Naglunsad ng protesta ang mga tsuper at opereytor ng dyip sa Cubao, Quezon City noong Setyembre 8 para batikusin ang bagong serye ng pagtaas ng presyo ng petrolyo. Kinundena ng Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Operator Nationwide (Piston) ang “big-time” na pagtaas na walang pag-aatubiling ipinatupad ng Department of Energy (DOE).
Tumaas nang ₱5.18/litro ang diesel, ₱4.69/litro ang gasolino at ₱5.58/litro ang kerosene. Sa National Capital Region, pumalo na sa abereyds na ₱92.77/litro ang presyo ng diesel habang ₱82.07/litro ang presyo ng gasolina at ang kerosene ay nasa abereyds na ₱142.04/litro.
Ayon sa DOE, itinaas ang presyo dahil sa lalong pag-igting ng gitgitan at tensyong militar sa Middle East sa pagitan ng imperyalismong US at Iran. Mula noong Marso 2, kung kailan nagsimulang maapektuhan ng gera sa Middle East ang presyo ng petrolyo, umabot na sa ₱50/litro ang netong itinaas sa presyo ng diesel at ₱52/litro ang netong itinaas sa presyo ng gasolina.
Para sa Piston, hindi dapat pasanin ng mga tsuper at mamamayan ang taas-presyo habang kumakamal ng tubo ang malalaking kumpanya tulad ng Petron at Shell. Panawagan ng grupo ang sama-samang welga laban sa sunod-sunod na oil price hike, pagwawakas sa kontrol ng malalaking kumpanya sa presyo ng langis, at pagsasabansa ng industriya nito.
Samantala, nag-anunsyo ang grupong Manibela na magkakasa ito ng sama-samang pagkilos at tigil-pasada sa Setyembre 14 bilang pagkundena sa walang-awat na pagtaas ng presyo ng petrolyo. Tugon ito ng grupo sa inaasahang mas malaki pang pagtaas sa presyo ng petrolyo sa darating na linggo. Anang Manibela, dapat kundenahin ang inutil na DOE sa harap ng pagsirit ng presyo ng petrolyo.
The post ‘Big-time’ na taas-presyo ng petrolyo, kinundena ng mga tsuper at opereytor appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

