Kinundena ng palabang sentro sa paggawa na Kilusang Mayo Uno (KMU) ang bagong inutil at dramang hakbang ng Department of Labor and Employment (DOLE) kaugnay ng dagdag-sahod sa National Capital Region (NCR). Itinutulak ng DOLE ang isang bagong “wage order” sa harap ng pagpapatigil ng isang korte na ipatupad ang naunang ₱85 baryang dagdag sahod na inilabas ng ahensya.
Noong Setyembre 7 ng gabi, naglabas ng Wage Order No. 28 ang Regional Tripartite Wages and Productivity Board (RTWPB)-NCR para sa ₱60 dagdag sahod. Ayon sa ahensya, inaantay pa nito ang pagsang-ayon at desisyon ng National Wages and Productivity Commission (NWPC) para sa dagdag sahod. Posible umanong maisapinal ito sa Setyembre 11.
Taliwas sa inaasahan ng DOLE na matutuwa ang mga manggagawa sa itinutulak nitong dagdag sahod, kinutya ng KMU ang DOLE at kalihim nitong si Francis Tolentino sa kawalan ng “gulugod” na ipatupad ang naunang wage order na ₱85 dagdag sahod. “Tolentino, tubuan ka sana ng gulugod at itigil mo na ang kakasatsat—walang bond, walang, injunction, tuloy ang dagdag-sahod—ganoon kasimple,” ayon kay Jerome Adonis, tagapangulo ng KMU.
Ayon pa kay Adonis, lalo lamang hindi makasasabay ang katiting na umento sa taas ng presyo ng bilihin habang tumatagal ang proseso sa kung anu-anong naiisip ng DOLE. Iginiit niyang dapat sa simula pa lamang ay hindi na dapat pumailalim ang DOLE sa injunction dahil alam nilang mali ito. “Walang silbi kahit ilan pang Wage Order ang ilabas ng DOLE kung hindi rin naman ito ipatutupad,” pagdidiin niya.
Ipinahinto ng Pasig Regional Trial Court (RTC) Branch 152 ang pagpapatupad ng ₱85/araw na dagdag-sahod sa NCR sa bisa ng isang preliminary writ of injunction noong Agosto 13. Nakatakdang ipatupad simula noong Hulyo 25 ang unang bahagi ng dagdag sahod na ₱60/araw na susundan ng ₱25/araw na dagdag sa Enero 2027.
Ang petisyon kontra sa dagdag-sahod ay inihain sa korte ng mga kumpanyang Readycon Trading and Construction Corp. at R-II Builders Inc noong Hulyo 23. Isinaad ng mga kumpanya na itinutulak nila ang suspensyon sa kadahilanan ng “pagbaba ng kita, sustenidong depisito, tanggalan ng mga manggagawa, posibleng pagtigil ng operasyon o pagsasara ng kumpanya.”
Iiral ang writ of injunction hanggang matapos ang mga pagdinig kaugnay ng kaso. Nagpataw ang korte ng ₱10 bilyong injunction bond sa mga petisyuner na anito ay kabayaran para sa “posibleng pinsala at pasakit” na idudulot ng writ sa mga manggagawa.
Sa lahat ng pahirap na ligal na prosesong ito, iginiit ng KMU na kagyat na pangangailangan ng mga manggagawa ang dagdag-sahod para magbigay-alwan sa tindi ng krisis. “Binubulid lang ang wage increase sa walang hanggang debate sa teknikalidad ng mga ahensya, ng korte, at Kongreso habang araw-araw pinapasan ng manggagawa ang matinding krisis ng mataas na presyo ng bilihin,” ayon kay Adonis.
Dagadg pa niya, garapalang niloloko ng DOLE ang mga manggagawang nagugutom, binabaha, at araw-araw nagpapakapagod para lumikha ng yaman ng bansa. Kinutya rin ng grupo si Ferdinand Marcos sa pagiging tikom ang bibig at walang-kibo sa hinaing ng manggagawa.
Nagsagawa ng protesta ang KMU sa Mendiola sa Maynila noong Setyembre 5 para singilin si Marcos sa pambabarat sa sahod ng manggagawa. Samantala, nagpiket rin ang KMU at ang National Wage Coalition noong umaga ng Setyembre 10 sa Manila Hotel kung saan nagpupulong ang NWPC ng DOLE para sa Wage Order No. 28, na paraan para resolbahin ang problemang ang ahensya rin mismo ang lumikha.
“Yanigin natin ang DOLE at si Bongbong Marcos na mga protektor ng mga kapitalista. Igiit natin ang makabuluhang dagdag-sahod sa ating mga pagawaan. Magprotesta tayo sa lansangan upang ipaglaban ang ₱1,200 nakabubuhay na sahod para sa lahat,” panawagan ng KMU sa manggagawang Pilipino.
The post Kainutilan, drama ng DOLE kaugnay ng dagdag-sahod, kinundena ng manggagawang Pilipino appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

