Mahigpit na kinundena ng mga grupo sa karapatang-tao at demokratikong sektor ang desisyon ng Korte Suprema na ipawalang-sala si Imelda Marcos sa mga kasong graft kaugnay ng nakaw-na-yamang itinago sa mga Swiss foundation. Sa isang desisyon na may petsang Hunyo 10, ngunit inilabas lamang noong Setyembre 9, binaligtad ng Unang Dibisyon ng Korte Suprema ang hatol na maysala ng Sandiganbayan laban kay Imelda noong Nobyembre 2018.
Hinatulan si Imelda, asawa ng dating diktador na si Ferdinand Marcos Sr, ng Sandiganbayan na nagkasala sa pitong kaso ng anomalya at korapsyon. Hatol ito sa sampung isinampang kaso noon pang Disyembre 1991 laban sa mga Marcos.
Nagmula ang mga ito sa pagbubuo niya ng pribadong mga foundation sa Switzerland habang nagsisilbing gubernador ng Metro Manila at minstro ng Minister of Human Settlements at myembro ng Interim Batasang Pambansa noong 1978 hanggang 1984. Ginamit ng pamilyang Marcos ang mga foundation para magkamal ng yaman mula sa kaban at pondo ng gubyerno.
Alinsunod sa desisyon, makukulong dapat si Imelda nang anim na taon at isang buwan hanggang 11 taon para sa bawat kaso o 42 taon at pitong buwan hanggang 77 taon sa kabuuan. Pinagbawalan din siyang tumakbo bilang pampublikong upisyal. Sa kabila nito, hindi siya inaresto noong 2018 at sa halip ay pinayagang magpyansa sa halagang ₱150,000.
Sa pagbaligtad ng Korte Suprema sa naturang hatol, sinabi nitong nabigo ang prosekusyon na patunayang “guilty beyond reasonable doubt” si Imelda sa kanyang mga krimen. Ayon sa korte, ang mga dokumentong Swiss na iniharap sa korte ay hindi maayos na napatunayang tunay. Wala ring naiharap na saksing magpapatunay sa mga ito.
“Kasuklam-suklam ito,” pahayag ng tagapagsalita ng Campaign Against the Return of the Marcoses and Martial Law (CARMMA) na si Kris Lacaba. “Naisakatuparan na ni Ferdinand Marcos Jr ang kanyang layunin sa pagtakbo sa pagkapangulo—ang mabawi ang lahat ng nakaw na yaman ng kanyang pamilya na nasekwester ng gubyerno at burahin ang anumang natitirang kaso ng korapsyon laban sa kanila,” ayon kay Lacaba.
Ang desisyon ng Korte Suprema ay nakapetsa walong araw lamang mula nang ibinasura ng Sandiganbayan ang huling kaso laban sa nakaw-na-yaman ng mga Marcos noong Hunyo 2. Ibinasura ng Sandiganbayan Special Division ang Civil Case 0141, na kinasasangkutan ng ₱50 bilyong nakaw-na-yaman, dahil sa matinding pagkaantala ng paghahain ng ebidensya ng prosekusyon.
Samantala, itinaon ang pagsasapubliko sa desisyon sa nalalapit na paggunita ng sambayanang Pilipino sa deklarasyon ng batas militar sa Setyembre 21. Isinabay rin ito sa harap ng mga kasong pandarambong laban sa kaanak ng mga Marcos na si Martin Romualdez sa tangkang pabanguhin ang pangalan sa harap ng mga akusasyon ng korapsyon.
“Maaari na ngayong gamitin ng mga Marcos ang mga pagpapawalang-sala na ito upang palakasin ang kanilang baluktot na naratibo at pagbabago sa kasaysayan,” ayon kay Lacaba. Ngunit sa kabila nito, idiniin niyang hindi malilimutan ng sambayanang Pilipino ang pagnanakaw ng mga Marcos, na naglagay pa kay Ferdinand Marcos Sr sa Guinness Book of World Records bilang responsable sa ‘Pinakamalaking pagnanakaw sa isang pamahalaan.’
Samantala, nagpahayag din ng galit ang Karapatan at Samahan ng Ex-Detainees Laban sa Detensyon at Aresto (SELDA). “Nananawagan kami sa sambayanang Pilipino na huwag pahintulutan ang hayagang rehabilitasyon na ito ng mga Marcos na burahin ang mga krimen ng diktadura o pagtakpan ang pandarambong sa mga pondo ng bayan sa ilalim ng kasalukuyang rehimen ni Marcos Jr,” pahayag ng mga grupo habang nananawagan ng malawakang pagkilos sa Setyembre 21.
“Imelda Marcos, ikulong! Marcos, mga magnanakaw! Nakaw na yaman, ibalik sa bayan!” panawagan nila.
The post Pagwawalang-sala ng Korte Suprema kay Imelda Marcos sa mga kasong graft, kinundena appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

