Nagsagawa ng protesta ang mga residente ng Caloocan City noong Setyembre 6 sa Barangay 185 Malaria Palengke North Caloocan para ipahayag ang kanilang pagtutol sa inisyatibang Pax Silica at itatayong economic security zone (ESZ) na kaakibat nito. Bago ang pagkilos, sunud-sunod na mga aktibidad ang isinagawa nila sa pangunguna ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan)-Caloocan para ipabatid sa mas maraming taga-Caloocan ang masamang epekto ng Pax Silica sa bansa.

Ang Pax Silica ay isang pakana ng US na itinatag noong Disyembre 2025. Nilahukan ito ng 14 bansa na naglalayong pag-isahin at kontrolin ang supply chain ng artificial intelligence (AI), semikonduktor, at mga tinatawag na “critical minerals” at rare earth elements. Layunin nito na kontrahin ang dominasyon ng China, na sa kasalukuyan ay humahawak sa 90% ng pagproseso ng mga kritikal na mineral sa buong mundo.

Sa balangkas ng inisyatiba, itatayo ng US ang isang ESZ sa 1,620 ektaryang lupain sa loob ng New Clark City sa Tarlac. Ituturing ito bilang “AI-native industrial acceleration hub” na eksklusibo para sa mga kumpanya ng US at sa mga iimbitahan nitong kaalyado. Itatayo sa sona ang “artificial intelligence hub”, mga data center at iba pang imprastruktura. Mangangailangan ng malaking bolyum ng “ultrapure water” ang mga data hub, at suplay ng kuryente na hindi bababa sa 5 gigawatts para sa buong security zone.

Palalayasin ng mga itatayong imprastruktura ang mga katutubong Ayta at magsasaka ng Capas, Tarlac. Maapaketuhan rin ng proyekto ang katabing mga prubinsya at rehiyon dahil parte ang Pax Silica hub ng Luzon Economic Corridor ng rehimeng US-Marcos na magtatayo ng iba’t ibang imprastruktura sa kapinsalaan ng mga komunidad.

Ang lokal na pagkilos at mga aktibidad ng Bayan-Caloocan ay bahagi ng pagsisikap ng Network Opposed to Pax Silica (NO to Pax Silica) na pormal na itinayo noong Agosto 31. Ayon sa Bayan-Caloocan, paghahanda rin ang mga ito sa isasagawang karaban ng NO to Pax Silica patungong Tarlac sa hinaharap.

The post Mga taga-Caloocan, nagprotesta kontra Pax Silica appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.