Sumugod ang ilandaang patriyotiko at demokratikong pwersa sa ilalim ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) sa Grand Hyatt Manila Hotel sa Bonifacio Global City, Taguig City noong Setyembre 10 para bulabugin ang Luzon Economic Corridor (LEC) Investment Forum. Ang naturang porum ay inisponsor ng US Trade and Development Agency (USTDA), na isang upisina ng US sa Maynila, at isinasagawa mula Setyembre 10 hanggang Setyembre 11. Pinangunahan ito ng US, Japan at Pilipinas.
Militanteng nakigpaggitgitan ang mga nagprotesta sa mga pulis at gwardya ng hotel kung saan isinasagawa ang pagpupulong. Sinupil at dinahas ng mga pulis gamit ang mga truncheon at batuta ang mga naprotesta ngunit nakagitgit ang mga grupo at nakalapit sa bukana ng gusali para isigaw ang kanilang mga panawagan. Nagawa pang makapasok ng ilan sa loob ng gusali.
Marahas na inaresto ng mga pulis ang limang paralegal at sinampahan ng mga kasong serious disobedience, alarms and scandals, tumults and direct assault. Hindi bababa sa 27 katao ang nasugatan sa karahasan ng mga pwersa ng estado.
Tinawag ng Bayan at International League of Peoples’ Struggle (ILPS)-Philippines ang pagpupulong bilang tahasang pagbebenta ng rehimeng Marcos sa patrimonya at soberanya ng Pilipinas sa dayuhang interes. “Ang pinondohan ng US na subastang ito ng mga proyekto sa imprastraktura ay hindi magpapatibay o magpapasulong ng ekonomya kundi magpapadali lamang sa walang-pakundangang pandarambong sa ating mga likas na yaman,” ayon sa dalawang grupo.
Nagsama-sama sa pagpupulong ang nasa 600 dayuhang mamumuhunan, susing lider ng mga industriya, at mga upisyal ng gubyerno para talakayin ang LEC. Sinasabing parte ng mga aktibidad ng pulong ang pagbisitang mga delegasyon sa mga lugar na pagtatayuan ng mga proyekto sa Subic Bay sa Zambales, Clark sa Pampanga at Batangas.
Nagtalumpati sa unang araw ng pulong si Ferdinand Marcos Jr para ilako ang bansa sa mga dayuhan. Kabilang sa mga bansang dumalo sa pulong ang Australia, Canada, Denmark, France, Italy, Republic of Korea, Sweden at United Kingdom.
Nang binuo LEC noong 2024 bilang ang trilateral na programa ng US, Pilipinas, at Japan, layunin nitong kontrahin ang Belt and Road Initiative (BRI) ng China. Plano nitong pabilisin ang pagtatambak ng imperyalistang kapital, tauhan at gamit sa anyo ng mga proyektong imprastruktura sa riles, renewable energy, daungan, paliparan, tulay at daan.
Plano ng LEC na pagdugtung-dugtungin ang Subic, Clark, Manila, at Batangas para maging koridor ng mga proyekto nito. Isa sa mga sentrong imprastruktura ng LEC ang 1,620-ektaryang Pax Silica economic security zone (ESZ) sa New Clark City sa Capas, Tarlac. Ituturing ito bilang “AI-native industrial acceleration hub” na eksklusibo para sa mga kumpanya ng US at sa mga iimbitahan nitong kaalyado.
Itatayo sa ESZ ang “artificial intelligence hub”, mga data center at iba pang imprastruktura. Mangangailangan ng malaking bolyum ng “ultrapure water” ang mga data hub, at suplay ng kuryente na hindi bababa sa 5 gigawatts para sa buong security zone. Palalayasin ng mga itatayong imprastruktura ang mga katutubong Ayta at magsasaka ng Capas.
Isa rin sa mga proyektong nakapailalim sa LEC ang 232-kilometrong Subic-Clark-Manila-Batangas (SCMB) Freight Railway. Nagbigay ng teknikal na suporta ang USTDA sa rehimeng Marcos para makautang sa Asian Development Bank na kontrolado ng Japan para umusad ang proyekto.
Ayon sa Bayan at ILPS-Philippines, lagpas sa ekonomiko at komersyal na adyenda ang pagtutulak ng US sa LEC. “Isa itong estratehikong bahagi ng mas malapad na adyenda ng Washington sa Indo-Pacific para palakasin ang First Island Chain at kontrahin ang presensya sa rehiyon ng China,” ayon sa dalawang grupo.
Anila, sa likod ng mga islogan at palamuti ng LEC para sa kaunlaran ay ang adyendang imperyalista na humuhulma pang lalo sa Pilipinas para magsilbi sa estratehikong interes at dayuhang kapital ng US. “Dapat nating itakwil ang LEC ang pagsuko ng ating pambansang kaunlaran sa dayuhang kapangyarihan,” ayon sa dalawang grupo.
Samantala, nagsabit ng mga balatengga sa Tarlac ang grupong Tanggol Ayta at Residente para sa Lupa at Kabuhayan (Tarlak) para ipahayag ang kanilang pagtutol sa pulong para sa LEC sa Maynila. Paghahanda rin ito ng grupo sa pagsalubong sa darating na karaban sa bayan ng Capas sa Setyembre 11 para tutulan ang Pax Silica hub.
The post Pulong para sa maka-imperyalistang Luzon Economic Corridor, binulabog ng protesta appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

