Sa tulak ng neoliberal na globalisasyon, nag-uunahan ang mga unibersidad na mapataas ang kanilang akademikong prestihiyo alinusnod sa pandaigdigang sukatan; itinutuon ang oryentasyon para itaguyod ang korporitisasyon at pribatisasyon sa pampublikong pag-aaral; at sa ngalan ng “otonomiya,” binibigyang-katarungan ang pag-abandona ng estado sa pagpondo sa edukasyon.

Sa lenteng nito dapat tingnan ang tulak na baguhin ang tsarter ng University of Eastern Philippines (UEP) at gawin itong National University for Sustainability Studies sa pamamagitan ng House Bill (HB) No. 861 na isinumite ng mga kongresista na sina Marcelino Libanan at Christopher Sheen Gonzales. Mayroon ding isinumite na kahalintulad na HB 9414 ang kongresistang si Jude Acidre. Ito ay diumano isang hakbang ng UEP para pataasin ang kanyang akademikong prestihiyo bilang sentro ng pag-aaral ng sustainability, makaakses ng mas malaking pondo, at makaabante sa pandaigdigang sukatan. Higit sa nangingibabaw na debate hinggil sa institusyunal na kahandaan, ang tanong na kailangang masagot ay: para kanino at sa anong balangkas nakaangkla ang bagong tsarter na ito?

Upang higit na maunawaan ang implikasyon ng mga panukalang batas, dapat silipin ang naging karanasan ng University of the Philippines (UP) nang itulak ang pagbabago ng kanilang tsarter noong 2008. Imbis na pataasin ang pondo ng unibersidad, nagresulta ito sa sunod-sunod na pagbabawas ng badyet dahil ang titulong national university ay nagbigay ng piskal na otonomiya rito at nagbigay-katwiran sa estado na abandonahin ang kanyang tungkulin na pondohan ang pampublikong edukasyon. Natulak din ang unibersidad na pumasok sa mga public-private partnership na nagpatindi ng pribatisasyon sa mga pampublikong espasyo. Nagbigay din ito ng higit na kapangyarihan sa Board of Regents (BOR), kung saan otomatikong nakaupo ang mga neoliberal na manedyer mula sa Commission on Higher Education (CHED) at kinatawan mula sa Kongreso.

Ang layon ng administrasyon ng UEP tungo sa pinatinding kolonyal, korporitisado, komersyalisado, at represibong edukasyon ay lalong tumitingkad sa mga prubisyon ng mga panukalang batas.

Kolonyal. Makikita ang kolonyal na tunguhin ng panukalang tsarter sa Seksyon 2 ng HB 861 at HB 9414 kung saan ang itinataguyod na konsepto ng sustainability studies ay “green entrepeneurship.” Delikado ang balangkas na ito dahil itinutuon nito ang pananaliksik sa agrikultura sa pangangailangan ng eksport ng merkado, at hindi sa lokal na katangian, konteksto, at pangangailangan ng komunidad at mamamayan para sa sustenableng pamumuhay. Pinapatunayan din ng mga prubisyon sa produktibidad (Seksyon 3.3) at pagiging “globally-competitive” (Seksyon 10) ang pinatinding tulak ng neoliberal na edukasyon.

Korporatisado. Korporatisasyon ang lantarang layunin ng bagong tsarter. Iginigiit ng Seksyon 11 ng HB 861 at HB 9414 na magkaroon ang unibersidad ng poder ng isang korporasyon. Ang sinasabing administratibong otonomiya (Seksyon 10) ay tulad ng ginawa sa UP na nagbigay-daan sa pribatisasyon. Katunayan, lantaran ito sa lenggwahe ng HB 861: sa Seksyon 11 hinggil sa eksternal na pakikipagtulungan, Seksyon 12 hinggil sa dalawang kinatawan mula sa pribadong sektor sa BOR, Seksyon 13(b) tungkol sa pakikipagkasundo sa mga pribadong ahensya, at Seksyon 13(g) kaugnay ng pagkokontrata ng mga teknikal na serbisyo.

Komersyalisado. Magbibigay-daan ang bagong tsarter sa pinagrabeng komersyalisasyon. Mahalagang prubisyon ang Seksyon 21 hinggil sa panggagalingan ng pondo ng unibersidad na hindi na lamang ang General Appropriations Act, kundi maging ang mga institusyunal na rekurso. Sa ngayon, marami nang income-generating project ang UEP tulad ng White Beach at ang Kapihan. Malawak din ang espasyo para sa komersyalisasyon ng espasyo dahil isa ito sa may pinakamalalawak na lupain sa mga unibersidad sa bansa. Walang ibang implikasyon ang tsarter kundi ang mas mataas na pag-asa sa kapital ng pribadong negosyo para sustentuhan ang operasyon ng unibersidad. Sa ilalim naman ng Seksyon 13(e), binibigyang poder ang BOR na itakda ang tuition at iba pang bayarin. Magbibigay-luwag ito sa pagpapapasan sa mga estudyante ng mga bayarin dahil sa kakulangan ng pondo mula sa estado, na pupunuan din ng kita mula sa mga negosyo sa unibersidad.

Represibo. Hindi ito tunay na magsisilbi sa mga mag-aaral. Katunayan, isinantabi ang demokratikong konsultasyon sa kanila sa pagborador ng mga lehislatibong panukalang ito. Higit pa sa prosedyural na obligasyon, dapat binibigyan ng boses ang mga estudyante sa mga desisyon na malaki ang kinalaman sa kanila. Kailangan ding magbantay sa mga prubisyon, kung meron man, hinggil sa term extension ng kasalukuyang represibong administrasyon kabilang na ang pangingialam ng mga burukrata kapitalista sa BOR na dagdag na makapipinsala sa konsultatibo, demokratiko, at pampublikong katangian ng unibersidad.

Kailangang itaguyod ang isang makatarungang tsarter. Dapat igiit ng mga kabataang-estudyante ang tsarter ng UEP na nakaangkla sa makabayan, siyentipiko, at makamasang edukasyon. Dapat magsilbi ang mga pampublikong unibersidad sa kolektibo at demokratikong pangangailangan ng mamamayan, hindi lamang ng mga estudyante, kundi maging ng mga guro, istap, at mga komunidad na pinagsisilbihan nito tulad ng UEP community, mga magsasaka, mangingisda, at iba pang sektor. Ang UEP at mga unibersidad ay dapat magsilbi sa masa at bayan, at hindi lamang maghabol sa akademikong prestihiyo at makipagkumpitensya sa neoliberal na mga suklatan. Ang makabayang edukasyon ay hindi para sa dayuhang merkado o sa negosyo; instrumento ito para sa tunay na pambansang kaunlaran at soberanya.

The post Tangkang pagbabago ng tsarter ng UEP, tulak ng kolonyal, korporatisado, at represibong edukasyon appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.