Muling nagsama-sama ang may 2,000 Cebuano sa isang protesta noong Agosto 25 sa Cebu City para ipahayag ang kanilang pagtutol sa pribatisasyon ng Carbon Public Market. Sa pangunguna ng Save Carbon Public Market Movement (SCPMM), nagmartsa ang mga manininda, manggagawa, kabataan at tagasuporta mula Cebu Freedom Park tungong Cebu City Hall.

Hiniling nila sa lokal na konseho ng syudad na maging tapat at talakayin sa publiko ang mga isyung tinukoy ng Commission on Audit kaugnay ng pagsusuri nito sa 50-taong joint venture agreement (JVA) na nagsapribado sa palengke. Napirmahan ang JVA sa pagitan ng lokal na gubyerno ng Cebu City at Megawide Construction Corporation noong Enero 11, 2021 at inilipat noong Mayo 27, 2021 sa Cebu2World Development Inc. (C2W).

Ayon sa SCPMM, sa 2025 Annual Audit Report ng COA ay maraming nilabag na probisyon ng kasunduan ang pribadong korporasyong katuwang ng lokal na gubyerno. Hindi umano nagbayad ng ₱50-milyong taunang kabayaran para sa 2023, 2024, at 2025 ang korporasyon sa lokal na gubyerno ng Cebu City. Kinwestyon rin ng grupo ang pagiging makatarungan ng ₱50 milyong taunang bayad dahil sa kakulangan ng mahahalagang dokumento na nagtakda ng halaga ng kabayaran at ang proseso ng bidding para sa proyekto.

Kaugnay nito, nanawagan ang SCPMM sa mga upisyal ng syudad na iatras at bawiin ang awtorisasyon nito sa JVA at sundan ang ligal na proseso ng terminasyon nito. Bilang bahagi ng kanilang pagkilos, nagsumite ang grupo ng mga dokumento kaugnay dito.

Hiniling nila sa mga upisyal na ibahagi ang buong pagtutuos sa kita, koleksyon, aset, obligasyon, at gastos na kinasasangkutan ng pagpapaunlad sa Carbon Market. Iginiit rin nila ang pagprotekta sa kabuhayan, trabaho, right to return, at wastong proseso para sa mga manininda at apektadong komunidad habang pinuproseso ang terminasyon sa JVA. Patuloy ang paninidigan nilang tuluyang ibasura ang JVA. Saklaw ng pribatisasyon ang 120,000 metriko kwadradong lupain ng palengke. Sinasabing 35% na sa konstruksyon ang at pagpapaunlad ng kumpaya sa palengke ay tapos na.

Tinatayang 16,000 na manininda at trabahador ang mawawalan ng pwesto at trabaho dahil sa pribatisasyon. Inaasahang magtataas ng singil sa pwesto at ipagsisiksikan ang mga manininda sa mas maliliit na espasyo. Dagdag dito, tinatayang 700 kabahayan ang idedemolis sa katabing Sityo Bato, Barangay Ermita na sasaklawin ng konstruksyon ng bagong mga gusali.

The post 2,000 Cebuano, muling nagmartsa kontra pribatisasyon ng Carbon Market appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.