Matagumpay na napigilan ng mga residente ng mga barangay Bulalacao at Guinaong sa Mankayan, Benguet noong Setyembre 8 ang planong pagbuwag sa kanilang barikada at pagpasok ng Crescent Mining Development Corp. (CMDC) sa komunidad.
Hinarangan ng mga residente ang Guinaong-Colocal Road gamit ang kanilang mga trak na pang-deliber ng mga gulay. Dahil sa pagtindig ng komunidad, umalis din ang mga tauhan ng MCDC at upisyal ng korte bandang alas-3 ng hapon nang hindi naipatutupad ang kautusan ng korte.
Mula pa Setyembre 1, naka-alerto at nagbabantay na ang komunidad sa implementasyon ng Writ of Preliminary Injuction na inilabas ng korte noong Agosto 20. Ayon sa desisyon ng Regional Trial Court Branch 64 sa ilalim ni Judge Daniel Mangallay, ipinag-utos ang pagbuwag sa barikada at pag-aresto at pagsampa ng kaso sa lalabag sa kautusan.
Pinagbawalan din ang mga residente na pigilan ang mga empleyado, sasakyan, kagamitan, at makinarya ng CMDC na pumasok sa lugar. Anang korte, mahigit ₱50 milyon na ang ginastos ng CMDC simula noong Agosto 2025 dahil sa barikada. Maaari ring mawalan ang kumpanya ng mga lokal at dayuhan na mamumuhunan kung hindi nito maisasagawa ang eksplorasyon para sa Mineral.
Inutusan din ni Mangallay ang Mankayan Municipal Police Station, 1st Provincial Mobile Force Company ng Philippine National Police, at mga kalapit na yunit ng pulis na tumulong sa acting sheriff at CMDC sa pagpapatupad ng kautusan. Kinailangang maghain ng CMDC ng ₱500,000 bond bago ipatupad ang kautusan.
Sinimulan ng komunidad ang barikada noong Agosto 2025, kasunod ng nauna nang barikada noong Hunyo 2022 na nakapigil sa paghuhukay ng CMDC. Sa taong iyun, pinagtibay ng Korte Suprema na ang mga pagpapanumbalik ng MPSA sa loob ng mga lupaing ninuno ay nangangailangan ng Free, Prior and Informed Consent (FPIC).
Mariing tinututulan ng mga residente ang mga aktibidad ng eksplorasyon ng CMDC at ang renewal ng kanilang Mineral Production Sharing Agreement (MPSA). Anila, na-renew ang kasunduan nang wala ang kinakailangang FPIC mula sa mga apektadong komunidad ng mga katutubo.
The post Barikada sa Benguet, matagumpay na naipagtanggol ng mga residente appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

