikibaka ng bayan ang ilang mga ganansya para maipaglaban ang karapatan sa lupa, kabuhayan at hustisya. Naigigiit ito sa tulong ng sama-samang pagkilos at matapang na pagtindig sa mga prinsipyo.
Habang karahasan ang tugon ng estado, mahigpit na sumasalig sa mamamayan ang rebolusyonaryong kilusan bunga ng taos pusong pagmamahal at tapat na serbisyong paglingkuran ang sambayanan. Ito ang dahilan kung bakit tinatangkilik ang rebolusyon ng malawak na inaapi at pinagsasamantalahang mamamayan. Gaanuman kalaki o kalakas ang armadong lakas ng kaaway, dahil suportado ng karaniwang masa ang NPA at iba pang rebolusyonaryong pwersa. Hindi ito basta-basta magagapi. Malaon na rin nitong pinatunayan ang pagtalima sa mga patakaran ng internasyunal na makataong batas at nagpapatupad ng sariling patakaran hinggil sa karapatang tao. Dahil dito, nakatitiyak na ang digmang bayan ay susulong at muling pagpapayabong ng mga binhi na pagtatayo ng gobyerno ng mamamayan sa kanayunan at buong bansa.
The post Nagpapatuloy ang paglabag ng Gobyerno ng Republika ng Pilipinas sa International Humanitarian Law o IHL sa ilalim ng Rehimeng US-Marcos II appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

