Kinundena ng Asian Migrants Coordinating Body (AMCB), koalisyon ng mga organisasyon ng mga migrante na nakabase sa Hong Kong, ang planong pagpako sa sahod ng mga migranteng kasambahay sa teritoryo. Noong Agosto, nanawagan ang International Domestic Service Industry Development Federation (IDSIDF) at Quadripartite Alliance for Harmonious Employment Practices (QAHEP) na magpatupad ng wage freeze o walang pagtataas ng sahod.
Sa inilunsad na press conference ng AMCB noong Setyembre 6, iginiit nito na dapat tumanggap ang mga migranteng kasambahay ng minimum na nakabubuhay na sahod na HK$6,172 (₱49,355) at alawans sa pagkain na HK$3,123 (₱24,973).
Kalahok sa press conference ang mga kinatawan ng iba’t ibang lokal na grupo para sa karapatan ng mga kasambahay, kabilang sina Meilin Wu ng HK Women Workers Association, Sally Liang ng International Migrants Alliance Academe Network, Fifi Ng ng Auto8A Migrants Committee, Vic Yong ng HK Living Wage Network, Johannie Tong ng Mission for Migrant Workers at Dolores Balladares ng Unifil-Migrante-HK.
Ayon sa IDSIDF at QAHEP, itinutulak nila ang wage freeze dahil maaaring humantong sa malawakang pagtatapos ng kontrata ang sapilitang pagtataas ng sahod. Sa surbey ng QAHEP noong Hulyo, 79% ng mga employer ay tutol sa pagtaas ng sahod ng mga kasambahay dahil hindi na nila umano kakayanin ang dagdag gastos.
Dagdag dito, tumaas ang sahod ng mga kasambahay ng 7.8% sa loob ng tatlong taon habang tumaas ang presyo ng mga produkto ng 5.4%. Anito, dapat “makibahagi ang mga migranteng kasambahay sa bigat ng pang-ekonomyang krisis.”
Tugon dito ng AMCB, ang wage freeze ay katumbas ng pagbawas sa kanilang sahod sa harap ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin. “Ang panawagan para sa wage freeze ay lalo lamang nagtutulak sa mga migranteng manggagawa sa mas matinding pinansyal na paghihirap. Napakababa na ng kasalukuyang minimum wage na HK$5,100 kada buwan. Hindi nito tunay na nasasalamin ang halagang kailangan upang mabuhay nang marangal sa syudad,” paliwanag ni Septi, tagapagsalita ng AMCB.
Bagaman kinilala ng koalisyon na ang krisis sa langis sa Middle East ang dahilan ng problemang pinansyal sa iba’t ibang sektor, sinabi ng tagapagsalita na ang gubyerno ng Hong Kong ang dapat tumugon dito. Aniya, hindi dapat ipinapasa ang pinansyal na problema sa mga pinaka-bulnerableng sektor ng lipunan, gaya ng mga migranteng manggagawa.
“Kinikilala namin na nahaharap din sa kahirapan sa ekonomya ang mga manggagawa sa Hong Kong, na marami ay employer ng mga kasambahay, dahil sa mababang sahod. Pananagutan ng gubyerno ng Hong Kong ang hindi pagtugon sa mababang sahod ng mga manggagawa, mataas na antas ng pamumuhay, at hindi nalulutas na krisis sa ekonomya sa Hong Kong. Hindi dapat gawing panakip-butas ang mga kasambahay sa kapabayaang ito,” paliwanag ni Balladares ng Unifil-Migrante-HK.
“Sandigan ng lipunan ng Hong Kong ang mga migranteng kasambahay. Sila ang nag-aalaga sa mga bata, matatanda, at tahanan, kaya napalalawak ang lakas-paggawa at napagagana ang ekonomya at mga komunidad ng Hong Kong. Gayunman, palaging ipinagwawalang-bahala ang ambag ng mga kasambahay at itinuturing silang mga kalakal na madaling itapon,” paliwanag ni Tong ng Mission.
Nanindigan ang koalisyon na tuloy ang laban hindi lamang para sa nakabubuhay na sahod, kundi para rin sa mas maayos na kundisyon sa trabaho at pamumuhay, at makatarungan at pantay na pagtrato sa lahat ng lokal at migranteng manggagawa sa Hong Kong.
The post Pagpako sa sahod ng mga migranteng kasambahay sa Hong Kong, kinundena appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

