Nagdiwang ang pamilya, kaibigan, mga myembro ng Tanggol Migrante Movement (TMM) at mga alyadong organisasyon sa paglaya ni “Tatay Loreto” noong Setyembre 1 mula sa detensyon ng Immigration and Customs Enforcement (ICE).
Pinalaya si Tatay batay sa makataong konsiderasyon. Bagamat nakalaya na, patuloy pa rin ang pagdinig para sa kanyang deportasyon. Kailangan pa rin niyang magreport sa ICE at obligadong magsuot ng ankle monitor.
Mahigit dalawang buwang hindi makatarungang ipiniit si Tatay Loreto sa loob ng NorthWest Detention Center (NWDC) sa Tacoma, Washington habang iniinda ang stage 4 prostate cancer. Habang nakapiit, sadyang hindi ibinigay ng NWDC ang kanyang mga gamot na ipinapadala ng kanyang pamilya.
Inaresto si Tatay Loreto noong Hunyo 23 habang nag-aaplay para sa kanyang US citizenship. Dinakip siya sa bisa ng kanyang kriminal na kaso sa Pilipinas na lumitaw habang pinoproseso ang kanyang citizenship.
Si Tatay ay nag-migrate sa US noong 1995. Matagal na siyang naninirahan sa Fife, Washington.
Nananawagan ang TMM na agarang alisin ang akle monitor ni Tatay Loreto, ibasura ang kanyang kaso at tuluyan siyang palayain. Iginiit nila sa konsulado ng Pilipinas na tiyaking tuluy-tuloy siyang makakatanggap ng medikal na tulong.
Panlilinlang ng embahada ng Pilipinas
Ayon sa Malaya Tacoma, hindi na nakagugulat ang kahiya-hiyang pagsisinungaling ng konsulado ng Pilipinas nang sabihin nito noong Setyembre 3 na sila ang dahilan ng pagkakalaya ni Tatay Loreto. Pinasalamatan pa ng konsulado ang ICE sa tinawag nilang “humanitarian gesture” ang pagapapalaya nito kay Tatay.
Ang pagpapalaya kay Tatay ay bunga ng walang tigil na pagkampanya ng komunidad ng mga Pilipino at mga organisasyon. Anila, ang patuloy niyang pagkakapiit ay naglagay sa kanya sa lubos na kapahamakan bilang isang matandang pasyente ng cancer.
Sa loob ng tatlong buwan, regular na dinadalaw ng mga grupo si Tatay, sinuportahan ang kanyang pamilya at naghamig ng suporta mula sa komunidad upang labanan ang kanyang deportasyon at pagkadetine. Katuwang ang Malaya Movement Tacoma, naglunsad ang TMM ng isang linggong pagkilos upang mabigyang-pansin ang kaso ni Tatay. Nananawagan sila noon sa konsulado ng Pilipinas sa Seatle na tulungan siyang makalaya.
Pinapasan ng pamilya ni Tatay ang mga ligal na bayarin, pareho sa U.S. at Pilipinas, bukod pa sa kanyang chemotherapy. Samantala, hindi man lamang tinupad ng konsulado ng Pilipinas sa Seattle ang simpleng pangako nito na bibisitahin siya. Naiwan si Tatay at kanyang pamilya ang pagsagot sa libu-libong gastos sa ligal na proseso dahil sa lantarang kapabayaan ng konsulado.
Sadyang hindi bago ang panlilinlang ng embahada at konsulado ng Pilipinas.
Nang napalaya si ipiniit rin ng ICE na si Kuya Jeff noong Hunyo 14, ipinalabas din ng embahada na tumulong ito sa proseso. Hindi kinontak ng embahada si Jess, taliwas sa sinabi noon ng embahada na dinalaw ng upisyal nito.
“Wala kaming tiwala sa gubyerno ng Pilipinas. Nakakapagsinungaling sila sa harap namin na wala silang sapat na tauhan upang tulungan ang mga Pilipinong nakapiit, ngunit handa silang dumayo sa iba pang community events,” pahayag ni Bea Pulido, lider ng Migrante- Seattle.
Habang sinasabi ni Bensurto Jr na biktima siya ng “verbal tirade” at “harassment,” siya mismo ang nagsinungaling, umiiwas sa mga tanong, at agresibo sa harap ng mga tanong ng komunidad ng mga Pilipino na matagal nang naghihintay ng kasagutan.
“Ang galit ng komunidad sa kawalan ng aksyon ng konsulado ay higit na nararapat,” dagdag ni Pulido.
Ayon sa TMM, kung kaya ng gubyerno ng Pilipinas na kundenahin ang China sa pagdetine nito sa 100 Pilipino, dapat kaya rin ni Ambassador Romualdez na tumindig para sa mga Pilipino na walang habas na tinatarget, ginigipit at pinapalayas ng administrasyong Trump.
Anito, patuloy na nasa detensyon ang mga Pilipino sa buong bansa at nakararanas ng mga paglabag sa kanilang karapatang pantao at sa tamang proseso, habang si Romualdez ay aktibong nakikipagsabwatan sa Domestic Homeland Secuorty at nagpupursige sa paghahanap ng mga kasunduan na naiiwang lugi ang Pilipinas, tulad ng Pax Silica initiative ng US, na magdudulot lamang ng pagkasira ng kalikasan at sapilitang pagpapalayas sa mga komunidad.
Tuloy ang laban para sa pagpalaya ng lahat ng mga Pilipino dinetine ng ICE
Isa lamang si Tatay Loreto sa kasalukuyang ikinakampanyang imigrante para palayain mula sa detensyon ng ICE ng Tanggol Migrante Movement.
Sa Washington State, nasa 10 nakadetine ang kanilang kinakampanya, kabilang si Kuya Rob, na mahigit 400 na araw nang nakadetine, Nestor, Desmond, Rho at Kuya R. Sa Southern California, kinampanya nila ang pagpapalaya nina Kuya Richard at Kuya Jonathan; sa Northeast, si Kuya Raul; sa Midwest, si Ate Jodie; sa Georgia, si Ya’akub Ira Vijandre, na higit isang taon nang nakadetine dahil sa kanyang aktibismo para sa pagpapalaya ng mga Palestino.
Maraming Pilipino ang nakalaya na pero hindi pa rin nila nakatatanggap ng Assistance to Nationals mula sa Department of Foreign Affairs. Sa kabila ito ng nawalan sila ng kita mula sa trabaho o gumastos ng malalaking halaga para sa abugado.
May ilan din na mga kaso na kanilang kinampanya ang napa-deport o pinili mag voluntary departure dahil sa marahas na kalagayan sa mga detention center. Kabilang sa mga ito si Kuya Sean, si Kuya Eddie, na hindi kinilala ng DFA na Pilipino kaya idineport sa Eswatini noong Oktubre 2025.
Sa Chicago, nadeport noong Enero 8 si Tita Rebecca nang hindi sinasabihan ang kanyang pamilya. Hindi bababa sa 200 manggagawa sa barko ang idineport simula noong Marso ng nakaraang taon, kabilang ang siyam mula sa Boston, Massachusetts noong nakaraang linggo lamang.
The post Pilipinong may sakit na cancer, nakalaya mula sa detensyon ng ICE appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

